IP groups, nagsagawa ng forum kaugnay sa political killings

IMG_0058

Ibinahagi ng mga Moro at katutubo sa iba’t ibang panig ng bansa, ang kanilang mga karanasan kaugnay sa inuulat nilang pulitikal na pamamaslang sa isang forum sa UP College of Mass Communication (CMC) sa pangunguna ng grupong Sandugo at ng Katribu, Mayo 12.

Sa pagtataya ng Katribu, umaabot na sa 23 katao ang namamatay dahil sa umano’y state-perpetrated killings sa kanilang hanay mula nang magsimula ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte hanggang ngayong buwan.

Mula sa mga nagsalaysay, kalimitang kaugnay sa isyu ng pagpapahintulot sa malalaking minahan umano ang mga kaso ng pagpatay.

Isa naman sa mga nagbahagi ng kaniyang karanasan si Nurhidaya Palentinos Hasan, asawa ni Haji Ben Hasan, isang Moro community leader at human rights advocate.

Ayon kay Nurhidaya, walang kaso ng paggamit at pagbebenta ng droga sa kanilang komunidad na bahagi ng isang maliit na isla kaya naman malaking takot umano ang idinulot ng pagkakapaslang sa kaniyang asawa.

Ibinahagi rin ni Nurhidaya kung paanong mula sa pagiging isang pilgrim guide ng mga tumutungo sa Mecca ay pinili ni Ben Hasan na maging human rights advocate na nakipag-ugnayan din noon sa peace talks sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF). Nag-organisa rin si Hasan sa hanay ng mga mangingisda sa kanilang komunidad.