Rappler CEO Maria Ressa, inaresto; protesta, isasagawa sa UP Fair

Share on Facebook
Share on Facebook Messenger
Tweet about this on Twitter
Email to someone
Kamakailan lamang nang pumirma si Rappler CEO Maria Ressa sa Memorandum of Understanding sa pagitan ng UP at iba pang media organization para fact-checking collaborative na Tsek.ph.

Kamakailan lamang nang pumirma si Rappler CEO Maria Ressa sa Memorandum of Understanding sa pagitan ng UP at iba pang media organization para sa fact-checking collaborative na Tsek.ph.

Inaresto na ng National Bureau of Investigation (NBI) si Rappler Chief Executive Officer Maria Ressa dahil sa isang kasong isinampa ng Department of Justice laban sa kaniya kaugnay sa paglabag umano sa online libel, Pebrero 13.

Sa ulat ng Rappler, bandang 5:00 pm nang dumating sa tanggapan ng Rappler ang mga arresting officer mula sa NBI. Hawak nila ang isang warrant of arrest na inilabas ng Manila Regional Trial Court Branch 46.

Bago ito, mangilang beses nang binatikos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Rappler.

Inakusahan ni Duterte, sa kaniyang ikalawang State of the Nation Address noong 2017, na pagmamay-ari ng mga banyaga ang Rappler. Itinatakda ng Konstitusyon ang 100% ownership ng mga Filipino sa anumang media company tulad ng Rappler.

Bunsod din ng isyu hinggil sa ownership, pinagbawalang makapasok sa loob ng Malacañang si Pia Ranada, isang reporter ng Rappler noong Pebrero 2018.

Sa isang pahayag, ipinaliwanag noon ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi pag-atake sa Rappler o sa kalayaan sa pamamahayag ang ginawang pagbawal kay Ranada sa loob ng Malacañang. Kaniya ring inakusahang nagkakalat ng fake news ang Rappler.

Inanunsyo naman ng UP Diliman University Student Council ang pagdaos ng isang silent protest sa UP Fair 2019 bilang pagkundena sa naging pag-aresto kay Ressa na kinukuwestiyon ng ilang mga grupo.

Nakatakda sanang magtalumpati si Ressa bilang keynote speaker sa UP Fair 2019 upang magsalita kaugnay sa lagay ng kalayaan sa pamamahayag sa bansa. Tampok sa UP Fair 2019: Elements ang panawagang #DefendPressFreedom.