Inilunsad ang miting de avance ng mga kandidato para sa University of the Philippines University Student Council (USC) ng University of the Philippines Economics Society sa pakikipagtulungan sa UP Office of the Vice Chancellor for Student Affairs, Office of Student Projects and Activities, Halalan UPD at DZUP 1602.

Sa unang araw, isyu tungkol sa USC performances, frat-related violence, USC endorsements sa Kabataan Partylist, fake news, pagbabalik ng face-to-face classes at iba pa ang kanilang isa-isang sinagot.

Usapin sa Face-to-face at SLAS

Student assistance ang sagot ni STAND UP USC Chairperson Candidate Latrel Andrei Felix para sa pag-popondo ng housing at transportation sa mga estudyante sa face-to-face set-up.

“Dahil nakikita natin ang kahalagahan ng estudyante, at we ensure democratic rights of students, faculty and staff when we got back to school,” sagot ni Felix.

Pagtutulak naman ng education agenda ang plano ni UP Alyansa USC Chairperson Candidate Jaira Del Mundo sa nasabing usapin.

Kanila ring sinagot ang usapin tungkol sa delayed provision of aid sa ilalim ng Student Learning Assistance System (SLAS).

Para kay Felix, kanyang isusulong ang pag-collate ng mga concerns ng mga mag-aaral at siya rin ay magsasagawa ng mga konsultasyon para rito.

Bukod sa nasabing assistance, sinabi naman ni Del Mundo na dapat na mabigyan ng iba pang ayuda ang mga mag-aaral para sa ibang gastusin nito bilang estudyante.

Sa ikalawang araw, usapin tungkol sa pagbibitiw sa pwesto ng mga student-leader, transportasyon sa pamantasan, pagkuha ng unit sa klase, general elective concern, graduate students needs at iba pang mahahalagang isyu ang sinagot ng mga kandidato para sa USC.

Marcos comeback

Mainit ding tinalakay ang usapin kung manalo sa darating na May 9, 2022 si presidential candidate Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. at vice-presidential candidate Sara Duterte-Carpio.

Pawang hindi pabor ang dalawang kandidato sa muling pag tungtong sa Malakanyang ni Marcos at pag-akyat sa ikalawang mataas na posisyon  ng nakababatang Duterte.

Sa huling tanong bago matapos ang mini-debate ng programa, kanilang inilatag ang kanilang mga ginagawang hakbang para rito.

Ayon kay Felix, may banta para sa pagbabalik sa pwesto ng mga Marcoses at pagpapanatili ng Duterte sa kapangyarihan sa lipunan.

Titindig, maninindigan at mag-momobilisa ang STAND UP kung sakaling manalo ang dalawa para matutulan ang proklamasyon ng mga ito.

“Siyempre, ‘di ba kinikilala pa rin natin na mayroon pa rin talagang threat sa pagbabalik ng Marcoses, pagpapanatili ng kapangyarihan ni Duterte sa ating lipunan at nandito ‘yung hamon para ating mga kabataan na tumindig at manindigan,” paliwanag ni Felix.

Patuloy naman ang kampanya ng UP Alyansa para hindi makaupo sa pwesto ang Marcos-Duterte tandem. Ayon kay Del Mundo, isa na rito ang pagkakaroon ng unity statement sa pagtutol sa pagbabalik ng mga ito sa mas mataas na pwesto.

“Katunayan, kasama tayo ‘di ba tanda niyo yan, nagkaroon tayo ng isang unity statement. Magkakasama tayo na tumututol sa Marcos-Duterte power, ganitong unity ang dadalhin natin sa new USC, lahat ng mga sektor, lahat ng mga estudyante ay kasama sa laban,” tugon ni Del Mundo.

Ipinaliwanag rin Del Mundo na simula pa lang ng paghain ni Marcos ng kandidatura sa pagka-pangulo ay nandoon na ang UP Alyansa para hindi mapabilang si Marcos bilang isang valid candidate.

Mahalaga naman para kay Felix na magkaroon ng strong unity ng mga political parties para naman tumindig sa pag-endorso sa tambalang Leni-Kiko.

“Napakagandang pakinggan ang sa gobyernong tapat angat buhay lahat. Kaya naman po napakahalaga na nagkakaroon tayo ng strong unity sa mga political parties sa Alyansa sa Stand alam nyo naman sa Stand UP tayo ay tumitindig na ini-endorso natin ang Leni-Kiko upang di na muling manumbalik ang mga Marcos-Duterte sa ating lipunan.”

Sa huli, hinimok ni Del Mundo ang mga UP student at mga lider-estudyante para ikampanya ang nasabing tambalan.

“Ikampanya natin ang isang gobyerno na gusto natin at ating ikampanya ang Leni-Kiko tandem dahil kailangan nating labanan ang pagbabalik ng mga Marcos-Duterte. Tara, samahan nyo kami dahil magkaka-alyansa tayo sa laban na ito ka-alyansa tayo sa laban sa maling pamamahala, ka-alyansa tayo sa pagpapanalo ng ating bukas at ka-alyansa tayo sa pagpapanalo ng bukas ng lahat ng sektor ng lipunan.”

Ginanap ang opisyal na miting de avance nitong April 29-30, 2022. Matatapos naman ang pagboto para sa mga bagong uupo sa USC sa May 8, 2022, alas-sais ng gabi. DZUP