UP alumni, students, nagwagi sa Cinemalaya 2019

Hinakot ng mga alumni at mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) ang mga pagkilala sa mga kategoryang full length feature at short feature sa katatapos lamang na awarding ceremony ng Cinemalaya Independent Film Festival 2019, Agosto 11.

Kinilalang Best Film sa Full Length Category ang pelikulang John Denver Trending ni Arden Rod Condez, alumnus ng UP Visayas kung saan nagtapos siya sa kursong Broadcast Communication. Nakamit din ng kaniyang pelikula ang Netpac Award para pa rin sa Full Length Category.

Iginawad naman ang Best Film sa pelikulang ‘Wag Mo ‘Kong Kausapin ni Josef Gacutan, alumna ng UP Film Institute (UPFI).

Pareho ring nakuha ng UP alumni ang Best Screenplay sa kategoryang full length at short feature. Ibinigay ang Best Screenplay (Full Length) sa pelikulang Iska sa panulat ni Mary Rose Colindres mula sa UP Diliman Department of Broadcast Communication. Kinilala naman bilang Best Screenplay (Short) ang Kontrolado ni Girly ang Buhay Niya sa panulat ni Gilb Baldoza mula sa UPFI.

Iginawad din ang mga karangalan sa iba’t ibang aspeto ng produksiyon kina:

  • Special Jury Award (Short Feature): Tembong ni Shaira Advincula, UPFI
  • Best Director (Short Feature) at Netpac Award Special Mention: Sa Among Agwat ni Don Senoc, UPFI
  • Best Editing (Full Length Feature): John Denver Trending, inedit ni Benjo Ferrer III, UPFI
  • Best Production Design (Full Length Feature): Edward, production designer Alvin Francisco, UPFI
  • Audience Choice Award (Full Length Feature): Belle Douleur ni Joji Alonso, UP Law at UP College of Social Sciences and Philosophy

Bukod sa mga nabanggit na pelikula, kinilala rin ang iba pang mga gawa sa 15th Cinemalaya.