UP, pasok sa Top 100 ng THE Asia University Rankings

Pumamsiyamnapu't lima ang UP sa 2019 Times Higher Education Asia University Rankings

FILE PHOTO. Pumamsiyamnapu’t lima ang UP sa 2019 Times Higher Education Asia University Rankings. (Kuha ni Gian Carlo Librojo)

Patuloy na umaakyat sa international rankings ang Unibersidad ng Pilipinas (UP) pagkatapos nitong pumasok sa Top 100 ng Asia University Rankings ng Times Higher Education (THE). Umabot ang UP sa 95th place nito, nang mayroong overall score na 38.2.

Sa 95th place, nakuha ng UP ang overall score na 38.1. (Litrato mula sa UP official website)

Sa 95th place, nakuha ng UP ang overall score na 38.1. (Litrato mula sa UP official website)

 Sinusuri ng THE ang performance ng academic institutions sa mundo batay sa limang indicators na teaching, research, citations, international outlook, at industry income. 30% ng overall score ng isang institusyon ang nagmumula sa bawat indicator na teaching, citations, at research. 7.5% naman ang nagmumula sa international outlook, habang 2.5% ang nagmumula sa industry income.

Para sa taong ito, nakuha ng UP ang pinakamataas na marka para sa kategoryang citations—69.1. Para sa nasabing indicator, binibigyang konsiderasyon ang impluwensiya ng pananaliksik na isinasagawa ng mga iskolar, sa pamamagitan ng mga nailathala nilang mga pag-aaral. Mas mataas ito mula sa mga marka ng UP para rito noong 2018 (40) at 2017 (13.5).

Sumusunod naman sa citations ang international outlook, kung saan bumaba nang kaunti ang marka ng Unibersidad sa 39.5, mula sa 39.8 noong nakaraang taon, at 42.1 noong 2017. Tinitignan sa kategoryang ito ang international-to-domestic ratios pagdating sa mga staff, student, at research collaboration.

Muli namang umakyat ang marka ng UP sa 35.8 (mula sa 32.6) para sa industry income, na tumitingin sa kinikita ng Unibersidad mula sa mga imbensyon at industrial work nito. Umakyat din ang mga marka nito sa teaching (24.2, mula sa 23.4) at research (18.9, mula sa 11.5).

Nakabase naman ang teaching sa kalidad ng pag-aaral sa mga unibersidad, pati na rin ang reputasyon nito sa akademiya, at iba pang numero hinggil sa mga staff, estudyante, at pananaliksik nito. Gayundin, nakabase naman ang research sa parehong kalidad at bilang ng research output nito, ayon sa reputasyon, kita, at pagiging produktibo ng institusyon.

Matatandaang unang pumasok sa Asia University Rankings ng THE ang UP noong 2018, sa puwestong 156th. Nasa 87th place ng Emerging Economies Rankings ng THE ang UP para sa 2019.