Mga pag-aaral sa mga komunidad kaugnay sa climate change, itinampok sa unang araw ng ICCCRD

Share on Facebook
Share on Facebook Messenger
Tweet about this on Twitter
Email to someone
Pakikisangkot ng lahat—isa sa mga puntong ibinahagi ni Hon. Emmanuel De Guzman, executive director ng Climate Change Commission, sa kanyang keynote speech ay ang epekto ng climate change sa pamumuhay ng mga Pilipino. (Larawan ni: Shane David)

Pakikisangkot ng lahat — Isa sa mga puntong ibinahagi ni Climate Change Commission Executive Dorector Emmanuel De Guzman sa kaniyang keynote speech ay ang epekto ng climate change sa pamumuhay ng mga Pilipino. (Larawan ni Shane David)

Tumampok ang mga lokal na pag-aaral sa mga komunidad kaugnay sa climate change sa unang araw ng 2nd International Conference on Climate Change Research and Development (ICCCRD) at 6th National Climate Research Conference (NCRC). Isinagawa ito noong Setyembre 27-28, 2017 sa UP Los Baños.

Nagbahagi ang mga academicians, mag-aaral, at local government unit (LGU) officers ng kani-kanilang pag-aaral na tumatalakay sa mga pangkalahatang paksa sa climate change at panganib ng mga sakuna, climate and disaster risks management, at iba pang kaugnay na mga paksa. Matapos ang mga sesyong pamplenaryo at sabayang mga sesyon, nagkaroon din ng pagkakataon ang mga lumahok na magbahagi at magtanong sa mga open forum.

Nakibahagi sa mga presentasyon, talakayan, at bilang mga tagatunghay ang mga delegado ng 2nd ICCCRD and 6th NCRC. Karamihan sa mga dumalo ay mula sa akademya, mga mag-aaral, at mga opisyal ng LGUs. (Larawan ni: Shane David)

Nakibahagi sa mga presentasyon, talakayan, at bilang mga tagatunghay ang mga delegado ng 2nd ICCCRD and 6th NCRC. Karamihan sa mga dumalo ay mula sa akademya, mga mag-aaral, at mga opisyal ng LGUs. (Larawan ni Shane David)

Binigyang-diin ng mga pag-aaral kung paanong dapat ilapat sa mga siyentipikong saliksik ang mga polisiyang pambansa at maging ang mga pag-ayon ng mga komunidad sa mga epekto ng climate change.

Ayon kay UPLB Climate and Disaster Risks Studies Center Chair at UPLB College of Arts and Sciences Dean Dr. Felino Lansigan, nangyayari na ang pagbabago sa klima. Dagdag niya, dapat nang tugunan ang mga isyung dulot nito batay sa mga siyentipikong kaalaman upang umangkop ng mga istratehiyang gagamitin sa pagpapaliit ng mga mapaminsalang epekto ng climate change.

Ibinahagi rin ni Lansigan na pangunahin pa rin ang pangangailangang turuan ang mga LGUs na gamitin ang siyentipikong kaalaman lalo’t sila ang nangunguna sa pagtugon sa mga epekto ng climate change at kalamidad.

Tinukoy niya rin ang kahalagahan ng pagtutulungan ng Climate Change Commission (CCC) at LGUs upang mapalakas ang kapasidad sa lokal na aspekto.

Isa ang mga magsasaka sa mga pinakabulnerable at pinakanakararanas ng mga negatibong epekto ng climate change. (Larawan ni: Shane David)

Isa ang sektor ng mga magsasaka sa mga pinakabulnerable at pinakanakararanas ng mga negatibong epekto ng climate change. (Larawan ni Shane David)

Tumampok din ang mga pag-aaral na kaugnay sa kakayahang umagapay ng mga magsasaka sa panahon ng mga delubyo at kanilang mga istratehiya sa pag-angkop sa climate change.

May mga nagbahagi rin ng mga pag-aaral tungkol sa kaalaman ng mga pamilya at komunidad tungkol sa climate change at paglikas. Partikular na tinutukan ng isang presentasyon ang naging kalagayan ng mga pamilya sa mga shelters matapos ang pagsalanta ng bagyong Yolanda noong 2013.

Taunang isinasagawa ang kumperensiya tuwing Setyembre bilang pag-alala sa delubyong idinulot ng bagyong Ondoy sa bansa noong 2009.

Inorganisa ang mga nasabing aktibidad ng CCC, National Academy of Science and Technology, at UPLB.