Tradisyon ng Timog-Silangang Asya, tampok sa “Putri Anak, Isang Bagong Komedya”

Share on Facebook
Share on Facebook Messenger
Tweet about this on Twitter
Email to someone

Itinampok sa dulang Putri Anak, Isang Bagong Komedya ang iba’t ibang tradisyon ng pagtatanghal, musika, at pagsasadula ng ilang mga bansa mula sa Timog-Silangang Asya.

Isang tradisyon ng dulaan ang komedya na nagmula pa sa panahon ng pananakop ng España.

Pagbaba mula sa tahanang selestyal ng mga magkakapatid. (Kuha ni Isha Bonus)

Pagbaba mula sa langit ng mga magkakapatid. (Kuha ni Isha Bonus)

Natunghayan sa nasabing dula ang kumbensyon ng komedya ng San Dionisio ng Parañaque. Ayon sa pahayag na inilabas ng UP Center for International Studies (UPCIS), ang nag-organisa ng dula, nakalapat din dito ang mga elemento ng tradisyunal na pagtatanghal ng mga Pilipino, Hapon, at iba’t ibang tradisyon ng pagtatanghal mula sa Timog-Silangang Asya.

“Gusto naming paigtingin ang Asian side. Ang Komedya, it’s a combination of European and Asian ang nakarating sa atin ngayon. Para mas maging closer sa indigenous Filipino or the pre-hispanized Filipino, humiram kami sa tunog at galaw  mula sa karatig-bayan sa Asya,” paliwanag ni Dr. Jina Umali, direktor ng nasabing dula, sa panayam ng DZUP Balita.

Nilikha ang musika ng dula ni Dr. Verne de la Peña, UP College of Music (UPCMu) Musicology Professor at musical director naman nito si Prof. Mary Katherine Trangco, UPCMu faculty member.

Ipinaliwanag ni Umali na mapakikinggan ang tunog ng Timog-Silangan sa pagsasama ng gong at drum. Aniya, makikita ito sa gamelan at kulintangan. “Ang tawag ni Dr. Verne dito, ang spring board ng music niya dito ay yung kulintang… Tapos, para mareference din ang lowland folk tradition, may banduria na ginamit din sa tunog nitong palabas na ito,” sinabi pa ni Umali.

Upang mapanatili ang musikang comedic brass band, ginamit ni de la Peña ang mga instrumentong flute, clarinet, at saxophone. Gayundin, ginamit sa dula ang snare at bass drum.

Pagbibigay-pugay sa UP Tugtugang Musika Asyatika (UP TUGMA) sa pagtatapos ng dula. (Kuha ni Isha Bonus)

Pagbibigay-pugay sa UP Tugtugang Musika Asyatika (UP TUGMA) sa pagtatapos ng dula. (Kuha ni Isha Bonus)

Maging ang inspirasyon ng choreography ay mula sa tradisyon ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya. Ilan sa mga ito ay mula sa  Bharata Natyam ng India, Javenese dance na Tari Java ng Indonesia, at kabuki ng Japan, martial arts sagayan, arnis, at pencak silat.

Isinulat ni Enrique Villasis at Juan Ekis ang nasabing dula. Ang bawat taludtod ay binubuo ng apat na linya, habang ang kada linya naman ay may labindalawang pantig o tinatawag na dodesyllabic verse. Naayon ito sa istruktura ng isang tradisyunal na komedya.  Itinanghal ito sa direksyon ni Umali at muling pagsasaentablado ni Michael Barry Que.

Ang naratibo

Karaniwang ipinapalabas ang Moro-moro, isang klase ng komedya, kung saan ipinapakita ang tunggalian ng Kristiyano at Muslim. Ngunit, ipinaliwanag ni Umali na lumihis sila sa ganitong karaniwang balangkas ng komedya dahil aniya, hindi nakadudulot ng pagkakaisa ang ganitong klase ng balangkas.

“Hindi siya nakatutulong sa pagbuo ng isang bansa. Kaya ang ginawa namin, gamit ang kumbensyon ng Komedya…binago namin ang tema. Walang kinalaman sa Christian and Muslim conflict. Binigyan namin ng ibang conflict ang palabas,” paliwanang ni Umali.

Sa pagbuo ng balangkas ng dula, hiniram ang naratibo ng kwentong-bayan ng Maguindanao na The Son of King Sulayman. Gayundin, humiram ng iba pang kwentong-bayan mula sa Timog-Silangan at Silangan Asya. Ayon kay Umali, “ang kwentong-bayan natin, ito ay kwentong-bayan din ng mga kalapit na bansa sa Asya.”

Umiikot ang kwento kay Putri Anak, isang dalagang nagmula sa langit. Bumaba sa mundo ang nasabing diwata kasama ang kanyang mga kapatid. Ngunit, sa hindi inaasahang pangyayari, nawala ang kanyang alampay at hindi makabalik sa langit.
Sa kanyang pananatili sa lupa, makikilala niya ang dalawang pinuno ng magkaaway na angkan na sina Rajah Sulaymon at Sultan Magnaye na kapwa iibig kay Putri Anak. Sa kabila ng kanilang tunggalian sa teritoryo, mapagtatanto ng dalawang pinuno na sa pamamagitan lamang ng pagkakaisa nila masusupil ang kalaban nilang Bakunawa.

Sa paglalakbay sa mundo ng mga tao, napagitna si Putri Anak sa dalawang mangingibig. (Kuha ni Isha Bonus)

Sa paglalakbay sa mundo ng mga tao, napagitna si Putri Anak sa dalawang mangingibig. (Kuha ni Isha Bonus)

Sa pagbibigay ng bagong mukha ng Komedya, idinikit ang balangkas nito sa isyung kinahaharap ng bansa sa kasalukuyan. Kaya naman, pangunahing umiikot sa teritoryo at delubyo ang tunggalian ng kwento.   

 Tunggalian sa teritoryo nina Rajah Sulaymon at Sultan Magnaye. (Kuha ni Isha Bonus)

Tunggalian sa teritoryo nina Rajah Sulaymon at Sultan Magnaye. (Kuha ni Isha Bonus)

 

 Pagpunit ni Putri Anak ng kanyang alampay upang ibigay sa dalawang pinuno. (Kuha ni Isha Bonus)

Pagpunit ni Putri Anak ng kanyang alampay upang ibigay sa dalawang pinuno. (Kuha ni Isha Bonus)

Itinanghal ang dulang Putri Anak, Isang Bagong Komedya bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa pakikipagtulungan sa UPCIS, UPCMu at UP Diliman Sentro ng Wikang Filipino (SWF) nitong ika-23 hanggang ika-25 ng Agosto 2017 sa GT-Toyota, UP Diliman.

Pagbabalik ni Putri Anak sa langit. (Kuha ni Isha Bonus)

Pagbabalik ni Putri Anak sa langit. (Kuha ni Isha Bonus)

Una nang itinanghal ang nasabing dula sa Cultural Center of the Philippines nitong nakaraang Abril bilang paggunita sa sentenaryong selebrayon ng UPCMu. 

 

Mga sanggunian:

Umali, J. (2017, 22). Interview via phone patch on DZUP Balita with C.F. Navarro.

UP Center for International Studies. (n.d.). Putri Anak: Isang bagong komedya (Unpublished primer).

UPDate Diliman (16 August 2017). UP celebrates Buwan ng Wika with the restaging of Putri Anak, isang bagong komedya. Retrieved from http://upd.edu.ph/up-celebrates-buwan-ng-wika-with-the-restaging-of-putri-anak-isang-bagong-komedya/

 

Erratum: Ang naunang bersyon ng artikulong ito ay kumilala kina Dr. Verne de la Peña at Mary Katherine Trangco bilang mga kompositor ng nasabing produksyon. Ito ay naiwasto na si Dr. Verne de la Peña ay ang kompositor at si Mary Katherine Trangco ang musical director. Ang DZUP Balita po ay humihingi ng paumanhin sa pagkakamaling ito.