UP Diliman community, nagsama-sama para sa mga apektadong pamilya sa Marawi

Share on Facebook
Share on Facebook Messenger
Tweet about this on Twitter
Email to someone

Nagkaisa ang ilang mga opisina, organisasyon, at indibidwal sa University of the Philippines Diliman (UPD) upang tumulong sa mga pamilyang apektado ng krisis sa Marawi City.

Pinamagatang “Serbisyong Tatak UP para sa Marawi” ang pinag-isang inisyatibo ng NSTP Diliman Office, UP Institute of Islamic Studies (IIS), UPD University Student Council (USC), mga kolehiyo, NSTP classes, UP Broadcasters’ Guild (Broad Guild), UP Radio Circle (RC), at DZUP 1602. Nilalayon ng nasabing proyekto na makapagpadala ng tulong sa mga naapektihan ng krisis sa Marawi.

Ipinaliwanag ni NSTP Diliman Director Professor Arlyn Macapinlac na minabuti nilang makibahagi sa at suportahan pa ang paglikom at paghatid ng mga donasyon na nauna nang isinagawa ng UPD USC at IIS.

FHDJSFH

Pinagmalaki ni NSTP Diliman Director Prof. Macapinlac ang kabutihang loob ng mga tumutulong sa inisyatibong “Serbisyong Tatak UP para sa Marawi.” (Kuha ni Norai Sales)

Tinulungan ng ilang mga mag-aaral ng NSTP mula sa UP College of Mass Communication (CMC) at College of Social Sciences and Philosophy (CSSP) ang UPD USC sa repacking ng mga donasyon. Tumulong din ang ilang mga klase ni NSTP Diliman Deputy Director Professor Josefina Santos at Professor Leander Marquez sa isinagawang repacking.

Caption: Tumutulong ang ilang mag-aaral sa repacking ng mga donasyon. (Kuha ng NSTP Diliman Office).

Tumutulong ang ilang mag-aaral sa repacking ng mga donasyon. (Kuha ng NSTP Diliman Office)

Noong nakaraang NSTP midyear graduation ceremony naman, tinugunan ng mga estudyante ng NSTP mula sa CMC, College of Fine Arts (CFA), School of Statistics, at Asian Institute of Tourism (AIT) ang paghimok ng kani-kanilang NSTP instructors at coordinators na magdala ng mga damit, diapers, gatas, gamot, at mga Halal na pagkain. Ipadadala naman ang mga nalikom na ito sa tulong ng IIS.

Bukod pa rito, inaasahan ding pangungunahan ng NSTP Diliman Office ang mga income generating project (IGP) tulad ng film showing, at pagbebenta ng mga t-shirt.
   
Ayon naman sa naging panayam ng DZUP Balita kay Santos, isang mabuting paraan ang mga pinagsamang proyektong ito upang ipamalas ang kahandaan ng mga Filipino sa pagtugon sa pangangailangan ng kapwa nila.   

Ayon sa pagtatala ng DSWD noong Hulyo 27, aabot na sa 117,875 pamilya ang lumikas dahil sa armed conflict sa Marawi City.

Mangyaring makipag-ugnayan lamang sa mga NSTP coordinators sa bawat kolehiyo ang sinumang nagnanais makiisa sa “Serbisyong Tatak UP para sa Marawi.”

Para sa mga cash donations, maaaring magdeposito sa Foundation Research Association for Islamic Social Sciences, Incorporated sa Philippine National Bank account number 393309900019.