NWRB: Suplay ng tubig para sa Metro Manila, ‘di pa rin sapat

Marso 2019 nang maramdaman ng mga residente ng Metro Manila ang kakulangan sa suplay ng tubig. (Kuhang larawan ni Gian Carlo Librojo)

Marso 2019 nang maramdaman ng mga residente ng Metro Manila ang kakulangan sa suplay ng tubig. (Kuhang larawan ni Gian Carlo Librojo kasama si Neil Manuel)

“Base sa projection ng PAGASA, baka po sa Setyembre pa makabalik po sa normal ang lebel ng tubig sa Angat Dam.” Ito ang naging sagot ni Sevillo David, Jr., Executive Director ng National Water Resources Board (NWRB), hinggil sa lagay ng serbisyo ng tubig sa Kalakhang Maynila, sa panayam sa programang Nature Venture ng DZUP, Hulyo 31. Paliwanag ni David, hindi pa rin sapat sa kasalukuyan ang lebel ng tubig sa Angat Dam upang manumbalik na ang normal na pagseserbisyo ng tubig sa Kalakhang Maynila.

Sa Angat Dam kinukuha ang lampas 90% ng kabuuang water supply ng Kamaynilaan kabilang ang mga siyudad at bayan sa labas nito na sineserbisyuhan ng dalawang water concessionaires na Manila Water at Maynilad. Nasa 165.45 m ang lebel ng tubig sa Angat batay sa pinakahuling pagtatala ng PAGASA, Agosto 1, 6:00 am.

Nananatiling nasa 36 m3/s ang alokasyon ng tubig kumpara sa kadalasang ibinibigay na 46 m3/s ng NWRB sa Metro Manila upang matipid pa ang tubig sa Angat Dam hanggang sa hindi pa umaakyat ang lebel ng tubig doon. “Sa Angat po kasi, doon po kasi halos nanggagaling ang water supply natin para sa Metro Manila… [Mas] mababa pa rin sa minimum operating level natin na 180 m [ang kasalukuyang lebel ng tubig sa Angat Dam]. So sa ganito pong situwasyon, ang NWRB po ay pinapanatili ang alokasyon para sa Metro Manila,” wika ni David.

Bagaman isang arkipelago ang Pilipinas, isang malaking problema kung saan makakukuha ng tubig. (Kuhang larawan ni Gian Carlo Librojo)

Bagaman isang arkipelago ang Pilipinas, isang malaking problema kung saan makakukuha ng tubig. (Kuhang larawan ni Gian Carlo Librojo kasama si Neil Manuel)

Umaasa si David na matutugunan ng inaasahang pag-ulan ngayong buwan hanggang sa susunod ang nararanasang kakulangan sa suplay ng tubig. Aniya, “malaking bagay po ‘yung pag-ulan para ma-recharge ‘yung mga dam natin, partikular po ang Angat Dam.” Hinikayat naman ni David ang publiko na tipirin ang tubig at gamiting muli sa iba pang paraan ang mga nagamit nang tubig. Sa isang pahayag, pinakiusapan din ng NWRB ang publiko na bawasan o iwasan ang paggamit ng tubig para sa pagdidilig ng mga halaman at paglilinis ng mga kotse.

Suportado naman ng NWRB ang panukala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang ika-apat na State of the Nation Address na itatag ng Kongreso ang isang Department of Water Resources at Water Regulatory Commission upang mas lalo umanong mabigyan ng pansin ang pangangasiwa sa yamang tubig ng bansa.

Hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso ang pagbubuo ng isang Department of Water Resource at Water Regulatory Commission. (Kuhang larawan ni Gian Carlo Librojo sa Batasan habang oathtaking ng bagong mga miyembro ng Mababang Kapulungan sa 18th Congress).

Hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso ang pagbubuo ng isang Department of Water Resource at Water Regulatory Commission. (Kuhang larawan ni Gian Carlo Librojo sa Batasan habang dinaraos ang oath taking ng bagong mga miyembro ng Mababang Kapulungan sa 18th Congress).

Ipinaliwanag din ni David na napapanahon na ring dagdagan pa ang mga pasilidad, tulad ng mga dam, na mapagkukuhanan ng tubig dahil sa nararanasan nang kakulangan ng tubig sa bansa, partikular sa Kamaynilaan. Para sa NWRB, isa itong mainam na istratehiya upang matiyak ang seguridad sa suplay ng tubig sa bansa.

Hindi naman sumasang-ayon dito ang ilang mga grupo. Paliwanag ni Warner Carag, Secretary General ng AGHAM Diliman, na hindi solusyon ang pagtatayo ng mas maraming mga dam sa nararanasang kakulangan ng tubig. Tanong ni Carag, “kakailanganin ba natin ng mga mas malalaking dam na puwedeng magkaroon ng malaking perwisyo doon sa ating kalikasan at, higit sa lahat, doon sa mga nakatira sa mga barangay na maaaring malubog dahil sa itatayong dam na ito?” — sa tulong ng ulat ni Krystelle Ymari Vergara