Pagpapatupad ng EO 26 sa UPD, pinag-aaralan pa

Kasalukuyan pang pinag-aaralan kung paano ipatutupad sa UP Diliman ang executive order (EO) ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar.

Bagaman pinatutupad na ng UP Administration noon pang 2003 ang pagbabawal sa paninigarilyo sa loob ng campuses nito, pinag-aaralan ngayon ng pamunuan ng UP Diliman, sa pakikipag-ugnayan sa Quezon City Local Government, kung paano ipatutupad ang EO No. 26 na pinirmahan ni Duterte.

Naging epektibo simula noong Hulyo 23, 2017 ang nasabing EO na nagtatakda sa pagkakaroon ng mga smoke-free environment sa mga pampublikong lugar.  Subalit, walang implementing rules and regulations (IRR) ang nasabing EO. 

“Baka instead na maghintay ang UP ng implementing rules and regulations, magdraft na siya ng… policy for the university in light of EO 26. Paaprubahan sa chancellor, tapos ikonsulta na lang sa Quezon City, sa DOH whether this is aligned with EO 26,” paliwanag ni UP Diliman Vice-Chancellor for Community Affairs Dr. Nestor Castro.

Ayon pa kay Castro, isinasaayos pa nila kung hanggang saan ang sakop ng EO dahil tinatayang nasa 493 hectares ang laki ng buong UP Diliman. Kabilang dito ang mismong campus, mga barangay ng UP Campus, Krus na Ligas, at San Vicente, at gayundin ang ilang mga bahagi ng Barangay Old Capitol Site, Culiat, Vasra, at Pansol.

It is bigger than Vatican and Monaco combined,” paliwanag ni Castro.

Dahil sa nasabing lawak ng UP community, pinag-aaralan din kung sino ang sakop ng pagpapatupad ng nasabing executive order.

“Hindi lang kung sino ang estudyante, faculty at staff natin kundi lahat ng residents diyan. Kapag sinabi mong residents, legitimate at illegitimate ‘yan kasi may housing ang UP [tulad ng] Area 1, Area 2, Hardin ng Rosas, Hardin ng Doña Aurora, legitimate ‘yun,” ani Castro.

Idinagdag pa niya, kabilang din sa mga dapat isaalang-alang ang joggers, nagpipiknik, trabahador sa konstruksyon, at maging ang mga namamasada ng jeep.

Panayam kasama si Vice Chancellor Nestor Castro ukol sa smoking ban sa UP community.

Panayam kasama si Vice Chancellor Nestor Castro ukol sa smoking ban sa UP community.

Samantala, tinitingnan na maging parte ng task force o ang tagapagpatupad ng nasabing EO ang pamunuan ng University Health Service (UHS) at maging ang UP police; ngunit, nananatiling nakadepende pa rin ito sa mapag-uusapan at aaprubahan ng pamunuan ng UP.

Sa pagsasaayos ng impormasyon tungkol sa sakop at lawig ng EO, sinabi ni Castro na patungo pa lamang sila sa unang hakbang na information drive.

Ipinaliwanag pa ni Castro na mayroong tatlong hakbang sa pagpapatupad ng smoking ban sa UP community. Una riyan ang information drive, sunod ang pagsusuway, at panghuli ang pagpapataw ng parusa para sa mga lalabag.

Sa kasalukuyan, nagpapatupad ng ilang university ordinance ang UP kaugnay sa paninigarilyo. Kasama sa mga university ordinance ang pagbabawal ng paninigarilyo sa mga UP jeep at sa mga nagmamaneho nito; paglalagay ng ‘no smoking’ signages sa mga jeep, sa loob ng college grounds, at mga opisina; pagbabawal ng pagbenta at paglabas ng mga advertisement ng sigarilyo; at pagbabawal ng paninigarilyo sa Shopping Center at Academic Oval, at sa mga waiting shed, academic building, at entrance/exit ng mga parking lot, patio, hardin, at mga tambayan.