7 guro sa Filipino, kinilala ng KWF

Pinarangalan ng Komisyon sa Wikang Filipino ang 7 guro sa Filipino, Oktubre 1. (Kuhang larawan ni Neil Clark Manuel)

Pinarangalan ng Komisyon sa Wikang Filipino ang 7 guro sa Filipino, Oktubre 1. (Kuhang larawan ni Neil Clark Manuel)

Ginawad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang pagkilalang Ulirang Guro 2019 sa pitong guro sa Filipino mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, Oktubre 1.

Ipinagkakaloob ng KWF ang nasabing gawad sa mga guro sa Filipino na nagpamalas ng natatanging husay sa pagtuturo at paggamit ng wikang pambansa.

Napili para sa taong ito ang dalawang guro sa sekundarya at limang guro sa tersiyarya. Hinirang na mga Ulirang Guro sina Joshua Oyon-Oyon ng Sorsogon National High School, Sharon Villaverde ng Lopez National Comprehensive High School, Niña Christina Zamora ng Philippine Normal University, Rodel Guzman ng Isabela State University, Julieta Cruz-Cebrero ng J. H. Cerilles State College, Rodello Pepito ng Bukidnon State University, at Maria Eliza Lopez ng Mariano Marcos State University.

Iginiit ng Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino na si Virgilio Almario na malaki ang papel ng mga guro sa Filipino sa paghuhubog ng mga estudyanteng Filipino. (Kuhang larawan ni Neil Clark Manuel)

Iginiit ng Tagapangulo ng KWF na si Virgilio Almario na malaki ang papel ng mga guro sa Filipino sa paghuhubog ng mga estudyanteng Filipino. (Kuhang larawan ni Neil Clark Manuel)

Ayon sa tagapangulo ng KWF at Pambansang Alagad ng Sining Virgilio Almario, dumaan sa masinsinang proseso ang pagsasala sa 139 na nominasyong kanilang natanggap. Dagdag pa ni Almario, patuloy na pinatataas ng Komisyon ang kanilang mga pamantayan sa pagsasala sa mga hihirangin pang Ulirang Guro. “Kaya napakahalaga sa taong ito na ang mga kalahok ay mag-submit ng kung anumang uri ng research na kanilang nagawa bukod sa kanilang pagtuturo, at saka kung mayroon silang nalathalang mga artikulo sa wika, panitikan, at kultura, o kaya ay nakapaglathala ng mga libro,” paliwanag ni Almario.

Umaasa ang KWF na makatutulong ang taunang gawad sa pagpapasigla at pagtataguyod sa pagtuturo ng wikang Filipino, pati na ang pagpapalaganap ng katutubong wika at kultura sa kani-kanilang bayan. Sa kabila ng isyu ng pagtanggal sa Filipino at Panitikan bilang mga kinakailangang GE course, nanindigan si Almario na mahalaga ang tungkuling ginagampanan ng mga guro sa Filipino. Nanindigan din si Almario na may gampanin ang mga guro sa Filipino sa Saligang Batas. “Kaya napakalaki ng pagtingin ko sa mga guro sa Filipino dahil kayo ang pag-asa para matupad ang mandato ng ating Konstitusyon,” wika ni Almario.

Naniniwala si CHEd Commissioner Aldrin Darilag na mayroong ginagawa ang kanilang komisyon upang masigurong manatili ang pagtuturo at pag-aaral sa Filipino. (Kuhang larawan ni Neil Clark Manuel)

Ipinaliwanag ni CHEd Commissioner Aldrin Darilag na mayroong ginagawa ang kanilang komisyon upang masigurong manatili ang pagtuturo at pag-aaral sa Filipino. (Kuhang larawan ni Neil Clark Manuel)

Positibo naman ang naging pagtanaw ni Aldrin Darilag, Commission on Higher Education (CHEd) Commissioner, sa patutunguhan ng Filipino bilang asignatura sa kolehiyo. Bagaman kinatigan ng Korte Suprema ang memorandum ng CHEd na nag-aalis sa Filipino at Panitikan bilang mga required subject sa kolehiyo, malaki ang kumpiyansa ni Darilag na mananatiling mahalaga ang Filipino sa pag-aaral at pagtuturo sa kolehiyo. “Ang nasa isip ko, maaaring sa mga bubuuing bagong technical panel [ng CHEd] magmula ang mga talakayan, at sa mga talakayang ito lumitaw ang mga bagong karanasan, konsepto, [at] kabatiran na hahantong sa paninindigan at kapasiyahang palakasing muli ang Wika at Panitikang Filipino sa general education curriculum,” sabi ni Darilag.

Bukod sa katibayan, ipinagkaloob din sa mga ginawaran ang isang espesyal na medalya. (Kuhang larawan ni Neil Clark Manuel)

Bukod sa sertifikasiyon, ipinagkaloob din sa mga ginawaran ang isang espesyal na medalya. (Kuhang larawan ni Neil Clark Manuel)

Tumanggap ng mga natatanging medalya at katibayan ang mga ginawarang Ulirang Guro 2019. — may mga ulat din galing kay Neil Clark Manuel