Potensyal na benepisyo sa kalusugan ng duhat at bignay, susuriin ng mga mananaliksik ng UPLB

Share on Facebook
Share on Facebook Messenger
Tweet about this on Twitter
Email to someone

Tinitingnan ang potensyal na epekto ng mga prutas na duhat at bignay sa kalusugan sa pag-aaral na isinasagawa sa ilalim ng Emerging Interdisciplinary Research (EIDR) grant sa UP Los Baños (UPLB).

Susuriin kung mayroong katumbas na health benefits ang duhat at bignay na tulad ng mga nabibiling banyaga at mamahaling berry sa pamilihan.

Isinasagawa ang pag-aaral na ito ng mga mananaliksik mula sa UPLB na sina Dr. Floirendo Flores, ang Program Leader mula sa Institute of Food Science and Technology (IFST) ng College of Agriculture (CA) at Dr. Karlo Romano Gicana, ang Project Leader mula sa Department of Veterinary Clinical Sciences (DVCS) ng College of Veterinary Medicine (CVM), kasama sina Engr. Mark Anthony Caro, bilang Research Assistant, at Philfred Villamayor, bilang Project Supervisor.

Ipinaliwanag ni Gicana na mayroong epekto ang mga prutas, partikular ang mga berry, sa pagpapabuti ng cholesterol at glucose level sa katawan. Dagdag pa niya, maaaring mapababa nito ang posibilidad ng pagkakaroon ng sakit sa atay, bato, at cardiovascular system.

Tinalakay ni Dr. Karlo Romano Gicana ang kanilang pananaliksik kaugnay sa potensyal na benepisyo sa kalusugan ng duhat at bignay.

Tinalakay ni Dr. Karlo Romano Gicana ang kanilang pananaliksik kaugnay sa potensyal na benepisyo sa kalusugan ng duhat at bignay. (Kuha ni Norai Sales)

“Ang mga berry-related goods ay may claims na nagpapaganda ng kalusugan in terms ng cholesterol, ng mga triglyceride, nagpapaganda ng glucose-level. Ito po ay makikita sa berry-related goods,” ani Gicana sa isang panayam kasama ang DZUP 1602.

Nakikita na kahalintulad ng mga berry ang duhat at bignay. Kung kaya, susuriin nila ang nasabing potential health benefits ng extracts ng mga ito. Ilan sa mga partikular na susuriin ang phenolic content at ang antioxidant properties ng mga ito.

Akma rin sa kalagayan ng populasyon ang nasabing pag-aaral dahil sa tumataas na bilang ng mayroong diabetes at sakit sa atay.

“Ang population…have an increasing risk of liver diseases, of diabetes…Siguro with increasing access to processed foods or increasing access to a more stressful na buhay,” paliwanag ni Gicana.

Nagbigay rin ng motibasyon sa kanilang grupo na suriin ang potensyal ng duhat at bignay dahil matatagpuan lamang sa bakuran o lokal na pananiman ang mga napapanahong prutas.

In vitro, in vivo

Binubuo ng dalawang bahagi ang pananaliksik ng grupo. Sa unang bahagi ng pananaliksik, sa pangunguna ng IFST, lilinangin at isasagawa ang microencapsulation technology.

Habang sa ikalawang bahagi, sa pangunguna naman ng DVCS, susubukin ang anthocyanin-containing capsules sa mga daga at pag-aaralan ang biochemical properties nito, maging ang epekto nito sa dugo at atay ng mga daga.

Ipinaliwanag ni Gicana ang posibilidad na makakuha ng mas mataas na nutrisyon sa paggamit ng microencapsulation technology.

Inihalintulad ni Gicana ang microencapsulation sa paglalaga o pagpupulbos ng mga halamang gamot. Ngunit mas moderno at nagpapatagal ng bioactive properties ang nasabing teknolohiya. “Microencapsulation is a technique that confers stability to both bioactives and food colorants,” sabi ni Gicana.

Dahil sa slow releasing property ng nasabing teknolohiya, hindi agad nawawala ang nutritional value ng iinuming microcapsules.

Nilinaw din niya na, sa tulong ng microencapsulation technology, mas napaiinam ang pagpapataas ng nutrisyong maaaring makuha mula sa mga prutas, “[Sa] microencapsulation technology… tina-try na i-purify ang extracts mo para, in a layman’s term, tina-try mong gawin na mas mataas ang makukuha mong mga nutrients na puwede mong masala mula doon sa isang prutas, mama-maximize mo siya.”

Iprinisenta ang pananaliksik sa media brunch na “Agri-Innovation for Sustainable Food Security” sa UPLB noong Setyembre 25. Pinangasiwaan ito ng Communicating Science and Technology-Research and Development in UP.

Ginanap ang media brunch na Agri-Innovation for Sustainable Food Security: Emerging Interdisciplinary Research of the University of the Philippines Los Baños sa UPLB.

Ginanap ang media brunch na Agri-Innovation for Sustainable Food Security: Emerging Interdisciplinary Research of the University of the Philippines Los Baños sa UPLB. (Kuha ni Norai Sales)