Mag-aaral at manininda, nadismaya sa biglaang pagsara ng Vinzons Complex

Students gather at Vinzons Tambayan Complex

Sama-samang tinalakay at inihayag ng mga mag-aaral at manininda ang kanilang pagkadismaya sa naging biglaang pagbakod at pagsara sa Vinzons Tambayan Complex noong Pebrero. (Kuha ni Kaithreen Cruz)

Nagtipon-tipon ang ilang kinatawan ng mga organisasyon, fraternities, at sororities ng UP Diliman upang ihayag ang kanilang pagkadismaya sa naging biglaang pagbakod at pansamantalang pagsara ng Tambayan Complex sa Vinzons, Pebrero 25.

Umaga ng Pebrero 24 nang sinimulang bakuran ang paligid ng Vinzons Hall para sa pagkumpuni ng nasabing gusali at sa pagtatayo ng Student Union Building, na inaasahang magagamit ng mga estudyante sa 2021.

Ayon kay UP Student Regent Ivy Taroma, inaasahang sa Hulyo pa umano magsisimula ang pagbabawal sa mga orgs na tumambay sa may Vinzons Tambayan Complex, kaya’t laking gulat nila nang makita ang mga inilagay na bakod sa paligid, Pebrero 25.

Sinimulang bakuran ang nasabing tambayan complex noong Pebrero 24. (Kuha ni Kaithreen Cruz)

Sinimulang bakuran ang nasabing tambayan complex noong Pebrero 24. (Kuha ni Kaithreen Cruz)

Dagdag naman ni USC Vice Chairperson Sean Thakur, inabisuhan ang konseho na lalagyan na ng panel boards ang paligid ng Vinzons Hall sa dahilang wala nang puwedeng gawin ang mga estudyante roon, bilang inilipat na rin sa ibang mga gusali ang lahat ng opisina. Sa kabilang banda, ayon kay Thakur, hindi malinaw sa kanila ang biglaang pagbabakod sa paligid ng Tambayan Complex.

Ipinaliwanag din ni Thakur na mistulang hindi nalaman o hindi dumaan sa ilang opisyal ng Office of the Vice Chancellor for Student Affairs (OVCSA) ang impormasyon kaugnay rito. Bukod pa sa mga organisasyong pang-mag-aaral, umalma rin ang mga manininda sa loob ng campus sa sinasabing pagpapaalis ng mga kiosks sa paligid ng Academic Oval, lalo na sa may Vinzons Hall.

Ayon kay Edna Sinoy, Presidente ng Samahan ng Manininda sa UP Campus (SMUPC), makaaabala sa mga estudyante at makapagpapahina ng kita sa mga manininda ang pagpapaalis sa mga kiosk sa paligid ng oval.

Ilalagay na kami sa isang lugar kung saan dadayuhin na ninyo, ‘di ba? Tapos, maglalagay sila ng food hub para mas presentable daw, mas masasarap ‘yung mga pagkain. Pero kung ang kapalit naman doon—magkano naman po ‘yung mga halaga n’un?

Ilang araw matapos ang pagtitipon ng mga mag-aaral at pakikipag-usap sa Office of Student Activities (OSA), inanunsyo nitong napagbigyan na ang hiling ng mga grupong payagan silang pansamantalang magamit ang mga tambayan hanggang sa magsimula ang pagtatayo sa Student Union Building.

Ayon sa OSA, mag-aayos din umano sila ng alternatibong mga tambayan sa panahong magsisimula na ang konstruksyon ng naturang gusali.