Papel ng kabataan sa pagsusulong ng bansa, tumampok sa pagbubukas ng NYBC 2018

Share on Facebook
Share on Facebook Messenger
Tweet about this on Twitter
Email to someone

Sumentro sa papel na ginagampanan ng mga kabataan sa pagpapaunlad ng bansa ang pagbubukas ng National Youth Business Convention (NYBC) 2018, Enero 11.

Sa temang “Molding leaders, Moving nations,” binuksan ang tatlong araw na kumbensiyon ng mga pananalita mula kina Jonathan Yabut, ang season 1 winner ng reality TV show na “The Apprentice Asia,” Senador Bam Aquino, at dating Bureau Chief ng Rappler Indonesia na si Natashya Gutierrez. Kanilang binigyang-diin ang papel ng kabataan sa pamumuno at pamumuhunan.

Lumahok sa pagtitipon-tipon na ito ang halos isanlibong kabataan mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa at maging ilang bansa sa Asya Pasifiko.

Nanggaling sa iba't ibang mga pamantasan sa Filipinas at ilang mga bansa sa Asya Pasifiko ang mga mag-aaral na dumalo sa NYBC 2018.

Nanggaling sa iba’t ibang mga pamantasan sa Filipinas at ilang mga bansa sa Asya Pasifiko ang mga mag-aaral na dumalo sa NYBC 2018. (Kuha ni Shane David)

Sa talumpati ni Aquino, kaniyang ibinahagi ang layunin ng isa sa mga isinusulong niyang batas sa kasalukuyan, ang Youth Entrepreneurship Act. Ayon sa panukala, magiging bahagi na ng batayang edukasyon ang literasiyang pampinansya.

Kinilala naman ni Gutierrez ang kahalagahan ng inspired leadership sa pagtataguyod ng anumang larangan. Para kay Gutierrez, naging mahalaga ang pagiging ehemplo at inspiring leader ni Rappler CEO Maria Ressa sa kaniyang professional career dahil sa mga katangian, aniya, ni Ressa kaugnay sa etika. Hinimok ni Gutierrez ang mga kabataan na subukang maging inspiring leaders.

Isa si Gutierrez sa mga nagbigay ng talumpati sa idinaos na NYBC 2018. (Kuha ni Shane David)

Isa si Gutierrez sa mga nagbigay ng talumpati sa idinaos na NYBC 2018. Pangunahin niyang tinalakay ang mga inspiring leaders. (Kuha ni Shane David)

Nagbahagi naman ang mga tagapagsalita mula sa mga larangan ng sales and marketing, finance, technology and start ups, at entrepreneurship ng kanilang mga karanasan at mga pagbabago sa kani-kanilang mga larangan.

Inorganisa ang NYBC 2018 ng UP Business Administration Council kasama ang UP Business League, Enero 11-13.