335 aktibong kaso ng COVID-19 ang naitala kahapon, Enero 13, 2022 ng UP Diliman COVID-19 Task Force. Ito ay ayon sa kanilang Weekly Report. Anim mula sa aktibong kaso ay mula sa faculty,176 ang mga staff, 15 ang mga estudyante, walo ang dependents, at 130 ay mga residente ng barangay.
158 sa mga pasyente ay asymptomatic, at 177 naman ang nakakaranas ng mild symptoms.
Idinetalye ni Dr. Aliza Pangaibat ng UPHS Public Health Unit sa DZUP Balita, kung paano isinasagawa ng kanilang grupo ang “updating” ng mga kaso ng COVID-19 sa komunidad ng UP.
“Lahat po ng naswab sa UP Health Service ay sumasagot sa tinatawag na eCIF link (Case Investigation Form),” sabi ni Pangaibat. “Dito po nakadetalye ang mga impormasyon ng pasyente pati po ang kanilang mga sintomas, history ng dating isolation, mga pinuntahan, close contacts nila. Ang form na ito ay isinusubmit po namen sa DOH. Kapag lumabas ang resulta kailangan din po namen iupdate at i-submit sa DOH. Dito po nanggagaling ang aming datos. Para naman po sa hindi na-swab sa atin nakukuha po namen ang impormasyon mula sa report po ng mga health liaison officer ng bawat opisina. Ang iba naman po ay mula sa pagreport po mismo ng pasyente sa kanilang sarili.”
At kapag nag-positibo ang indibidwal ay may sinusunod din silang protocol.
“Ang confirmed case po ay kinocontact through call, text, viber or messenger ng ating mga contact tracers (volunteer na empleyado ng UP) para po sa contact tracing,” dagdag pa niya. “Sila rin po ang nag papayo kung paano ang tamang isolation, kung gaano katagal at kung kailan maaari mag end ang isolation base sa guidelines ng DOH. Minomonitor din nila ang health status ng confirmed case at close contacts nya. Kung may available na RTPCR ang close contact ay pinapayuhan na mag RTPCR sa ika -5 araw ng kanilang quarantine. Kung nagkakaubusan ng RTPCR kit kailangan i-prioritize at unahin ang mga vulnerable group at yung may mga co-morbids. Kung wala naman po sintomas maaari po na kumpletuhin lamang ng close contact ang kanilang quarantine.”
Sa mga pagkakataong hindi maiwasan, pinapayagan din ang pagbabantay sa COVID-19 patient.
“Ideally po dapat isolated po talaga ang may sintomas. Kung wala po magagawa dahil alagain po dahil ang pasyente ay bata o matanda, kailangan lang po i-practice pa rin ang pagsuot ng face mask ng maayos at hand hygiene.Ayusin ang ventilation sa tahanan.”
Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 at pagsulpot ng iba-ibang COVID-19 variants, may mga tumatanggi pa din sa bakuna. Kaya naman patuloy ang COVID-19 Task Force sa pagbibigay ng kaalaman tungkol dito.
“Kailangan lang muna natin pakinggan kung saan nanggagaling ang agam-agam nila at mula doon ay ipaliwanag natin ang pagiging safe ng bakuna. Ito ay proprotekta sa atin mula sa malubhang sakit dulot ng COVID.” DZUP