Nagpasalamat si University of the Philippines President Danilo Concepcion sa isa namang taon na siya ay kasama sa pagdiriwang ng UP Lantern Parade.

Sa kanyang mensahe sa pagdiriwang na ipinaabot ni Vice Chancellor for Public Affairs Elena Pernia, dapat lamang na maging masaya ang UP Community sa pagdiriwang ng pasko at bagong taon.

“Binabati ko ang aking mga minamahal kong kasama sa UP Diliman sa isang masayang pagdiriwang ng pagtatapos ng taon at kapaskuhang puno ng buhay at pag-asa. Nararapat lamang na tayo’y magalak. “

Ayon kay Concepcion, maliban sa katatagan, napatunayan din ng UP na kayang matulungan ang ating bansa sa mga pagsubok ngayong pandemya.

“Ngayong taon, di lamang natin napatunayan ang ating katatagan, buong ningning nagawa nating tulungan ang bansa na harapin ang pandemya at maligtas ang ating mga kababayan. Literal na sinipat at hinimay ng ating mga eksperto ang kalaban. Ginabayan ang mga namumuno sa pamamalakad na may pagtingin sakop ang kalusugan at kabuhayan. Dito sa campus, naitatak na sa makulay nitong kasaysayan ang pag-aalay ng lunan at kalinga para sa libo-libong nangangailangan ng matutuluyan at bakuna. 

Masaya rin niyang ipinaabot na magtatapos ang dalawang taon ng pandemya ng puno ng buhay at pag-asa

“Ang dalawang taong tinuturing nating madilim na yugto ng ating buhay, ay magtatapos ng puno ng liwanag, liwanag na sinasagisag ng ating mga parol. Ito ang liwanag ng buhay at pag-asa, na pinag-lingas ng ating indibidwal at sama-samang sakripisyo.”

Umaasa rin si Concepcion na sa pagpasok ng taong 2022 ay babalik din sa normal ang buhay ng lahat.

“Sa darating na 2022, masasabi nating alam na natin ang ating gagawin upang mapangalagaan ang isa’t isa. At di magtatagal, magsasama-sama na tayo muli, at muling malalanghap ang sariwang hangin ng buhay normal.”

HInikayat din niya ang lahat na magpasalamat sa mga biyaya na ating tinatamasa.

“Kaya’t patuloy nating panghawakan ang ating pinagtagumpayan, ang biyaya ng ating pagpapatuloy sa trabaho, ang pananatili ng ating mga mahal sa buhay, ang bawat pagdulog sa nakayanang hain sa hapag.” DZUP

By using this site, you are giving permission to store and access cookies, unique identifiers, personal data, and information on your browsing behavior on this device. Privacy information is available here, and terms are available here.