Pagkilala sa Gandingan, inspirasyon sa DZUP—Vinculado

Kinilala ang DZUP sa ika-13 na Gandingan Awards na idinaos sa UP Los Baños, Marso 16.

Kinilala ang DZUP sa ika-13 na Gandingan Awards na idinaos sa UP Los Baños, Marso 16.

“Nakikita [rin] namin sa inyo ang inspirasyon na magdadala sa amin sa susunod pa naming mga gampanin.”

Ganito tinitingnan ni Asst. Prof. Jane Vinculado, Station Manager ng DZUP, ang pagkilalang natamo ng DZUP 1602 sa idinaos na Gandingan Awards 2019, Marso 16.

Dagdag pa ni Vinculado, nagsisilbing motibasyon ang Gandingan upang lalo pang paghusayin ng DZUP ang paggawa ng mga programang makatutulong sa pagpapalaganap ng “matinong usapan para sa maunlad na bayan.”

Tinanggap ni Asst. Prof. Jane Vinculado ang mga parangal para sa DZUP bilang station manager nito.

Tinanggap ni Asst. Prof. Jane Vinculado ang mga parangal para sa DZUP bilang station manager nito.

10 sa 40 parangal na ginawad sa Gandingan 2019 ang napunta sa DZUP, ang opisyal na istasyon ng radyo ng UP Diliman, bilang pagkilala sa mga programa at hakbang nito para sa pagtataguyod sa kalayaan sa pamamahayag. Nakamit ng DZUP ang mga major award na Gandingan ng Kaunlaran, ang pinakamataas na parangal ng Gandingan 2019, at UP ComBroadSoc’s Choice for Gandingan ng Kalayaan.

Bukod dito, kinilala rin ang istasyon bilang Most Development-oriented AM Station at para sa plug nitong “Hugot Makabayan” na nakakuha ng parangal na Most Development-oriented Radio PSA.

Pinarangalan din ang mga programang “Serbisyong Tatak UP” na kinilalang Most Development-oriented Radio Public Service Program, “Usapang P” na kinilalang Most Development-oriented Women’s Program, “Sikhay Kilos” na kinilalang Most Development-oriented Livelihood Program, at “DZUP Balita” na kinilala sa isinulat nitong ulat hinggil sa soil erosion sa Boracay na pinagkalooban ng special citation bilang Most Development-oriented Online News.

Ginawaran naman sina Dr. Michael Arthus Muega ng programang “Radyo Edukado” para sa special citation bilang Gandingan ng Edukasyon, at Steph Andaya at Cindy Cruz-Cabrera ng programang “GENDERadyo” para sa Gandingan ng Kababaihan.

Kinilala rin bilang mga finalist ang mga sumusunod na programa at personalidad ng DZUP:

MOST DEVELOPMENT-ORIENTED AM PROGRAM FINALISTS
– Radyo Oble At Your Service
– Health Republic
– DZUP Balita
– Salam Radyo
– SOLAIR On Air
– UP Nating Mahal

MOST DEVELOPMENT-ORIENTED RADIO PUBLIC SERVICE PROGRAM FINALISTS
– Sikhay Kilos

MOST DEVELOPMENT-ORIENTED RADIO PSA FINALIST
– BroadKASaysayan

MOST DEVELOPMENT-ORIENTED EDUCATIONAL PROGRAM FINALISTS
– Wais Spend
– Radyo Edukado
– Tropang RadYo
– Sikhay Kilos

MOST DEVELOPMENT-ORIENTED WOMEN’S PROGRAM FINALISTS
– Health Republic
– Sikhay Kilos

MOST DEVELOPMENT-ORIENTED YOUTH PROGRAM FINALISTS
– Radyo Edukado
– Tropang RadYo

MOST DEVELOPMENT-ORIENTED ENVIRONMENTAL PROGRAM FINALISTS
– Nature Venture
– Sikhay Kilos

MOST DEVELOPMENT-ORIENTED SCIENCE AND TECHNOLOGY PROGRAM FINALISTS
– Health Republic
– Sciencia Na Kayo
– Sikhay Kilos

MOST GENDER-TRANSFORMATIVE PROGRAM FINALISTS
– GENDERadyo
– Usapang P
– Sikhay Kilos

MOST PARTICIPATORY PROGRAM FINALISTS
– UP Nating Mahal
– Sikhay Kilos

GANDINGAN NG KABABAIHAN FINALISTS
– Dr. Maria Stepanie Fay Samadan-Cagayan, Chryl Martinez, at Marc Casillan ng Usapang P

GANDINGAN NG KABATAAN FINALIST
– Gian Carlo Librojo ng DZUP Balita, DZUP Special Features, Serbisyong Tatak UP, Tropang RadYo, Nature Venture, at Wais Spend

Dinaluhan ng mga personalidad mula sa iba't ibang media outfit ang ika-13 na Gandingan Awards na umikot sa temang pagtataguyod sa kalayaan sa pamamahayag.

Dinaluhan ng mga personalidad mula sa iba’t ibang media outfit ang ika-13 na Gandingan Awards na umikot sa tema ng pagtataguyod sa kalayaan sa pamamahayag.

Umikot sa temang “Midya at Bayan: Malaya, Mulat, Matapang,” ang ika-13 na Gandingan Awards na kumilala rin sa iba pang mga istasyon tulad ng ABS-CBN, GMA-7, GMA News TV, GMA Regional, CNN Philippines, PTV-4, CLTV-36, DZBB 594, Barangay LS 97.1, AUP 87.8 Shine Radio, DXVL-Kool FM 94.9, RMN DZXL 558, at Philippine Star.

Pinasalamatan naman ni Vinculado ang UP Community Broadcasters’ Society, ang siyang nag-oorganisa ng Gandingan Awards, dahil sa hangarin nitong “…ipakita ang kakayahan ng kabataan [at bayang] mulat, matapang, at malaya” sa pamamagitan ng taunang gawad.

Sa taong ito, napili ng UP ComBroadSoc ang Bahay Pag-asa sa Calauan, Laguna bilang partner organization.