Transparency sa halalan, panawagan ng UPD students

Nagtipon sa AS Steps ang mga estudyante ng UP Diliman upang kundenahin ang sinasabi nilang nangyaring pandaraya sa katatapos lamang na eleksiyon. (Kuhang larawan ni Hannah Paguila)

Nagtipon sa AS Steps ang mga estudyante ng UP Diliman upang kundenahin ang sinasabi nilang nangyaring pandaraya sa katatapos lamang na eleksiyon. (Kuhang larawan ni Hannah Paguila)

Ipinanawagan ng mga estudyante ng UP Diliman ang transparency sa idinaos nilang kilos protesta, Mayo 14, sa gitna ng ilang kaso ng aberya at delay ng transmission ng election returns (ERs) nitong May 13 National and Local Elections.

Dito, kanilang pinagpapaliwanag sa Commission on Elections (COMELEC) ang ilang kaso ng aberya sa mga vote counting machine (VCM) at voter registration verification machine (VRVM), at paghinto ng transmission ng ERs sa transparency server ng COMELEC na binibigay sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).

Ayon sa election watchdog group na Kontra Daya, mahigit 500 kaso ng verifikadong kaso ng VCM at VRVM malfunctioning ang kanilang naitala. Nasa pilot-testing ang paggamit sa VRVM na naglayon sanang mapabilis ang pagtiyak sa pagkakakilanlan ng isang botante.

Inudyok ng iba’t ibang student councils at organisasyon sa UP Diliman ang COMELEC na magbigay ng katanggap-tanggap na paliwanag sa ilang isyu hinggil sa eleksiyon. 

Pitong oras na huminto sa 0.4% ang lagay ng transmisyon ng mga ER sa COMELEC transparency server na pinadadala sa PPCRV at KBP na mula pa sa update noong 6:15 pm, Mayo 13.

Paliwanag ni COMELEC Spokesperson James Jimenez noong gabing hinihintay ng publiko ang pagpasok ng partial at unofficial results mula sa COMELEC sa PPCRV-KBP transparency server, patuloy ang naging pagpasok ng ERs sa COMELEC kahit na hindi ito ang lumabas sa PPCRV at KBP.

Biglang nagbago naman ang bilang ng porsyento na lumabas sa PPCRV-KBP transparency server mula 0.4% tungong 90.57% na natanggap na boto noong pasado 1:00 am, matapos ang nasa pitong oras na paghihintay ng update mula sa COMELEC. Ibinaba naman sa 49.76% ang 6:19 am tally mula sa 92.89% ng lumabas na 5:45 am na partial at unofficial results. Parehong isinisi ng COMELEC sa “Java error” ang sinasabi nilang technical glitch. 

Inudyok ng mga estudyante ng UP Diliman ang COMELEC na maging transparent sa mga aberyang naitala sa 2019 National and Local Elections. (Kuhang larawan ni Hannah Paguila)

Inudyok ng mga estudyante ng UP Diliman ang COMELEC na maging transparent sa mga aberyang naitala sa 2019 National and Local Elections. (Kuhang larawan ni Hannah Paguila)

Nakikita naman ng mga nagprotestang estudyante na rason ang mga nasabing isyu upang kuwestiyunin ang integridad ng idinaos na halalan ngayong taon.

Kabilang sa mga organisasyong lumahok sa nasabing protesta ang UP Diliman University Student Council, UP College of Social Sciences and Philosophy Student Council, UP College of Arts and Letters Student Council, UP College of Mass Communication Student Council, Anakbayan UP Diliman, Agham Youth, at League of Filipino Students.

Bukod sa UP Diliman, nagsagawa rin ang mga kabataan mula sa UP Visayas Iloilo, UP Diliman Extension Program in Pampanga, UP Los Baños, UP Visayas Miagao, UP Manila, at UP Cebu ng parehong pagkilos.

Dumiretso naman ng COMELEC sa Intramuros ang ilan pang grupo upang ipagpatuloy doon ang protesta. 

Bago ang pagkilos, nanalangin muna ang mga lumahok sa isinagawang rally. —sa tulong ng ulat ni Hannah Melizza Paguila