KILALANIN: UPD Gawad Tsanselor 2019 Awardees

Sama-samang tumayo sa entablado ang mga opisyal ng UP Diliman administration at ang mga pinarangalan ng Gawad Tsanselor 2019. (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

Sama-samang tumayo sa entablado ang mga opisyal ng UP Diliman administration at ang mga pinarangalan sa Gawad Tsanselor 2019. (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

Pinarangalan ang 17 na programa, mag-aaral, guro, kawani, at mananaliksik para sa kanilang paglingkod sa loob at labas ng Unibersidad sa Gawad Tsanselor 2019, bilang pagtatapos sa UP Diliman Linggo ng Parangal 2019, Hunyo 21.

Kinilala rito ang dalawang lingkod komunidad, dalawang programang pang-ekstensiyon, tatlong mag-aaral, isang kawani, apat na REPS, isang mananaliksik sa Filipino, at tatlong guro.

 

Natatanging Lingkod Komunidad: Church of the Risen Lord at Prop. Violeta Villaroman-Bautista, PhD

Kinilala ang Church of the Risen Lord (CRL) para sa tulong na naibigay nito sa mga mag-aaral ng UP, partikular na ang tinatayang 100 estudyante sa ilalim ng programa nitong “Abot Kaya Tanghalian” (AKT).

Unang tinawag na “Bangon Pag-asa,” inisyal na nagsilbi ito bilang emergency feeding program na isinagawa noong 2013 para sa mga nasalantang mag-aaral mula sa UP Tacloban at Palo, Leyte na nanatili sa kampus, kasunod ng pinsalang dulot ng Bagyong Yolanda.

Nagpapatuloy naman ang AKT bilang programang nagbibigay ng libreng pagkain mula Martes hanggang Biyernes. Mula Pebrero 2019, nagbibigay rin ito ng libreng almusal tuwing Sabado. Bukod sa pamamahagi ng pagkain, nagsisilbi rin ang CRL bilang institusyong nagbibigay ng sikolohikal at espirituwal na suporta sa mag-aaral, sa tulong ng mga pastor, church worker, at volunteer nito.

Ngumiti ang mga kinatawan ng Church of the Risen Lord, kasama si Prop. Violeta Villoroman-Bautista, ilan pang kasama sa mga lingkod komunidad, at opisyal ng UP Diliman para sa kanilang photo op sa pagwakas ng UPD Gawad Tsanselor 2019. (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

Ngumiti ang mga kinatawan ng Church of the Risen Lord, kasama sina Prop. Violeta Villoroman-Bautista, ilan pang kasali sa mga lingkod komunidad, at opisyal ng UP Diliman para sa kanilang photo op sa pagwawakas ng UPD Gawad Tsanselor 2019. (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

Pinarangalan naman para sa kaniyang mga kontribusyon sa mental health sa Unibersidad si Dr. Violeta Villaroman-Bautista, na madalas ding tinatawag sa pangalang “Doc Bolet.” Kasalukuyan siyang direktor ng UP Diliman Taskforce for Psychosocial Services (PsycServ) at isang propesor mula sa Departamento ng Sikolohiya.

Ayon sa UP Diliman Information Office, nakapagbigay ang PsychServ ng direct psychotherapy sa 654 na mag-aaral, suicide intervention sa 40 na mag-aaral, at suicide postvention service sa 100 pang mag-aaral ng UP Diliman. Nakapagbigay rin ito ng consulting services sa iba’t ibang yunit, program, at organisasyon.

Bago pa ang pagkakatatag sa PsycServ noong 2017, isinusulong na ni Bautista ang pagkakaroon ng serbisyong kalusugang pangkaisipan sa UP noong 2001 pa lamang.

 

Natatanging Programang Pang-Ekstensiyon: Open School of Music, NISMED Lesson Study Program, at Solid Waste Management Program

Bilang programang pang-ekstensiyon, nagbigay ng libreng edukasyong pangmusika ang Open School of Music (OSM)  sa mga mag-aaral nito ng anumang edad na mula sa mahihirap na pamilya sa loob ng kampus at mga karatig nitong pook.

Itinatag ito noong 2017 bilang isang inisyatiba ni Engracia Lim, isang alumna ng Department of Music Education ng UP College of Music (CMu). Nakatanggap naman ito ng tulong sa pamamagitan ng UP Diliman Extension Office Grant. Mula 2017, kasama na ang OSM sa National Service Training Program–Civic Welfare Training Service (NSTP-CWTS) ng CMu.

Umabot naman sa mahigit 200 na mag-aaral ang naturuan ng OSM.

Tulad ng OSM, nakatutok din sa edukasyon ang UP National Institute for Science and Mathematics Education Development (NISMED) na kinilala para sa Lesson Study Program (LSP) nito. Sa ilalim ng LSP, sinasanay ang mga guro sa pagbuo ng mga lesson plan at upang mainam na magamit ng mga guro ito.

Nagsimula ang LSP noon pang 2003 habang pormal naman itong inilunsad bilang “Collaborative Lesson Research and Development” (CLRD) project. Sa kasalukuyan, nakatulong na ito sa mahigit 557 na guro’t administrador mula sa iba’t ibang institusyon sa bansa.

Isa sa mga Natatanging Programang Pang-Ekstensiyon ang UP Diliman–Task Force on Solid Waste Management na pinarangalan sa Gawad Tsanselor 2019. (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

Mula kaliwa hanggang kanan: Open School for Music, NISMED Lesson Study Program, at UP Diliman Task Force on Solid Waste Management na pinarangalan sa Gawad Tsanselor 2019. (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

Pinarangalan din ang UP Diliman Task Force on Solid Waste Management Program (TFSWM) para sa naging mainam na pagtugon nito sa mga problema kaugnay sa basura sa kampus at mga karatig nitong lugar.

Pinangangasiwaan nito ang materials recovery facility (MRF) ng kampus na kinilala naman ng Environmental Protection and Waste Management Department ng Quezon City, pati ng Presidential Commission on Global Warming and Climate Change bilang “urban model MRF” noong 2009.

Maliban sa compost na nagagawa mula sa nabubulok na basura, mayroon ding urban agricultural farm ang TFSWM kung saan tinatanim ang organikong mga gulay at herbs. Napupunta naman ang kita mula rito sa pondo ng UPD.

 

Natatanging Mag-aaral: Joseph Neos Cruz, Carissa Andrea Lim, at Angelica Yang

Para sa taong ito, ginawaran ang tatlong mag-aaral mula sa iba’t ibang programa para sa kanilang mga gawaing akademiko, pati na rin ang mga kanilang nagawa sa labas nito.

Sa pamamagitan ng kaniyang pag-aaral, nakakuha si Joseph Neos Cruz, mag-aaral mula sa UP National Institute of Molecular Biology at Biotechnology (NIMBB), ng isang internship sa Academica Sinica sa Taipei, Taiwan. Matagumpay rin niyang naipresenta ang kaniyang tesis sa 45th Annual Convention of the Philippine Society of Biochemistry and Molecular Biology noong 2018 sa Iloilo City. Sa labas ng kaniyang pag-aaral, sinasanay rin ni Cruz ang kaniyang sarili sa pagkuha ng mga retrato, pati na rin sa mga aktibidad para sa leadership, bilang miyembro ng UP Iris at AIESEC.

Tinanggap ni Joseph Neos Cruz at ng kaniyang pamilya ang Gawad Tsanselor Para sa Natatanging Mag-aaral, Hunyo 21. (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

Tinanggap ni Joseph Neos Cruz at ng kaniyang pamilya ang Gawad Tsanselor Para sa Natatanging Mag-aaral, Hunyo 21. (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

Tulad ni Cruz, dating nakatanggap ng iba’t ibang parangal si Carissa Andrea Lim ng Cesar E.A. Virata School of Business o dating College of Business Administration para sa kaniyang paglahok sa mga kumpetisyon. Kabilang dito ang Global Youth Entrepreneurship Summit Business Case Competition, kung saan napanalunan niya ang gantimpala para sa 1st runner up. Kabilang din siya sa limang nakatanggap ng Procter and Gamble Award for Student Excellence in Finance noong 2018.

Nagsilbi rin bilang UP Business Administration Council Chair, Welfare Initiative Project Adviser, Graduate Students Initiative Project Adviser, Staff and Faculty Initiative Adviser, at Student Spaces Project Adviser si Lim.

Sina Joseph Neos Cruz (CS), Carissa Lim (VSB/CBA), at Angelica Yang (CMC) ang tatlong Natatanging Mag-aaral ngayong 2019. (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

Sina Joseph Neos Cruz, Carissa Lim, at Angelica Yang ang tatlong Natatanging Mag-aaral ngayong 2019. (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

Bilang isang estudyante ng Peryodismo sa College of Mass Communication (CMC), kinilala naman si Angelica Yang ng Department of Science and Technology Bantog 2018: The Science for the People Media Awards Committee, noong nakamit niya ang ikatlong puwesto sa kategoryang “Outstanding S&T Media Practitioner for Cyber Press Professional.” Naging bahagi rin si Yang ng iba’t ibang publikasyon sa loob at labas ng Unibersidad, kabilang ang The Philippine Collegian (bilang manunulat ng lathalain), Appulse News (bilang punong patnugot), Rappler (bilang intern), at GMA News Online (bilang lifestyle at science and technology correspondent).

Kasama sina Cruz at Lim sa 54 na summa cum laude ng UP Diliman, habang nagsipagtapos naman bilang magna cum laude si Yang.

 

Natatanging Kawani: Judimar Dulay

Tulad ng pagkilala ng marami kay Judimar Dulay (IC), buong ngiti niyang tinanggap ang parangal para sa Gawad Tsanselor 2019 Natatanging Kawani. (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

Buong ngiting tinanggap ni Judimar Dulay ang parangal para sa Gawad Tsanselor 2019 Natatanging Kawani. (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

Kasulukuyang nagsisilbi si Judimar Dulay bilang Precision Instrument Technician sa Institute of Chemistry (IC). Tinatawag ding “Jud,” kinilala naman siya para sa kaniyang magalang, magiliw, at matulunging karakter sa kabila ng teknikal na paglingkod sa IC. Hindi lamang tumututok si Dulay sa mga pasilidad, network access, at troubleshooting; kinikilala rin siya para sa kaniyang tulong sa IC pagdating sa records management, pati na rin ang kaniyang aktibong partisipasyon sa Source of Solution project nito.

Unang namasukan bilang Laboratory Technician I si Dulay noong 2008.

 

Natatanging REPS: Josephine Cecilia Baradas, Sherry Lyn Sayco, Leoncio Cubillas, Jr., at Rolando Ramon Diaz

Bilang isang licensed teacher at librarian, naging katangi-tangi naman ang paglingkod ni Josephine Cecilia Baradas sa maingat at maayos na pagsinop ng mga koleksiyon ng CMu. Sa kaniyang trabaho, nagsilbi rin si Baradas bilang isa sa mga katuwang na editor para sa ikalawang edisyon ng Encyclopedia of Philippine Art ng Cultural Center of the Philippines (CCP), na inilathala noong 2017. Isinagawa naman ito sa pakikipagtulungan ng CCP sa Office of the Chancellor ng UP Diliman.

Kabilang din sa kaniyang mga nai-archive ang mga kopya ng music sheet nina Nicanor Abelardo, Antonio Molina, at Francisco Santiago sa ilalim naman ng “Classifying and Digitizing Rare Music Collections (Sheet Music and Concert Programs)” ng CMu. Ginawaran din si Baradas sa Parangal sa mga Mag-aaral noong 2010, habang nag-aaral siya ng kaniyang doctorate degree sa Filipino.

Tinanggap ni Josephine Cecilia Baradas (CMu) ang isa sa mga Gawad Tsanselor 2019 Para sa Natatanging REPS. (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

Tinanggap ni Josephine Cecilia Baradas (CMu) ang isa sa mga Gawad Tsanselor 2019 Para sa Natatanging REPS. (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

Nagsisilbi si Sherry Lyn Sayco bilang Research Associate I sa College of Science (CS). Kinikilala si Sayco sa kaniyang matagumpay na pananaliksik na may kinalaman sa mga taklobo o giant clams ng Pilipinas. Nagsasagawa siya ng mga seminar patungkol sa mga taklobo at naglilingkod din bilang consultant para sa pangangalaga ng mga ito. Project Leader si Sayco ng pag-aaral na pinamagatang “Effects on Reduced Salinities on the Early Life Stages of the True Giant Clam Tridacna gigas.

Bukod sa mga pag-aaral hinggil sa taklobo, nakatuon din si Sayco sa mga larang ng malacology (partikular sa larval ecology), behavioral ecology, at population structure ng mga bivalve at gastropod. Kinilala siya bilang Best Student in Aquaculture sa kaniyang pagtapos ng BS Fisheries sa UP Visayas noong 2015.

Tinanggap ni Acting CS Dean Dr. Laura David ang Gawad Tsanselor 2019 Para sa Natatanging REPS para kay Sherry Lyn Sayco (MSI). (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

Tinanggap ni Acting CS Dean Dr. Laura David ang Gawad Tsanselor 2019 Para sa Natatanging REPS para kay Sherry Lyn Sayco. (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

Bilang kasulukuyang pinuno ng Institute for Small-Scale Industries (ISSI) Extension Department, ginawaran si Leoncio Cubillas, Jr. para sa kaniyang pagiging dalubhasa sa pagdisenyo’t pagpapaunlad ng mga proyekto, pati na rin ng mga feasibility study. Kasalukuyan siyang Project Manager ng Biodiversity Partnerships Project na pinopondohan ng United Nations Development Programme–Global Environmental Finance. Senior Mentor din si Cubillas ng ISSI team sa Citti Microentrepreneurship Awards.

Madalas din siyang tumatayong tagapagsanay sa ilang mga kursong itinuturo sa ISSI, kabilang na ang Consultancy Course for Cooperatives, Program on Rehabilitating Distressed Enterprise, Management Consultancy Course, at Start Your Own Business Courses.

Hawak-hawak ng mga tumanggap ng Gawad Tsanselor 2019 Natatanging REPS. (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

Hawak-hawak ng mga tumanggap ng Gawad Tsanselor 2019 Natatanging REPS ang kanilang mga tropeo. (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

Tulad ni Cubillas, nagmumula rin si Rolando Ramon Diaz mula sa ISSI, kung saan nagsisilbi siya bilang University Extension Specialist V at tagapamuno ng Administrative and Facility Services Division nito. Naglilingkod siya bilang isang tagapayo at tagapagturo sa mga Micro, Small and Medium Enterprises, (MSME) kung saan naging bahagi siya ng iba’t ibang komite para sa MSME Development, kasama ang Department of Trade and Industry. Tumutulong din siya sa pagpapatupad ng limang haligi ng MSME Five-Year Development Plan, pagbalangkas ng mga patakaran para sa Technology Business Incubation for Innovation, pati na rin ang pagsulong para sa proteksyon ng intellectual property rights ng mga MSME.

Dating nagsilbi si Diaz bilang Tagapamahalang Opisyal ng ISSI mula Marso 2017 hanggang Enero 2018.

 

Natatanging Mananaliksik sa Filipino: Prop. Rolando Tolentino, PhD

Si Dr. Roland Tolentino (UPFI, ICW) ang Natatanging Mananaliksik sa Filipino sa Gawad Tsanselor 2019. (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

Si Dr. Roland Tolentino ang Natatanging Mananaliksik sa Filipino sa Gawad Tsanselor 2019. (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

Isang ganap na propesor sa pelikula si Dr. Rolando Tolentino. Kaniyang isinulong ang wikang Filipino sa kulturang popular sa mga pag-aaral na kaniyang ginawa. Nagsilbi siya bilang isa sa mga patnugot ng ilang aklat na ginagamit sa UP Diliman, partikular ang “Media at Lipunan” sa CMC, “Paano Magbasa ng Panitikang Filipino? Mga Babasahing Pangkolehiyo” sa College of Arts and Letters (CAL), at “Linangan,” na ginagamit din sa CAL. Nakatanggap na rin si Tolentino ng ilang parangal sa loob at labas ng Unibersidad. Nakuha rin niya ang titulong Artist III mula sa UP Artist Productivity System para sa 2015–2017 at UP Centennial Professorial Chair para sa 2011–2014.

Nagsilbi naman bilang dekano ng CMC si Tolentino noong 2009–2015. Kasalukuyan siyang direktor ng UP Institute of Creative Writing.

 

Natatanging Guro: Prop. Alberto Amorsolo Jr., PhD, Prop. Fernando Paragas, PhD, at Prop. Joefe Santarita, PhD

Tinanggap ni UP Diliman College of Engineering Dean Dr. Rizalinda De Leon ang parangal para kay Dr. Alberto Amorsolo Jr. na isa sa tatlong Natatnging Guro sa Gawad Tsanselor 2019. (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

Tinanggap ni UP Diliman College of Engineering Dean Dr. Rizalinda De Leon ang parangal para kay Dr. Alberto Amorsolo Jr. na isa sa tatlong Natatanging Guro sa Gawad Tsanselor 2019. (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

Kinikilala si Dr. Alberto Amorsolo Jr., ganap na propesor ng Department of Mining, Metallurgical, and Materials Engineering, para sa kaniyang husay sa pagtuturo ng mga asignatura, lalo na dahil sa konsiderasyong ibinibigay niya sa kaniyang mga mag-aaral. Ipinatupad din niya sa kaniyang mga klase ang isang feedback system para sa mga mag-aaral na nais ipaalam ang kanilang mga pangangailangan upang mas mainam na maintindihan ang mga aralin. Isa pang halimbawa sa kaniyang malikhain at maka-estudyanteng pagtuturo ang paggamit niya sa kaniyang orihinal na mnemonic na “UP LOVES U” sa pagturo ng ilang equation. Madalas din siyang tumatayo bilang tagapangulo ng defense panel para sa mga graduating student.

Kasulukuyan namang Pangulo ng Society of Metallurgical Engineers of the Philippines si Amorsolo. Bahagi rin siya ng Board of Directors ng Institute of Materials Engineers of the Philippines at iba pang engineering organizations sa bansa.

Binigay ni UP Diliman Chancellor Dr. Michael Tan ang medalya't parangal para sa pagiging Natatanging Guro ni Dr. Fernando Paragas (CMC) sa UPD Gawad Tsanselor 2019. (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

Binigay ni UP Diliman Chancellor Dr. Michael Tan ang medalya’t parangal kay Dr. Fernando Paragas sa UPD Gawad Tsanselor 2019. (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

Isang kawaksing propesor sa Department of Communication Research ng CMC si Dr. Fernando Paragas. Isang halimbawa nito ang kaniyang pagtulong bilang tagapayo ng 17 na mag-aaral sa kanilang undergraduate studies, anim na mag-aaral sa kanilang graduate studies, at 16 na nagtatapos ng kanilang graduate degree. Ilang beses namang nailathala sa mga journal ang mga isinulat ni Paragas, tulad ng “Learners and Mobile: A Reflexivity” sa “Handbook of Research on Human Social Interaction in the Age of Mobile Devices” ng IGI Global noong 2016. Natanggap din niya ang UPD Centennial Professorial Chair para sa 2017.

Kabilang si UP Diliman Asian Center Dean Dr. Joefe Santarito sa tatlong Natatanging Guro sa UPD Gawad Tsanselor 2019. (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

Kabilang si UP Diliman Asian Center Dean Dr. Joefe Santarita sa tatlong Natatanging Guro sa UPD Gawad Tsanselor 2019. (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

Nagbahagi naman si Dr. Joefe Santarita, kawaksing propesor at kasalukuyang dekano ng Asian Center (AC), ng ilang mga inobasyon sa pagtuturo. Sa pamamagitan ng Blended Learning, kaniyang pinagsama ang online na teknolohiya’t tradisyonal na instruksiyon sa pagtuturo ng ilang mga kurso tulad ng Asian Studies 201, 201A, at 256. Kaniya ring sinimulan ang online na pagturo ng kursong Comparative History and Culture of ASEAN Countries sa pamamagitan ng MyPortal ng UP Open University, mula noong 2015. Nakatuon naman sa iba’t ibang pag-aaral sa kultura’t pag-unlad ng mga komunidad sa Asya ang mga pananaliksik ni Santarita.

Naging pangunahing tagapagsalita na rin si Santarita sa iba’t ibang lokal at internasyonal na pagpupulong.

 

Kinilala rin noong nasabing parangal ang mga namayapang miyembro ng Unibersidad.

Sa naging tamlumpati ni UP Diliman Chancellor Michael Tan bago ang paggawad sa mga awardees, kaniyang pinahalagahan ang uri ng paglilingkod ng mga taga-UP, lalo na ang mga kinilala sa Linggo ng Parangal 2019.

Binalikan ni Tan ang katangian ng “craziness” na tumutulong aniya sa mga Iskolar ng Bayan at mga miyembro ng Unibersidad na pagbutihin ang anumang sinisikap nilang magawa sa kani-kanilang mga larang. Tulad na lamang sa tema ng Linggo ng Parangal na “Bulwagan ng Dangal” at ang tinatayuan ng Unibersidad na “dangal at husay,” pinaalala ni Tan ang pagtuon sa dalawa upang ganap na makapaglingkod.