Nanalong senador, naiproklama na ng COMELEC

Prinoklama na ng Commission on Elections (COMELEC) na umupong National Board of Canvassers (NBOC) ang mga nagwaging kandidato para sa posisyong Senador, Mayo 22.

Nakuha ni Cynthia Villar ang pinakamataas na boto na 25,282,727 sa senatorial race sa 2019 National Elections batay sa Senatorial Summary Statement of Votes mula sa NBOC.

Sinundan siya nina Grace Poe na may 22,029,788 votes, Bong Go na may 20,657,702 votes, Pia Cayetano na may 19,789,019 votes, Bato dela Rosa na may 19,004,225 votes, Sonny Angara na may 18,161,862 votes, Lito Lapid na may 16,965,464 votes, Imee Marcos na may 15,882,628 votes, Francis Tolentino na may 15,510,026 votes, Koko Pimentel na may 14,668,665 votes, Bong Revilla na may 14,624,445 votes, at Nancy Binay na may 14,504,936 votes.

TINGNAN: Mga nanalong senatorial candidate sa katatapos na May 13, 2019 National and Local Elections.

TINGNAN: Mga nanalong senatorial candidate sa katatapos na May 13, 2019 National and Local Elections.

Sasamahan nila ang labindalawa pang mga Senador na bubuo sa Senado sa ilalim ng 18th Congress.

First-time senators ang apat sa 12 na nagwaging senatorial candidates na sina Go, dela Rosa, Marcos, at Tolentino.

Kinikilala bilang “bastion of democracy” ang Senado dahil sa paniniwalang sinisiguro nitong nasusunod ang mga democratic ideal ng isang bansa.

Bilang Mataas na Kapulungan, may ilang mga kapangyarihang tanging nakaatas lamang sa Senado. Kabilang dito ang kapangyarihang magratifika ng isang pinirmahang kasunduan ng Pangulo sa ibang bansa at ang paghatol sa isang impeachment trial laban sa mga pinakamatataas na opisyal ng bansa.

Kung susundin ang bagong komposisyon sa Senado batay sa kasalukuyang kinabibilangan ng ilang mga senador, magiging apat na lamang ang bubuo sa minority sa Senado. Kinabibilangan ito nina Minority Floor Leader Franklin Drilon at Senador Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan, at Leila de Lima na nakakulong sa kasalukuyan.