Pag-aresto kay Ressa, tinuligsa sa UP Diliman

Share on Facebook
Share on Facebook Messenger
Tweet about this on Twitter
Email to someone

Kinundena sa mga idinaos na kilos protesta sa UP Diliman ang naging pag-aresto kay Rappler CEO Maria Ressa nitong Miyerkoles, Pebrero 13.

Inaresto ang batikang mamamahayag dahil sa kasong online libel hinggil sa isang istorya na nilabas ng Rappler noong 2012. Nanatiling nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation si Ressa hanggang sa nakapagpiyansa siya kinaumagahan, Pebrero 14.

Pinagpasiyahan ng UP Diliman University Student Council at ng komite ng nasabing aktibidad na magdaos ng isang kilos protesta sa entablado mismo ng UP Fair, bilang tugon sa pag-aresto kay Ressa. Nakatakda sanang magtalumpati bilang keynote speaker ng UP Fair si Ressa upang talakayin ang lagay ng kalayaan sa pamamahayag sa bansa, gabi ng kaniyang pagka-aresto.

Nagdaos ng maikling protesta ang ilang mga estudyante sa entablado mismo ng UP Fair upang kundenahin ang pag-aresto kay Rappler CEO Maria Ressa. (Kuha ni Isha Bonus)

Nagdaos ng maikling protesta ang ilang mga estudyante sa entablado mismo ng UP Fair upang kundenahin ang pag-aresto kay Rappler CEO Maria Ressa. (Kuha ni Isha Bonus)

Dito, binasa ni Patricia Evangelista ng Rappler ang pahayag ng kanilang media outfit kung saan kanilang itinuturing na walang basehan ang kasong isinampa kay Ressa. Ayon sa Rappler, nagtatakda ng isang “mapanganib na modelo” para sa media at publiko ang paggamit ng Department of Justice sa sinasabi nitong “continuous publication” theory.

This is a dangerous precedent that puts anyone – not just the media – who publishes anything online perennially in danger of being charged with libel. It can be an effective tool of harassment and intimidation to silence critical reporting on the part of the media. No one is safe. — bahagi ng pahayag ng Rappler

Iginiit din ng Rappler na hindi sila magpapatinag sa pananakot anila ng gobyerno sa kanila at tiniyak ang pagpapatuloy ng kanilang pag-uulat.

Nanindigan ang Rappler sa kanilang tindig na hindi tama ang pag-aresto sa kanilang CEO na si Ressa. (Kuha ni Isha Bonus)

Nanindigan ang Rappler sa kanilang tindig na hindi tama ang pag-aresto sa kanilang CEO na si Ressa. (Kuha ni Isha Bonus)

Nagsalita rin sa naging protesta sa UP Fair si Jose Mari Callueng, Pangulo ng College Editors Guild of the Philippines. Nakikita ni Callueng na hindi hiwalay ang karapatan sa pamamahayag sa anumang karapatan ng bawat mamamayan. “Ang bawat isang pag-atake sa ating mga mamamahayag ay hindi lamang pag-atake sa hanay ng mga mamamahayag kundi, higit sa lahat, ay pag-atake sa bawat kalayaan ng mga mamamayan sa katotohanan at katarungan,” ani Callueng.  Hinikayat naman ni Callueng na magsama-sama ang mga Filipino upang matigil ang sinasabi niyang pag-atake sa mga mamamahayag.

Bukod sa sinasabing pag-atake sa Rappler, ibinahagi rin dito ni UP Student Regent Ivy Taroma ang ulat ng pag-atake rin umano sa mga alternative media. Para kay Taroma, porma ng “malinaw” na pagpapatahimik sa mga mamamahayag ang mga ginagawang aksyon ng Administrasyong Duterte.

Sa isang pahayag, nakiisa ang UP College of Mass Communication (CMC) sa pagtuligsa sa naging pag-aresto kay Ressa na kanilang itinuturing na atake sa kalayaan sa pananalita at pamamahayag. Inihalintulad ng UP CMC ang pag-serve sa warrant of arrest kay Ressa sa panahon ng martial law kung kailan naging madalas ang pagpapadala ng warrant sa oras na magsasara o sarado na ang mga hukuman.

Binasa ni UP CMC Dean Dr. Arminda Santiago ang pahayag ng kolehiyo kaugnay sa pag-aresto kay Ressa sa idinaos na protesta roon. (Kuha ni Krystelle Vergara/Joanna Reyes)

Binasa ni UP CMC Dean Dr. Arminda Santiago ang pahayag ng kolehiyo kaugnay sa pag-aresto kay Ressa sa idinaos na protesta roon. (Kuha ni Krystelle Vergara/Joanna Reyes)

Para sa kolehiyo, ipinakikita ng Administrasyong Duterte ang “mababang pagtingin at pagsunod nito sa mga demokratikong prinsipyo.” Kanila ring ipinaliwanag ang kahalagahan ng malayang midya sa isang demokratikong lipunan.

A free press is fundamental to a democratic society. A free press serves as a faithful chronicler of contemporary events, a platform for a multiplicity of voices to be heard, and, more important, the public’s watchdog of inept, abusive and corrupt governance. Its effectiveness lies in its ability to seek out and report news/information and hold those in power to account. With the same effort with which the press should seek the truth and report it, any attempt to muzzle its ability to do so should be vigorously resisted. — bahagi ng pahayag ng UP CMC

Nagdaos ng protesta ang mga estudyante, faculty, staff, at admin ng UP CMC upang kundenahin ang pag-aresto kay Ressa. (Kuha ni Krystelle Vergara/Joanna Reyes)

Nagdaos ng protesta ang mga estudyante, faculty, staff, at admin ng UP CMC upang kundenahin ang pag-aresto kay Ressa. (Kuha ni Krystelle Vergara/Joanna Reyes)

Kasabay ng pagdaos ng protesta sa UP CMC, Pebrero 14, ipinahayag din ng iba’t ibang mga student organization sa loob at labas ng kolehiyo ang kanilang pagkuwestiyon sa pag-aresto kay Ressa.

Iprinisenta ni Lucia Silva, Chairperson ng grupong Student Alliance for the Advancement of Democratic Rights in UP (STAND-UP), ang kanilang ginawang “warrant of arrest” laban kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga kasong pagtaksil sa bayan, pagpatay, at paglabag sa karapatang pantao. Ayon sa kanila, nararapat na ang Pangulo ang siyang mabigyan ng warrant.

TINGNAN: "Warrant of arrest" para kay Pangulong Duterte, pinakita ng mga estudyante.

TINGNAN: “Warrant of arrest” para kay Pangulong Duterte, pinakita ng mga estudyante. (Kuha ni Krystelle Vergara/Joanna Reyes)

Naglabas din ng mga pahayag ang Ateneo de Manila University, De La Salle University, at iba pang mga samahan ng mga mamamahayag kaugnay sa isyung ito. Nagdaos din ng mga protesta sa nabanggit na mga pamantasan.

Tinanggi naman ng Pangulo na mayroon siyang kinalaman sa pagpapa-aresto kay Ressa. “Far from it actually. I do not relish — babae pati bata, wala ako diyan,” sabi ni Pangulong Duterte nang tanungin siya pagkatapos ng proclamation at kick-off rally ng partido niyang PDP-Laban sa Bulacan, Pebrero 14. Dagdag ng Pangulo, wala siyang masasabi ukol sa nasabing paksa dahil hindi niya raw alam ito.

Sa hiwalay na panayam sa programang Failon Ngayon sa DZMM, iginiit din ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na walang kamay ang Palasyo sa pag-aresto kay Ressa. Paliwanag niya, hindi nakikialam ang Pangulo sa mga kasong may kinalaman sa mga bumabanat sa kaniya. Hindi rin nakikita ni Panelo na paglabag sa freedom of expression ang kaso ni Ressa. “Malayong-malayo unrelated, absolutely unrelated ‘yan,” wika ni Panelo.

Naniniwala rin si Panelo na ikinatutuwa ni Ressa ang pagkakulong sa kaniya dahil madalas aniya ang naging pagngiti ng mamamahayag. Dagdag niya, “hindi naman siya nakakulong eh, nasa NBI kuwarto lang,” kung kaya nakikita ni Panelo na pinalalaki lamang ni Ressa ang mga pangyayari.