UP NCPAG, iba pa, kinukundena ang pagpapawalang-bisa sa amnestiya ni Trillanes

Share on Facebook
Share on Facebook Messenger
Tweet about this on Twitter
Email to someone

Magiit na kinukundena ng ilang nag-aalalang mga miyembro ng faculty, kawani, mag-aaral, at alumni ng UP National College of Public Administration and Governance (NCPAG) at UP ang sinasabi nilang selektibong paggamit ng rule of law at ang panggigipit sa mga kritiko ng Administrasyong Duterte.

Ayon ito sa pahayag na kanilang inilathala, Setyembre 6.

Naglabas ng pahayag ang mga faculty, kawani, at estudyante UP NCPAG at UP kaugnay sa pagpapawalang-bisa sa amnestiyang ibinigay kay Trillanes noong 2011, Setyembre 6.

Naglabas ng pahayag ang mga faculty, kawani, at estudyante ng UP NCPAG at UP kaugnay sa pagpapawalang-bisa sa amnestiyang ibinigay kay Trillanes noong 2011, Setyembre 6. (Logo ng UP NCPAG)

Anila, ipinakikita ng pagpapawalang-bisa sa ibinigay na amnestiya at pagpapaaresto kay Senador Antonio Trillanes ang tahasang pagtatangka ng Administrasyong Duterte upang patahimikin at gipitin ang oposisyon.

Paliwanag nila, pinakahuli ang insidenteng ito sa humahabang listahan ng mga umano’y kasuklam-suklam na mga gawain ng Administrasyong nakapanghihina sa kalayaan ng mga pulitikal na institusyon at santidad ng checks and balances sa pagitan ng tatlong magkakapantay-pantay na mga sangay ng gobyerno.

Tinukoy nila bilang ilan sa mga halimbawa nito ang pagpapaaresto kay Senadora Leila de Lima base sa sinasabi nilang gawa-gawang kaso, ang pagpapatalsik kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa pamamagitan ng quo warranto, at ang patuloy na tirada laban kay Vice President Leni Robredo.

Nagbabala silang patungo na sa isang diktadura ang bansa.

Ayon sa kanila, tila diversionary tactics ang pag-uutos sa pagpapawalang-bisa sa ibinigay na amnestiya at pagpapaaresto kay Trillanes.

Nililihis umano nito ang publiko sa mga isyung tulad ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, EJKs, katiwalian sa pamahalaan, militarisasyon ng Tsina sa West Philippine Sea, at iba pa.

Kanilang hinihikayat ang mga kapuwa Filipino na manatiling alerto laban sa lumalala umanong pag-atake sa karapatang pantao, rule of law, at demokrasiya.

TINGNAN: Buong pahayag mula sa UP NCPAG.

Lumabas nitong linggo ang proklamasyong nagpapawalang-bisa sa amnestiyang ipinagkaloob kay Trillanes noong 2011. Kaugnay ito sa kaso ni Trillanes sa July 2003 Oakwood mutiny kasama ang tinaguriang Magdalo officers, ang Marine standoff noong Pebrero 2006, at ang November 2007 Manila Peninsula siege.

Batay sa proklamasyong galing Malacañang, wala na raw bisa sa simula’t simula pa lamang ang amnestiyang ipinagkaloob ni dating Pangulong Noynoy Aquino kay Trillanes dahil sa mga pagkukulang sa aplikasyon.

Iginigiit naman ng kampo ni Trillanes na naging wasto ang aplikasyon ng Senador sa amnestiya.

Dumulog na sa Korte Suprema ang kampo ni Trillanes upang kuwestiyunin ang proklamasyon ni Pangulong Duterte.

Kasama sa pumirma sa pahayag ng UP NCPAG sina UP Diliman Chancellor Michael Tan, NCPAG Dean Maria Fe Villamejor-Mendoza, mga dating dekano ng NCPAG na sina Dr. Alex Brillantes Jr. at Romeo Ocampo, at mga dekanong sina Sylvia Estrada Claudio ng UP College of Social Work and Community Development, Rizalinda de Leon ng UP College of Engineering, Kathleen Lourdes Obille ng UP School of Library and Information Studies, Marie Therese Bustos ng UP College of Education, at LaVerne dela Peña ng UP College of Music.

Alumnus ng UP NCPAG si Trillanes.