Inilunsad nitong Agosto 18 sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman Vargas Museum ang bagong aklat ni Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Virgilio Almario na pinamagatang “Ang Wikang Pambansa at Amerikanisasyon: Isang Kasaysayan ng Pakikihamok ng Filipino para maging Wikang Pambansa.”
Sa librong ito, hinihimok ni Almario ang mga mámbabasá na suriing muli ang kasaysayan ng wikang Filipino at kung paanong isinasalaysay ito nang may amerikanisadong pagtanaw.
Ayon sa pabliser na Ateneo de Manila University Press, naniniwala si Almario na ‘biktima’ ng amerikanisadong edukasyon ang kamulátang Filipino.
“Hindi tuloy nakikíta ang halaga ng isang katutubòng wika para sa Filipinisasyon na pangarap ng mga Propagandista ng ‘La Solidaridad’ at para sa adhikang mapagpalayà ng Himagsikang 1896,” ayon sa deskripsiyon ng libro na nakasulat sa Ateneo Press website.
“Ang pagpapahalaga sa isang katutubòng wikang pambansa ay labag na labag sa adhikang kolonyal ng mga Americano noong 1898. Kayâ hanggang ngayon ay patuloy na binabaluktot ng mga amerikanisado sa hanay ng mga edukadong Filipino ang totoong kasaysayan at pagbibigay ng kabuluhan sa wikang pambansa.”
Nagbigay rin ng maikling lektura si Dr. Galileo Zafra ng UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) sa naging paglulunsad.
Dinaluhan ang paglulunsad nina UP President Angelo Jimenez, National Artist for Music Ramon Santos, National Commission for Culture and the Arts Chairman Victorino Manalo, at UP Professor Emeritus Nicanor Tiongson.
Magkatuwang na inorganisa ng Ateneo Press, Vargas Museum, College of Arts and Letters, DFPP, Filipinas Institute of Translation, at Katipunan sa Kultura at Kasaysayan ang nasabing aktibidad.
Isang makata, mananalaysay, kritiko ng panitikan, propesor, tagasalin, pabliser, at tagapamahalang pangkultura si Almario na kilala rin bílang Rio Alma.
Iginawad kay Almario ang titulong Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan noong 2003.