Inaprubahan na ng pamunuan ng University of the Philippines Diliman ang mga patnubay sa pagbabalik ng limited face-to-face classes sa nasabing pamantasan.
Ayon sa inilabas na abiso, Oktubre ng nakaraang taon pa nakikipag-ugnayan ang UP sa Commission on Higher Education (CHED), Department of Health (DOH), Quezon City Local Government, UPD COVID-19 Task Force, mga Dekano at pati na rin sa mga magulang at mag-aaral para sa limited face-to-face classes ng 338 patapos na estudyante mula sa anim na kolehiyo.
Kabilang dito ang College of Engineering (Engg), College of Science (CS), College of Social Work and Community Development (CSWCD), College of Home Economics (CHE), College of Music (CMu), at Archeological Studies Program.
“It is important to note that not all the academic programs in these colleges applied for limited face-to-face classes, the guidelines cover only those students who have “graduating status” as the second semester and midyear, AY 2020-2021 and participation of students in the requested limited face-to-face classes is not compulsory. Among the 338, only those who signified readiness to participate will be allowed to attend face-to-face classes,” bahagi ng inilabas na advisory ng UP.
Nagpalabas rin ang UP Office of the Vice Chancellor for Academic Affairs (OVCCA) nitong ika-12 ng Nobyembre 2021 ng “frequently asked questions” (FAQs) sa 338 na nasabing mag-aaral. Ang nasabing hakbangin ay tugon para sa suhestiyon at komento ng mga magulang at mag-aaral sa guidelines na ipinakita sa kanila sa nangyaring konsultasyon nitong ika-apat ng Oktubre 2021.
Inaprubahan ni UP Chancellor Fidel R. Nemenzo kahapon, ika-29 ng Nobyembre 2021 ang guidelines at ipapalabas ito sa website ng nasabing pamantasan.
Samantala, muling magsasagawa ng isa pang konsultasyon ang OVCCA sa mahigit dalawang libong mag-aaral mula sa iba’t-ibang academic units na kasama sa bagong aplikasyon para sa limited face-to-face classes sa mga susunod na buwan. DZUP