UST Prof, ginawaran ng Gawad Julian Cruz Balmaseda 2018

Nagwagi bilang pinakamahusay na disertasyon sa idinaos na Gawad Julian Cruz Balmaseda 2018 ang akda ni Dr. Emmanuel de Leon, isang propesor sa pilosopiya mula sa University of Santo Tomas, Enero 26.

Ipinagkakaloob ang Gawad Julian Cruz Balmaseda ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa pinakamahuhusay na tesis at disertasyon na isinulat gamit ang wikang Filipino para sa mga larang ng agham, matematika, agham panlipunan, humanidades, at iba pa.

Pinamagatang “Ang Intelektuwal na Pamana ng mga Pangunahing Tomasinong Pilosoper sa Kasaysayan ng Pamimilosopiyang Filipino: Quito, Mercado, Hornedo, Timbreza, Abulad at Co” ang nanalong disertasyon ni de Leon.

Ipinaliwanag ni de Leon ang kahalagahan ng pananaliksik sa lokal na mga pilosopo kasabay ng pananalisik sa mga konsepto ng kanluraning pilosopiya. Tinukoy niya na karaniwang tinututukan ang mga konsepto ng mga banyagang pilosopiya.

Hindi naman sinasabi ng disertasyon na maging ekslusibo sa mga Filipino kundi ‘yung makabalanse man lamang tayo sa pananaliksik… The Filipinos are worth researching for… kasi mayroong dapat i-research sa mga Filipino philosopher,” paliwanag ni de Leon.

Dagdag pa niya, marapat lamang na maging bahagi ng asignaturang pilosopiya ang mga teksto mula sa mga Filipinong pilosopo.

…dati kung ang pinag-uusapan kapag sinabing Introduction to Philosophy ay ang “What is Philosophy” ni Kant o “What is Philosophy” ni Heidegger, pero kung babasahin natin ang “What is Philosophy” ni Alfredo Co, mukhang mas angkop ito sa atin. Kasi ito, para sa kaniya, hindi lamang Western ‘yung ugat ng pilosopiya, pinagmulan ng pilosopiya. Nariyan din ang Eastern,” wika ni de Leon.

Ginawaran bilang pinakamahusay na disertasyon ang akda ni UST Professor Emmanuel de Leon

Ginawaran bilang pinakamahusay na disertasyon ang akda ni UST Professor Emmanuel de Leon. (Kuha ni Norai Sales)

Tinitingnan din ni de Leon na magbibigay-daan para sa pagpapatibay ng pamilosopiyang Filipino ang pagiging bahagi ng mga teksto ng lokal na pilosopo.

Inaasahang ilulunsad ng KWF ang nasabing disertasyon sa 2019 o 2020.

Kasabay ng paggawad ng parangal kay de Leon ang paglulunsad ng akdang “Ang Kalamidad noong Panahon ng Hapon: 1942-1945” ni 2016 Gawad Julian Cruz Balmaseda awardee Prof. Ramon Sarmiento, Jr., II ng De La Salle University Manila.

Umupo bilang tagapangulo ng lupon ng mga hurado ng nasabing Gawad si Dr. Eulalio R. Guieb III mula sa UP College of Mass Communication. Kasama rin sa lupon sina Dr. Ma. Crisanta Nelmida-Flores mula sa UP College of Arts and Letters at Dr. Michael Charleston Chua mula sa De La Salle University.

Iniimbitahan ng KWF ang mga nais lumahok sa Gawad Julian Cruz Balmaseda 2019. Maaaring ilahok ang mga tesis o disertasyon na naidipensa at naipasa sa loob ng taong fiskal 2017 hanggang 2018. Nakatakda sa Oktubre 12, 2018 ang huling araw ng pasahan.