Maari nang kumuha ng kanilang COVID-19 Booster shots ang mga fully vaccinated healthcare workers simula bukas, November 17, 2021.
Ayon sa inilabas na public advisory ng Department of Health (DOH), ang mga bakuna ng Pfizer at Moderna mula Amerika at Sinovac mula China ang kanilang inirerekomenda bilang booster doses.
“[This is] regardless of the brand used for the primary series, Sinovac will also be offered as a booster for those that had Sinovac as primary series,” ani DOH sa kanilang advisory.
Ayon pa sa kagawaran, ilalabas ngayong araw, November 16, 2021, ang guidelines ukol sa pagbibigay ng booster shots ng National Vaccine Operations Center (NVOC).
Nauna nang sinabi ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na ang bansa ay maaari nang magbigay ng booster at third COVID-19 Vaccine doses sa mga priority groups.
Sinabi rin ni Galvez na kailangan pang hintayin ng mga otoridad ang patnubay mula sa policy team, revised emergency use authorization (EUA) sa gagamiting bakuna at rekomendasyon ng mga eksperto na nagbibigay payo sa World Health Organization (WHO).
Ayon naman kay Heath Undersecretary Myrna Cabotaje, sapat ang supply ng bakuna sa bansa para makapagbigay ng booster shots. DZUP