“Wika, huwag tokhangin,” sigaw ng mga tagataguyod ng wika

Pinunit ng mga guro, mag-aaral, at tagasuporta ang mga kopya CMO No. 20 bilang protesta sa naging desisyon ng Korte Suprema hinggil dito.

Pinunit ng mga guro, mag-aaral, at tagasuporta ang mga kopya CHED Memo No. 20 bilang protesta sa naging desisyon ng Korte Suprema hinggil dito. (Kuha ni Joanna Reyes)

Tinuligsa ng mga miyembro ng Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino (Tanggol Wika) ang naging desisyon ng Korte Suprema hinggil sa pagtanggal ng Filipino at Panitikan mula sa mga rekisitong asignatura sa kolehiyo, Mayo 28.

Tinanggihan ng Kataas-taasang Hukuman ang motion for reconsideration (MR) na inihain ng Tanggol Wika na nagkukuwestiyon sa konstitusyonalidad ng Memorandum Order No. 20 ng Commission on Higher Education (CHED). Sa bisa ng nasabing memo, hindi na isinama ang Filipino at Panitikan sa General Education (GE) curriculum sa kolehiyo.

Sa isinagawa nitong press conference, binatikos ng grupo ang desisyong inilabas ng Korte, Marso 5, na naglalaman lamang ng dalawang talata bilang paliwanag sa naging desisyon nito.

Pinuna ni Tanggol Wika Convener at Spokesperson ang naging paliwanag ng Korte Suprema sa desisyon nito. (Kuha ni Joanna Reyes)

Pinuna ni Tanggol Wika Convener at Spokesperson David San Juan ang naging paliwanag ng Korte Suprema sa desisyon nito. (Kuha ni Joanna Reyes)

Inihayag ni David Michael San Juan, convener at tagapagsalita ng Tanggol Wika, ang kanilang pagkadismaya sa anila’y hindi agarang pagbigay sa kanila ng abiso hinggil sa motion, sa kabila ng kanilang pagiging petisiyoner para rito.

Tinukoy rin ni San Juan na nakasaad mismo sa Article XIV, Sec. 6 ng Saligang Batas ang tungkulin ng pamahalaang pasimulan at ipagpatuloy ang paggamit sa Filipino bilang wika para sa opisyal na komunikasyon at wikang panturo.

Taas-kamaong sumigaw tutol sa CMO No. 20 at K to 12 sina Vladimir Quetua ng ACT Philippines, Joshua Chan ng UPD CAL SC, at spoken word artist na si Juan Miguel Severo.

Taas-kamaong sumigaw tutol sa CMO No. 20 at K to 12 sina Vladimir Quetua ng ACT Philippines, Joshua Chan ng UPD CAL SC, at spoken word artist na si Juan Miguel Severo. (Kuha ni Joanna Reyes)

Panawagan para sa makabayan at progresibong edukasyon

Sa ilalim ng kinukuwestiyong memo at pagpapatupad nito sa ilalim ng K to 12 program, ituturo na sa senior high school (SHS) ang ilang mga asignaturang unang kabilang sa GE curriculum sa kolehiyo—kabilang ang Filipino at Panitikan.

Subalit, pinanatili ng Tanggol Wika na magkaiba ang nilalaman ng mga kurso sa Filipino at Panitikan na matatagpuan sa kolehiyo kung ikukumpara ito sa mga asignatura sa Filipino sa mas mababang antas. Ayon sa MR na inihain ng grupo, iilan sa mga paksang hindi matatalakay sa ilalim ng SHS ang: Isyu sa Filipino, Ang Papel ng Wika sa Edukasyon, Ang Bukal at Kahulugan ng Filipinong Identidad sa Loob ng Pilipinas, Pagsusuri ng Mga Simbolong Kultural, at Diskors ng Kasarian. Kabilang din dito ang mga kursong tatalakay sa Filipino sa konteksto ng iba’t ibang disiplina.

Iginiit ni Vladimir Quetua ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines ang katangi-tanging papel ng Filipino at Panitikan sa pagkakaroon ng  makabayan at progresibong edukasyon. “Kailangan natin talaga ng isang edukasyon na magsusulong sa pagiging makabayan. Isang edukasyon na magsusulong, na para sa maraming mga mamamayan. ‘Yung kinakailangan mismo ng mga pedicab driver, ng mga magbabalot, mga nagtitinda diyan sa tabi-tabi ng mga eskuwelahan—at siyempre, kailangan din natin ng edukasyon na progresibo, na kung saan para sa bayan natin,” wika ni Quetua.

Ayon sa spoken word artist na si Juan Miguel Severo, makikita na sa kasulukuyan pa lamang ang nagiging madalang na paggamit sa Filipino, tulad na lang sa sining. Kaniyang inihayag na pinatutunayan nitong nararapat na ituro pa rin ang Filipino at Panitikan sa kolehiyo.

Mga isyung kinahaharap ng mga guro at mag-aaral

Ikinababahala naman ni Jonathan Geronimo, isang propesor mula sa Unibersidad ng Santo Tomas, ang inaasahang pagkawala ng trabaho ng mahigit-kumulang na 10,000 na guro, pati na rin ang pagbaba ng sahod ng mga guro dahil sa nasabing isyu. Aniya, napipilitan ding lumipat sa SHS ang mga gurong unang nagturo ng Filipino at Panitikan sa kolehiyo. Paliwag pa ni Geronimo, “kung hindi sila bababa sa [SHS], siyempre, wala silang trabaho. Pero kung titignan natin, mga permanente sila. Bakit sila kailangang bigyan ng ganiyang kasahol na opsyon? ‘Yan ang bread and butter ng teacher, eh. Obligado silang tanggapin ‘yan, kahit masama sa loob.”

Ayon naman kay Joshua Chan, papasok na tagapangulo ng UP Diliman College of Arts and Letters Student Council, ang mga mag-aaral din ang pangunahing matatamaan sa isyu. Kaniyang pinabulaanan ang kaisipang mas madaling mapabibilang ang mga mag-aaral sa kilos-paggawa habang ipinatutupad ang K to 12.

Mga susunod na hakbang

Ayon kay UP College of Education Professor Dr. Michael Muega, ikinabahala rin ng ilang mga guro ang hindi pagkonsulta sa mga mas nakaaalam hinggil sa usapin sa pagturo ng wika at panitikan sa kolehiyo. Dahil dito, kaniya ring kinuwestiyon ang pagiging ligal na isyu nito.

Nanawagan naman ang Tanggol Wika na buksan ng Korte Suprema ang kaso sa mga oral argument. Ayon sa grupo, pitong kaso kaugnay sa K to 12 ang pinagsama ng Korte sa iisang ruling nito.

Inaasahan naman nitong maghain ng ikalawang MR. Ayon sa naging panayam ng DZUP Balita kay San Juan, nananawagan naman ang Tanggol Wika na maipasa sa Kamara de Representantes ang House Bill 8954 na magmamandato sa Filipino bilang rekisitong asignatura sa kolehiyo. Dagdag ni San Juan, inaasahan din nitong makapagbuo at makapagpasa ng isa pang bersyon sa Senado para rito.

Pagdating naman sa isang pangmatagalang solusyon sa isyu, nakikita ni San Juan ang pagkakaroon ng isang makabayang pamahalaan.