Agawan sa teritoryo sa West Philippine Sea, tinalakay sa 2017 UP Alumni Council Meeting

Naging sentro ng talakayan ang usapin tungkol sa West Philippine Sea sa ginanap na 2017 University of the Philippines (UP) Alumni Council Meeting.

Bukod sa pagtatalakay ng mahahalagang isyu ng lipunan, layunin din ng taunang pagpupulong ang pagbuo at pagpasa ng mga resolusyong ihahain ng UP alumni sa Board of Regents, Kongreso, Senado, mga ahensiya ng gobyerno, at mga pribadong grupo.

Naging pangunahing tagapagsalita sa naturang pagpupulong ang isa sa 2017 Most Distinguished Alumni awardees na si Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio.

Ipinresenta ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio T. Carpio ang kasaysayan ng pag-aagawan ng iba't ibang bansa sa West Philippine Sea.

Ipinresenta ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio T. Carpio ang kasaysayan ng pag-aagawan ng iba’t ibang bansa sa West Philippine Sea.

Sinimulan ni Carpio ang kaniyang lektura sa pagbabahagi ng kasaysayan ng agawan sa naturang teritoryo. Nagsimula aniya ang agawan sa teritoryo nang ilabas ng Tsina ang nine-dash line at ten-dash line na mariing tinutulan ng iba’t ibang bansa sa Asya gaya ng Brunei, Indonesia, Malaysia, Vietnam, at Pilipinas.

Paliwanag ni Carpio, nagsimula ang unti-unting pagsakop ng Tsina sa pinag-aagawang teritoryo noong taong 1932, kung kailan inangkin nito ang mga isla ng Paracel. Pagpapalawak ng puwersa militar at ekonomiya ang itinuturong dahilan ni Carpio kung bakit interesado ang Tsina sa West Philippine Sea dahil sagana aniya ito sa yamang-dagat, langis, petrolyo, at mineral.

Iginiit ni Carpio na iba ang pag-unawa ng Tsina sa ginagawang pagtutol ng Pilipinas. Aniya, “China is saying that the dispute in the South China Sea is a dispute between China and the US, and the US is trying to contain the peaceful and economic cries of China. That’s wrong. Our dispute with China is simple – China wants to grab all the waters here including all the fish, oil, gas, and mineral resources.

Inilatag din ni Carpio sa naturang pagpupulong ang ilang mga lumang mapang makapagpapatunay na ang Pilipinas ang bansang may soberanya sa West Philippine Sea. Isa sa mga mapang ito ang 1734 Murillo Velarde Map, na siyang kauna-unahang opisyal na mapa ng Pilipinas na gawa ng isang Kastilang pari.

Sa kabila ng matitibay na ebidensya ng Pilipinas, iginiit ni Carpio na hindi pakikipaggiyera laban sa Tsina ang solusyon sa isyu ng agawan sa nasabing teritoryo. Paliwanag ni Carpio, “The President has already said either talk with China or go to war with China. This is a false option… First, the Philippine Constitution prohibits war as an instrument of national policy… You cannot use war to conduct foreign policy to claim any territory. Second, the UN charters outlawed war as a means of settling disputes between states… There is a reason why we went to an UNCLOS tribunal – because war is not an option.

Iminungkahi rin ng mahistrado ang pagsasagawa ng ilang mga hakbang upang mapagtibay ang naging hatol ng arbitration court habang nakikipag-usap sa Tsina. Ayon kay Carpio, maaaring makipagnegosasyon sa iba pang mga bansa sa Asya na nagpahayag din ng kanilang pag-angkin sa pinag-aagawang teritoryo.

We can also come to an agreement with Vietnam, Malaysia, Indonesia, and Brunei to sign an agreement that we all agree that there is no island or reef or atoll in the Spratlys that can generate an EEZ [Exclusive Economic Zone]. That will leave China as the only state that is claiming an EEZ out of those islands in the Spratlys. It will be isolated,” pagmumungkahi ni Carpio.

Tinalakay rin ni Carpio ang isang panukalang batay kay American professor Dr. John McMamus. “Parties claiming the Spratlys should declare the Spratlys as a marine protected area. Suspend their territorial claims for the next hundred years, convert all those military facilities to… marine research centers and eco-tourism centers… Allow only coast guard vessels, no military vessels… Because without the Spratlys, you cannot get fish in the South China Sea,” pahayag ni Carpio.

Nanindigan naman ang Senior Associate Justice na hindi maaaring isuko ng Pilipinas ang laban para sa West Philippine Sea, lalo pa’t pinanigan na ito ng arbitration court sa The Hague, Netherlands noong 2016.

Makatutulong din aniya kung magiging maalam ang bawat Filipino tungkol sa isyu ng West Philippine Sea upang mas mapaigting ng Pilipinas ang soberanya nito sa nasabing teritoryo.

Pinamunuan ni UPAA President Ramon Maronilla ang paggawad ng sertipiko ng pagkilala at espesyal na sagwan kay SC Senior Associate Justice Antonio T. Carpio bilang pangunahing tagapagsalita sa 2017 Alumni Caouncil Meeting.

Pinamunuan ni UPAA President Ramon Maronilla ang paggawad ng sertipiko ng pagkilala at espesyal na sagwan kay SC Senior Associate Justice Antonio T. Carpio bilang pangunahing tagapagsalita sa 2017 Alumni Council Meeting.

Idinaos sa pangunguna ng UP Alumni Association Council ang naging pagpupulong nitong Agosto 18, 2017 sa Ang Bahay ng Alumni, UP Diliman.