UP Vanguard, ‘di pabor sa mandatory ROTC sa SHS

Hindi pabor ang UP Vanguard sa pagpapatupad ng mandatory ROTC sa lebel ng SHS, subalit payag naman ito sa pagiging mandatory nito sa tertiary level.

Hindi pabor ang UP Vanguard sa pagpapatupad ng mandatory ROTC sa lebel ng SHS, subalit payag naman ito sa pagiging mandatory nito sa tertiary level.

Tinututulan ng UP Vanguard ang panukalang nag-oobliga sa mga estudyante ng senior high school (SHS) na dumaan sa pagsasanay sa ilalim ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) program.

Sinertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte, Hunyo 3, ang panukalang batas na naglalayong gawing mandatory ang ROTC sa mga mag-aaral ng Grades 11 at 12 o sa SHS upang sanayin ang mga ito sa basic military at leadership trainings. Hinahangad ng Pangulo na masiguro ang pagkakapasa sa nasabing legislative measure na makapagpapasigla umano sa diwang makabayan ng mga mag-aaral bilang paghahanda sa pagtatanggol sa Estado at upang lalong maitaguyod ang napakahalagang tungkulin ng mga kabataan sa nation-building.

Pumasa sa ikatlo at huling pagbasa sa Mababang Kapulungan ang House Bill 8961, habang umabot sa ikalawang pagbasa sa Senado ang kapaherong panukalang Senate Bill 2232 bago magtapos ang 17th Congress, Hunyo 4.

Ayon sa naging panayam ng DZUP Balita kay Deo Orpilla, Public Relations and Information Officer ng UP Vanguard, bagaman naniniwala sila sa kabutihan ng at pangangailangan sa ROTC, hindi sila sumasang-ayon na gawing rekisito ito sa lebel ng SHS. “Ang paninindigan namin ay dapat ibalik ang [mandatory] ROTC, hindi sa high school, kung hindi sa kolehiyo, sa tertiary level,” paliwanag ni Orpilla.

Alumni organization na binubuo ng mga nagsipagtapos sa UP ROTC Advance Course ang UP Vanguard. Una itong nagsimula bilang fraternity noong 1922 na binuo ng mga naka-enroll sa Basic at Advance ROTC Courses.

Nais nilang iparating sa mga mambabatas na kahit na mayroong malaking pangangailangan sa ROTC dahil sa mga usaping may kinalaman sa disaster risk reduction and management, terorismo, at pambansang seguridad, kinakailangan din ikonsidera anila ang mga internasyonal na kasunduang nagbabawal sa paggamit sa mga bata bilang sundalo, pagiging magastos at impraktikal nito, at ang maaaring implikasyon nito sa kalidad ng magsisipagtapos sa ROTC program sa SHS.

Alinsunod sa Optional Protocol to the Convention on the Rights of the Child on the involvement of children in armed conflict, hindi maaaring ipilit ng mga state party na sumapi ang mga mamamayan nitong may edad na mas mababa sa 18 taong gulang sa hukbong sandatahan nito. State party sa nasabing kasunduan ang Pilipinas. Agosto 2003 nang ratifikahin ito ng Senado.

Nakikita rin ng UP Vanguard na magastos at impraktikal na hakbang ang compulsory ROTC sa SHS. Paliwanag ni Orpilla, “[a]ng ating bayan ay maraming hinaharap na problema… maraming napakagandang programa ang nakahain, nandiyan ang “Build, Build, Build” ng Pangulong Duterte, nandiyan ang programa sa libreng edukasyon sa kolehiyo… [at] universal health care. Paano natin bibigyan ng panustos o financial means o funding ang mga programang ito? Ang bagong ROTC Law sa high school will require… a lot of money.”

Nangangamba naman ang UP Vanguard na maaaring makompromiso ang kalidad ng pagsasanay sa ROTC sa SHS kung sakaling hindi magiging maayos ang pagpopondo rito. Nagbabala rin sila na maaari ring mahirapan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa dami ng mga mag-aaral ng SHS, dahilan upang maging hindi gaanong epektibo ang pagtuturo sa ROTC.

Dagdag pa ni Orpilla, maaaring hindi pa handa sa pagsasanay sa ROTC ang mga mag-aaral mula sa SHS. “Sa aming palagay, ang isang kabataan[g] nasa kolehiyo ay mas handa—pisikal, mental, at intelektuwal—upang tumanggap at makaranas ng isang training n[a] para sa militar at para sa rescue training,” wika ni Orpilla.

Isa sa mga nakikitang dahilan ng pagpapatupad ng optional ROTC ang ilang naitalang kaso ng abuso at hazing noong inoobliga pa sa lahat ng mga nag-aaral sa tertiary level ang ROTC. Iginiit ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago na isang napakalakas na rason ang mga isyung ito upang pigilan ang anumang mga hakbang tungo sa compulsory ROTC. “Kahit na opsiyonal na lang ito, hindi po natigil ‘yung mga [kaso ng anomalya] sa loob ng ROTC. Hanggang nariyan ang mga kasong ‘yan… hindi po tayo papayag na maipasok ang mandatory ROTC sa [SHS], panindigan ni Elago.

Bilang tugon ng UP Vanguard dito, nilinaw ni Orpilla na isinusulong nila ang pag-iinstitusiyonalisa sa pagkakaroon ng mga grievance committees mula sa paaralan hanggang sa pambansang lebel na pinaniniwalaan nilang magiging mainam na mekanismong makatutugon sa mga reklamo hinggil sa pang-aabuso, pagmamalupit, at katiwalian.

Sinusuportahan din ng Department of Education (DepEd) ang pag-oobliga sa mga nasa SHS na kunin ang ROTC. Tinukoy ni DepEd Secretary Leonor Briones ang kagustuhan at utos ni Pangulong Duterte na manumbalik ang mandatory ROTC sa inilabas niyang pahayag. Ulat ni Briones, nagsimula nang makipag-ugnayan sa Department of National Defense at AFP ang DepEd. Siniguro naman ni Briones na isinusulong ng DepEd ang striktong pagtalima sa mga batas at polisiyang makatitiyak sa kaligtasan ng mga nag-aaral sa SHS habang kumukuha ng ROTC.

Taong 2001, sa bisa ng National Service Training Program (NSTP) Act, nang binigyan ng pagkakataon ang mga estudyante sa kolehiyo na pumili kung anong klaseng required military o civil service ang kukunin nila bilang rekisito sa pagtatapos. Sa kasalukuyan, maaaring kunin ng mga nag-aaral sa kolehiyo ang Literacy Training Service at Civic Welfare Training Service, bukod sa ROTC. Inamyendahan ng NSTP Act ang Citizen Armed Forces of the Philippines Reservist Act na nagtatakda sa pagiging obligatory ng ROTC.

Palagay ng ilang mga grupo tulad ng Salinlahi Alliance for Children’s Concerns, National Union of Students of the Philippines, at ng Kabataan Partylist, hindi kinakailangang maging rekisito ang ROTC sa pagkintal ng diwang makabayan sa kabataan. Ani Elago, “[k]ung ninanais po nating ma-instill ang diwang makabayan sa ating mga… estudyante, kinakailangan ng overhaul… sa basic education… para mapaigi talaga ang nasyonalismo na kakailanganin sa pagtatanggol ng soberanya at integridad ng ating bansa. Hindi [dapat] ‘yan [pu]wersahin. Hindi po ‘yan nasyonalismo, kundi magiging pasismo na po ‘yan.”

Nauna nang nagpadala ng liham ang DZUP sa DepEd at Commission on Higher Education upang malaman kung gaano karami ang mga estudyante ng SHS at mga nasa college level, maging ang inaasahang gastos ng panukalang mandatory ROTC sa SHS, subalit hindi pa rin nakapagbibigay ng tugon ang parehong ahensiya sa kasalukuyan.