Pag-alaga sa sarili, payo ni Tan sa mga retirado

Kinilala ang mahigit 100 na retirado't dedikadong kawani ng Unibersidad sa ikatlong araw ng Linggo ng Parangal 2019 sa UP Diliman. (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

Kinilala ang mahigit 100 na retirado’t dedikadong kawani ng UP Diliman sa ikatlong araw ng Linggo ng Parangal 2019. (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

Let’s make the best of our lives. The best is yet to come for those who are retiring.” Ito ang payo ni UP Diliman Chancellor Dr. Michael Tan sa mga kinilalang retirado at kawani ng kampus sa idinaos na 2019 Parangal sa Retirado at 2018 Gawad Paglilingkod, Hunyo 20.

Naniniwala si Tan na makatutulong ang pagkilala sa katawan at kaisipan at pagiging “mandirigma” upang positibong tanawin ng mga nagretiro at magreretiro ang kanilang mga buhay pagkatapos ng paglilingkod bilang mga empleyado ng Unibersidad.

Sa kaniyang talumpati, ipinaliwanag ni Tan na karaniwan niyang ginagamit na oportunidad ang Parangal sa mga Retirado at Gawad Paglilingkod upang payuhan ang mga dedikadong kawani ng Unibersidad.

Binigyan ni UP Diliman Chancellor Michael Tan ng tatlong payo ang mga kawani, partikular, ang mga retirado, hinggil sa susunod na tsapter nila sa buhay. (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

Binigyan ni UP Diliman Chancellor Michael Tan ng tatlong payo ang mga kawani, partikular, ang mga retirado, hinggil sa susunod na tsapter ng kanilang mga buhay. (Kuha ni Joanna Ellina Reyes)

“Kilalanin ang mga katawan natin.”

Ayon kay Tan, mahalagang kilalanin ang katawan nang maging ganap ang pagpapakasaya sa panahon ng “golden years.” Sinabihan din niyang huwag kabahan ang mga retirado na magpatingin sa mga doktor. Dagdag ni Tan, mahalaga ito upang maagapan ang mga sakit na kadalasang tumatama sa mga may edad 60 pataas.

Dagdag ni Tan, nakasasagabal ang machismo sa agarang pagtugon sa sakit lalo na kung may kinalaman sa maseselang bahagi ng katawan ng lalaki. “Ang laging dinidiin, ang mga babae dapat magpa-breast exam. Nakakalimutan ata natin na ang mga lalaki, kailangan din. Pero kahit ang mga may karamdaman dito, sa prostate, umiiwas sa doktor,” wika ni Tan. Mas mainam pa lalo, ayon kay Tan, na regular na magpa-check up kahit na wala pang dinadaing sakit ang katawan.

“Patibayin naman ang kaisipan.”

Ayon kay Tan, nararapat na alagaan ang kaisipan, tulad lamang ng pag-alaga sa katawan. Binigay niya bilang halimbawa ng mabuting ugali ang lagiang pagbabasa at wastong panonood ng telebisyon, habang binalaan naman niya ang paggamit ng social media na maaaring magdulot umano ng stress sa mga matatanda. Kaniyang pinahalagahan ang pagiging aktibo upang masigurong aktibo rin ang kaisipan.

“Maging mandirigma”

Sa pagpapaliwanag ni Tan sa kaniyang pangatlong payo, kaniyang pinasinungalingan ang dating nabalitang pagre-recruit umano ng New People’s Army (NPA) sa UP. Wika ni Tan, “Ang maging mandirigma dito… Huwag tayong matakot sa mga iba’t ibang sakit dito. Kung may sakit tayo, lumaban tayo. Kahit ‘yung mga mali[li]it na bagay… Hindi lang sariling lakas ang gagamitin, kundi ang lakas ng pagmamahal ng mga tao sa paligid natin. So, let us meet the challenges of older age. Huwag tayong matakot.”

Umikot naman ang Linggo ng Parangal 2019 sa temang “Bulwagan ng Dangal.” Kinilala rito ang mga kawani, guro, mag-aaral, at programang nagbigay ng natatanging kontribusyon at serbisyo sa loob at labas ng Unibersidad, alinsunod sa diwa ng dangal at husay.

Pinarangalan sa nasabing aktibidad ang 102 na retirado, pati na rin ang 33 na indibiduwal na nakatanggap ng Gawad Paglilingkod.

Ipinagkakaloob ang Gawad Paglilingkod sa mga kawaning kasalukuyang nasa serbisyo’t nakamit na ang 40 o higit pang taon ng panunungkulan sa UP nang tuloy-tuloy. Kinikilala rin naman ang mga retiradong nagbigay ng serbisyo nang 40 o higit pang taon sa pamamagitan ng Special Retirees Award.