IBON: Unemployment sa bansa, pinakamataas noong 2018

Inilahad ni IBON Foundation Executive Director Sonny Africa ang estado ng ekonomiya sa bansa sa idinaos na Midyear Bird Talk ng organisasyon. (Kuha ni Joanna Reyes)

Inilahad ni IBON Foundation Executive Director Sonny Africa ang tingin nila sa estado ng ekonomiya sa bansa sa idinaos na Midyear Bird Talk ng organisasyon. (Kuhang larawan ni Joanna Ellina Reyes)

Taliwas sa anunsiyo ng Palasyo, inihayag ng independent think tank na IBON Foundation, Hulyo 11, na naitala noong 2018 ang pinakamataas na unemployment rate sa bansa.

Tinatayang nasa 4.6 milyong Filipino ang maituturing na unemployed noong 2018 kung pagbabatayan ang kompyutasyon ng IBON Foundation. Kaiba sa 5.3% na unemployment rate na inanunsiyo ng Malacañang, nasa 10.1% ang sinasabing tunay na unemployment rate ayon sa nabanggit na organisasyon.

Paliwanag ni Sonny Africa, IBON Foundation Executive Director, maituturong dahilan ng kaibahan sa datos ang ginawang pagbabago sa depinisyon ng pamahalaan sa terminong “unemployment” noong 2005.

Dagdag pa ni Africa, sumusuporta sa interpretasyon nila sa datos ang mahinang job creation, aniya, sa ilalim ng Administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa pagtatala ng kanilang grupo, nasa 81,000 lamang na bagong trabaho mula noong 2016 hanggang 2018 ang nadagdag. Pinakamababang bilang ito ng job creation mula noong rehimen ng diktador na si Ferdinand Marcos. Tumatayo naman sa 0.2% ang rate of job generation kada taon sa ilalim ng Administrasyong Duterte—ang pinakamababa, anila, mula pa noong Administrasyon ni dating Pangulong Carlos Garcia.

Nakababahala para sa IBON ang nakompyut nilang datos ng kawalan ng trabaho. Aniya, isang patunay sa bumubuti o lumulubhang kondisyon ng ekonomiya ang estado ng trabaho sa bansa.

Pinunto rin ng IBON na naitala ang sinasabi nilang pinakamataas na unemployment sa panahong ipinatutupad ng kasalukuyang administrasyon ang mega infrastructure program nitong “Build, Build, Build.” “Sinasabi palagi, ‘Look at China.’ ‘China was at a two-decade infrastructure frenzy, look where there are now.’ Actually, exactly. The reason why China benefited from the infrastructure projects is because they were using their money and they were spending on their corporations. That’s not the case with the Philippines. We’re borrowing money to spend on other people’s corporations… We really have to realize na everyone’s selling something sa infra. Ang problema… We’re the ones buying and we’ll be the ones paying for it in the years to come,” paliwanag ni Africa.

Nakalaan ang 70% ng pondong makukuha mula sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law para sa “Build, Build, Build.”

Sa naging 2019 State of the Nation Address, nanawagan si Duterte para sa pagpasa ng Kongreso sa ikalawang package ng Comprehensive Tax Reform Program ng Administrasyon. Kaniya ring inaasahan ang pagtataguyod ng mga emerging economic hubs sa labas ng Metro Manila, sa tulong ng Build, Build, Build.

Tinalakay rin ang iba pang aspekto ng ekonomiya at estado ng politika sa idinaos na talakayan ng IBON Foundation.