Agham, korapsiyon, laman ng mga UP Alumni Council reso

Tumutok sa paglaban sa katiwalian at sa pagtulak sa mga inisyatibong may kinalaman sa pagpapaunlad sa kakayahan pang-agham ng bansa ang mga resolusyong ipinasa ngayong taon ng UP Alumni Council, Agosto 23.

Napagkasunduan ito ng konseho matapos ang naging mga panayam nina Fortunato dela Peña at Edgardo Espiritu, pawang mga UPAA awardee.

Ayon sa mga resolusyong ipinasa ng UP Alumni Council sa idinaos nitong pagpupulong, nakikita nila ang kahalagahan ng pagsasama-sama ng mga mamamayan upang pugsain ang korapsiyon sa bansa. Paliwanag ng resolusyon, malaki ang negatibong epekto ng pamamayani ng katiwalian sa pag-unlad ng isang bansa.

Naniniwala rin sila na kinakailangan ang agham at teknolohiya sa pagtugon sa ilang mga suliraning kinahaharap ng bansa.

TINGNAN: Ang resolusyong ipinasa ng UP Alumni Council, Agosto 23.

TINGNAN: Ang resolusyong ipinasa ng UP Alumni Council, Agosto 23.

Sa naging lektura ni dela Peña, kaniyang ipinaliwanag ang susing gampanin ng science and technology sa pagsulong ng isang bansa. Binigyan niyang halimbawa ang ugnayan ng matatag na agham at teknolohiya ng isang bansa sa pagpapainam sa mass transportation, pagtanggal ng mga oportunidad upang makapagkurakot, at pagtiyak sa law enforcement. “‘Pag nasira ‘yung MRT, kailangan pang tumawag ng mga taga-abroad para lang i-repair. So, ang sabi ni Secretary Montejo, mas mabuti na lang na gumawa kami ng bago kaysa i-repair natin ang mga tinanggap nating hindi naman umaandar. ‘Yung mga technology na dinebelop ng DOST, ginagamit na ngayon ng DBM for the digital imaging for monitoring and evaluation of projects. Because of remote sensing, using space technologies, makikita na nila kung talaga bang ‘yan ay 60% completed o 40% completed,” wika ni dela Peña.

Sumentro si DOST Sec. Fortunato dela Peña sa agham sa kaniyang naging lektura sa UP Alumni Council. (Kuhang larawan ni Krystelle Ymari Vergara)

Sumentro si DOST Sec. Fortunato dela Peña sa agham sa kaniyang naging lektura sa UP Alumni Council. (Kuhang larawan ni Krystelle Ymari Vergara)

Inilista naman ni Espiritu ang mga dulot na problema ng korapsiyon sa isang lipunan. Ayon kay Espiritu, “Corruption is widely regarded as a scourge of society. It increases poverty and widens inequalities, and, of course, it cripples economic growth. This is shown by common sense, as it is clearly wasted resources… Corruption also negatively impacts donors and development partners, such as international financial institutions, evaluation of a country as a recipient of very important developmental assistance.”

Tumutok sa laban sa katiwalian ang naging lektura ni former Ambassador Edgardo Espiritu (ROTC '56, LLB '58). (Kuhang larawan ni Krystelle Ymari Vergara)

Tumutok sa laban sa katiwalian ang naging lektura ni former Ambassador Edgardo Espiritu (ROTC ’56, LLB ’58). (Kuhang larawan ni Krystelle Ymari Vergara)

Tradisyonal na idinaraos ng UP Alumni Council ang kanilang miting isang araw bago ang General Alumni Homecoming.

Hangarin din ng meeting na bumuo at magpasa ng resolusyon kaugnay sa panayam na idaraos din sa araw ng pagpupulong.