Inihain ni Senador Nancy Binay ang isang panukalang batas na naglalayong mabigyan ng mga tablet o kaparehong kagamitan ang bawat mag-aaral sa mga pampublikong paaralan.
Ang Senate Bill No. 2454 o ang “One Tablet, One Student Act” ni Binay ay makapagbibigay sa bawat pampublikong elementarya at sekondaryang mag-aaral pati na rin ang mga nasa state universities and colleges ng kagamitan kagaya ng tablet computer para masiguro ang epektibong paglahok ng mga ito sa online learning.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga mag-aaral na mayroon ng sariling learning gadgets ay dapat na mabigyan naman ng educational assistance sa pamamagitan ng internet allowance.
Aatasan naman ang Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) para ipatupad ang nasabing programa at alamin kung sino-sino ay mga kwalipikado dito.
Oras na maisabatas, kailangan na makipag-ugnayan ng DepEd at CHED sa mga local government units sa pamamagitan ng Department of Interior and Local Government at Department of Information and Communications Technology para bumuo ng implementing rules and regulations nito.
Sa explanatory note, sinabi ni Binay na ang pagpapalit sa “digitally dependent learning models” ay ipinatupad para mapangalagaan ang mga mag-aaral mula sa COVID-19.
Ayon pa sa Senador, sa datos ng DepEd at CHED mayroong 27 million na elementary at high school students na nakapag-enroll ngayong academic year habang may 1.6 million naman na mag-aaral na naka-enroll sa SUC’s at local colleges at universities.
“This staggering number of students who need tablets does not even include their teachers who are likewise in need of such devices.” Paliwanag ni Binay. DZUP