UP, umakyat ng 28 na puwesto sa 2020 QS World Univ Rankings

The Oblation by National Artist for Sculpture Guillermo Tolentino, 1935.

Patuloy ang pag-arangkada ng UP sa QS World University Rankings. (Larawang kuha ni Gian Carlo Librojo)

Nananatili bilang top university ng bansa ang UP, pagkatapos ang pag-akyat nito sa 2020 Quacquarelli Symonds (QS) World University Rankings.

Ayon sa nasabing rankings, umakyat sa 356th place ang UP mula sa 384th place na nakamit nito noong 2019.

Nagmumula naman ito sa mga pangkalahatang marka na 30.7 na nakuha ng Unibersidad.

Nananatili bilang pangunahing unibersidad sa bansa ang UP sa pag-akyat nito sa 2020 Quacquarelli Symonds (QS) World University Rankings. (Litrato mula sa opisyal na Facebook page ng UP.)

Umakyat ng 28 na puwesto ang UP sa 2020 Quacquarelli Symonds (QS) World University Rankings. (Larawan mula sa opisyal na Facebook page ng UP)

Binibigyang konsiderasyon sa nasabing rankings ang criteria na academic reputation, employer reputation, faculty-student ratio, citations per faculty, international faculty ratio, at international student ratio. Binibigyan naman ng rating ang bawat isa mula sa pinakamataas na markang 100.

Para sa academic reputation na bumubuo sa 40% ng ratings, nakakuha ang UP ng markang 34.2. Ayon sa QS, nagmumula ito sa isang academic survey na bumatay rin sa ekspertong opinyon ng mahigit 94,000 na indibiduwal na nagtatrabaho sa higher education sa mundo at ang pagtingin nila sa pagtuturo’t pagsasagawa ng pananaliksik ng isang pamantasan.

Kinikilala rin ng QS ang faculty-student ratio bilang pinakamainam na proxy metric para sa pagsuri ng kalidad ng pagtuturo, kung saan nakakuha ang UP ng pinakamataas na marka nito na 62 para sa faculty-student ratio. Para naman sa citations per faculty, nakuha nito ang 2.1. Tig-20% ang binubuo ng faculty-student ratio at citations per faculty.

Nakakuha naman ang UP ng markang 39.5 para sa employer reputation. Binubuo nito ang 10% sa ratings at tinitingnan ang naging sagot ng mahigit 45,000 na indibiduwal hinggil sa mga nakikilala nilang mga institusyong mayroong “competent, innovative, [at] effective” na mga alumni.

Naitala naman ng UP ang markang 1.8 para sa international faculty ratio at 1.5 para sa international students ratio, na tig-limang porsyento ang binubuo sa ratings. Sa ganitong paraan, pinapahalagahan ng QS ang pagkakaroon ng “multinational environment” ng isang institusyon, kung saan makakapamahagi ang mga guro’t mag-aaral ng mga ideya’t kakayahan sa isa’t isa.

Matatandaang pumang-95 na puwesto ang Unibersidad sa 2019 Asia University Rankings ng Times Higher Education (THE) na inilabas noong nakaraang buwan.