Mula panahon ng Martial Law hanggang sa kasalukuyan, ang mga tinatawag na “Radical Papers” ay nakatago sa main library ng University of the Philippines sa Diliman.

Sa paliwanag ni University Head Librarian Elvira Lapuz, tinawag nilang “Radical Papers” ang koleksyon ng iba-ibang akda at tekstong nagpoprotesta at kritikal laban sa Martial Law at sa diktaturyal na Rehimeng Marcos.

Ilan sa mga halimbawang binanggit ni Lapuz ay mga dokumento, brochures, periodicals, unpublished materials, manifestos, at newsletters ng mga estudyante, political and religious organizations na nagsusulong ng pagbabago sa  administrasyong Marcos.

Matatandaang noong sumiklab ang Martial Law sa Pilipinas, noong taong 1972, ipinagbawal ng dating Pangulong Marcos ang pagbuo ng mga grupo at organisasyong naglalayong patalsikin ang kanyang administrasyon.

Isinabatas pa ni Marcos sa ilalim ng Presidential Decree No. 885, noong 1976 ang pagpapakulong at pagmumulta sa sinomang mahuhuling lumalaban sa gobyerno.

Dito na nga nagsimulang gawing taguan ng mga “Radical Papers” ang main library ng UP Diliman.

Kaya naman kahit halos limang dekada nang nakatago ang mga “Radical Papers,” ay sinisikap ng mga UP librarians na panatilihin itong maayos.

Ibinihagi ni Lapuz na sa ngayon ay nasa Special Collection Section ng UP Main library ang mga orihinal na papeles. Meron na ding microfilm copy na makikita naman sa Information Services and Instruction Sections.

At para lalo pang mas mabilis hanapin ang mga “Radical Papers,” meron na ding Subject Guide na magagamit ang sinomang may gustong basahin ang mga ito. Ang “Philippine Radical Papers In the University of the Philippines Diliman Library Subject Guide.

Para kay Lapuz, dapat ayusin at alagaan ang mga “Radical Papers” dahil may mahalaga itong papel sa bansa.

“Ang bawat pahina, dahon na kasama sa koleksyon ay naglalaman ng paglalahad ng kasaysayan ng bansa sa panahon ni Marcos. Sa panahong naideklara ang batas militar,” kwento ni Lapuz. “Mahalaga ito sa mga nag-aaral ng kasaysayan.”

“Mahalaga rin ito bilang mga ebidensya sa kung ano ang mga naging pangyayari nong mga panahong iyon,” dagdag pa niya. “At mahagalaga ito dahil ito ay patunay sa patuloy na pakikibaka at pagsusulong ng mga Pilipino upang makamit ang tunay na pagbabago sa politika, sa ekonomiya, at sa lipunan.”

Ipinaliwanag din ni Lapuz na ang mga “Radical Papers” ay nagsisilbing “kongkretong paalala” ng panahon ng Martial Law na itinawag niyang “napakadilim na bahagi ng kasaysayan ng bansa.” Dahil dito, ang panahon na ito ay hindi maaring “kalimutan o ipagwalang bahala.”

Bukod pa rito, sinabi ni Lapuz ang mga dokumentong kasali sa “Radical Papers” ay mahalaga rin para maintindihan ng mga estudyante and mga iba-ibang ideolohiya na isinusulong noong panahon ng dekada setenta.

“Mahalaga rin ang dokumentong ito upang maintindihan kung ano iyong mga iba’t-ibang ideolohiyang pinaniniwalaan at isinusulong noong panahon na iyon,” paliwanag niya. “Ang halaga nito sa kasalukuyan ay upang magkaroon tayo ng mas malalim na pag-unawa kung bakit at paanong binago ng isang rehimen ang kasaysayan nating mga Pilipino.”

Magkahalong lungkot at takot ang nararamdaman ng mga librarians sa mga banta ng pag-aalis ng mga “Radical Papers” at maging ng iba pang mga library resources sa loob ng UP Main Library. Ang mga ito ayon sa kanya, ay kakailanganin para makagawa ang mga mag-aaral ng mga makabagong kaalaman. Kaya naman sa kabila ng takot, ay pinipili niyang tuparain ang sinumpaang pangako na panatilihin at siguruhing mapapakinabangan ng mga estudyante ang lahat ng nasa loob ng UP Main Library.

Para sa kanya ang papel ng UP librarians ay hindi lang bilang tagabantay, kundi sila din ay mga “tagapangalaga” ng mga “Radical Papers.”

More than being tagabantay siguro, kami talaga ang tagapangalaga,” sabi ni Lapuz. “Talagang pinangangalagaan namin bawat pahina, bawat materyales na meron tayo sa library.”

“Ang pangako namin ay pananatilihin naming nandyan sila.  Bukas at maaaring gamitin anomang oras. Hindi namin hahayaan na isa man dyan ay alisin sa anomang kadahilanan dahil ang mandato namin bilang mga librarian ay siguraduhin na ang lahat ng materyales na ito ay palaging magagamit at bukas para sa ating mga estudyante, sa ating mga guro at sa kung sinoman ang mga nangangailangan ng mga impormasyon.” DZUP