UP Prof: Pagdeklara sa Boracay bilang agri land, makapagpapalala sa soil erosion situation doon

Share on Facebook
Share on Facebook Messenger
Tweet about this on Twitter
Email to someone

Tinukoy ng isang eksperto ang mga salik kung bakit hindi makabubuti ang paggamit sa 845 hectare na lawak ng lupa sa Boracay Island bilang agricultural land.

Iprinisenta ni Dr. Laura David, Propesor ng Physical Oceanography ng UP Marine Science Institute, ang kaniyang nagpapatuloy na pag-aaral sa dalampasigan ng Boracay, at ang mga salik at dahilan ng patuloy na erosyon ng buhangin sa dalampasigan ng isla.

Ayon sa isang nagpapatuloy na pag-aaral, lumalabas na patuloy na nakararanas ng soil erosion ang isla ng Boracay. (Kuha ni Annica Tañaquin, 2017)

Ayon sa isang nagpapatuloy na pag-aaral, lumalabas na patuloy na nakararanas ng soil erosion ang isla ng Boracay. (Kuha ni Annica Tañaquin, 2017)

Ayon kay David, lumalala ang erosyon ng buhangin sa isla. Sa kaniyang obserbasyon na naitala pa noong 2007, singtaas na ng tao ang nawalang buhangin sa isla dulot ng erosyon. Hindi, aniya, natural na nakikita sa ibabaw ng lupa ang ugat ng puno ng niyog at kung mayroon man, kakaunti lamang daw ito.

Ipinapaliwanag ni Dr. Laura David ang kaniyang nagpapatuloy na pag-aaral sa erosyon ng buhangin sa Boracay Island. (Kuha ni Norai Sales)

Ipinapaliwanag ni Dr. Laura David ang kaniyang nagpapatuloy na pag-aaral sa erosyon ng buhangin sa Boracay Island. (Kuha ni Norai Sales)

So, anong ibig sabihin noon? Hindi naman puwedeng tumubo [ang] niyog habang naka-tiptoe. So ibig sabihin, nang tumubo siya, ang buhangin ay nandoon kung saan nagsisimula ang ugat. So ibig sabihin, ganoon na karami ang na-erode, nawalang sand, paliwanag ni David.

Isa ring salik na tinitingnan ang pagiging malapit ng bansa sa Karagatang Pasifiko at ang mas mabilis na pagtaas ng sea level kaysa sa pagbalik ng buhangin sa isla kapag hinahawi ng mga alon.

Ang isa doon ay ang katotohanan ng sea level rise. Ang prediction sa buong mundo ay 3.5 cm per decade. Pero ang Pilipinas… dahil nasa kaliwang gilid tayo ng Pacific, paglobo ng dagat Pasifiko lahat n’un, dahil ang ikot ng mundo ay pakanan, lahat napupunta sa atin, pagsasalaysay ni David.

Paliwanag ni David, 9 cm ang aktuwal na itinataas ng sea level sa bansa sa loob ng isang dekada. Higit sa halos tatlong beses ang taas nito kumpara sa pandaigdigang sea level rise, ayon kay David.

Nilinaw ni David na mas mataas ang lebel ng tubig kaysa sa buhangin na naibabalik sa dalampasigan, “so, siyempre nakaka-contribute ‘yun kasi mas mataas ‘yung dagat mo, lalo na kung gentle slope. Mahina lang ang pag-akyat ng lupa. Kaunting akyat lang, mas marami ‘yung buhanging nae-expose to erosion.”

Nakikita ring suliranin ang pagtaas ng sea level na dulot ng climate change. (Kuha ni Annica Tañaquin, 2017).

Nakikita ring suliranin ang pagtaas ng sea level na dulot ng climate change. (Kuha ni Annica Tañaquin, 2017)

Dagdag pa sa mga natural na salik, tinitingnan ni David na malaki rin ang kontribusyon sa erosyon ng buhangin sa dalampasigan ang mga istrukturang ginawa rito.

‘Pag meron kang istruktura na… tulad ng groyne, nakapipigil ‘yun ng daloy ng buhangin… Ang mangyayari, kung mayron kang groyne, lahat ng nandoon bago mag-groyne, naiipon doon. Lahat ng lagpas sa groyne, nauuka na kasi hindi na nagkakaroon ng bagong buhangin, paliwanag ni David.

Iba-iba, aniya, ang mga istruktura na mayroon sa Boracay. Ilan dito ang sea wall at riprap na pare-parehong nakapipigil sa daloy ng buhangin.

Samantala, tinukoy na mayroong mga natural na tumutubong halaman sa isla na nakatutulong sa pagpapanatili ng buhangin sa dalampasigan.

Mayroong mga natural na nagpapatigil sa pag-erode ng isang dalampasigan. ‘Yun ay ‘yung either mangrove kung muddy coast siya or beach forest kung nasaan din siya. So dapat, kung sandy na ganiyan na tulad ng Boracay, madaming beach forest kagaya ng mga Talisay.

Ayon sa mga pag-aaral, nakatutulong laban sa soil erosion ang mga bakawan. (Kuha ni Gian Carlo Librojo sa Iloilo City, 2017)

Ayon sa mga pag-aaral, nakatutulong laban sa soil erosion ang mga mangrove at beach forest. (Kuha ni Gian Carlo Librojo sa Iloilo City, 2017)

Ayon kay David, kung gagayahin ang nakagawiang monocrop planting ng mga magsasaka sa ibang bahagi ng bansa sa isla, lalong lalala ang kondisyon ng ecosystem sa isla.

Magreresulta rin ito sa mataas na siltation na papatay sa native seagrass at microalgae, dagdag ni David.

Isa pang kinababahalang salik sa lalong paglala ng kondisyon ng isla ang paglalagay ng groundwater extraction infrastructure kapag ginamit na ang isla bilang agricultural area.

Inaasahang magkakaroon ng fact finding mission ang iba pang mga eksperto sa isla sa pangunguna ng Center for Environmental Concerns.

Samantala, una namang ipinaliwanag ng Palasyo na naaayon sa Konstitusyon ang desisyon nitong gawing land reform area ang 845 hectare na lupain ng isla.

Sa pahayag ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, Jr. na pinapayagan ng Konstitusyon at ng Presidential Proclamation 1064 na gawing agrikultural na lupa ang nasabing bahagi ng isla.

Liban sa turismo, apektado rin ang mga mangingisda sa naging closure order sa Boracay. (Kuha ni Annica Tanaquin, 2017)

Liban sa turismo, apektado rin ang mga mangingisda sa closure order sa Boracay. (Kuha ni Annica Tañaquin, 2017)

Matatandaang nilagdaan noong 2006 ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang nasabing proklamasyon na naglalagay sa mga bahagi ng Boracay bilang forestland at agricultural land.

Nitong Abril, tinukoy ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang ilang bahagi sa isla na maaaring ipamahagi na sa mga indigenous peoples (IPs). Hindi hihigit sa tatlong ektarya ang ibibigay sa kada indibidwal na IP.

Nitong huling linggo ng Mayo, iprinisenta ang balangkas para sa pagsasaayos ng Boracay Island sa ilalim ng Comprehensive Ecosystem Rehabilitation and Recovery Framework.

Sa idinaos na Advisory Committee meeting ng Regional Development Council-VI, ibinahagi ni National Economic and Development Authority (NEDA) Assistant Secretary Mercedita Sombilla ang inisyal na plano para sa pagsasaayos ng nasabing isla.

Nagsagawa ng isang advisory committee meeting ang Regional Development Council-VI upang talakayin ang binabalangkas nila noong Boracay rehabilitation plan. (Kuha ni Norai Sales)

Nagsagawa ng isang advisory committee meeting ang Regional Development Council-VI upang talakayin ang binabalangkas nila noong Boracay rehabilitation plan. (Kuha ni Norai Sales)

Mayroong walong agenda o tinatawag na “key results area” na tutukan ang pamahalaan para sa rehabilitation at recovery ng isla.

Sa bisa ng Executive Order No. 53 na nagmamandatong bumuo ng inter-agency task force, makikibahagi ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan para sa nasabing rehabilitation at recovery program ng isla sa loob ng anim na buwan.

Binigyang-diin pa ni Sombilla na makukumpleto lamang ang balangkas matapos na makuha ang pananaw ng mga stakeholder ng mismong rehiyon.

Iprinisenta ni David ang kaniyang pag-aaral sa forum na “Whitewashing the White Sand of Boracay” na pinangunahan ng AGHAM-Advocates of Science and Technology for the People, Hunyo 19.

Nagdaos ng protesta ang ilang miyembro ng mga organizer upang iparating ang kanilang pagtutol sa Boracay closure. (Kuha ni Norai Sales)

Nagdaos ng protesta ang ilang miyembro ng mga organizer upang iparating ang kanilang pagtutol sa Boracay closure. (Kuha ni Norai Sales)

Patuloy namang sinisikap ng DZUP na kunin ang panig ng mga lokal na pamahalaan ng Western Visayas para sa isinusulong na balangkas.