Inanunsyo ng Commision on Higher Education (CHED) na magsisimula na sa Lunes, Enero 31, 2022 ang pagsasagawa ng Phase 2 ng limited face-to-face classes sa lahat ng programa ng Higher Education Institution (HEIs) na nasa Alert Level 3.
Sa CHED COVID-19 Advisory Number 9 nitong Enero 10, 2022, binanggit ng CHED ang petsa ng nasabing programa.
“The Commision on Higher Education hereby informs that the date of the Phase 2 of the implementation of limited face-to-face classes for all programs of HEIs in areas under Alert Level 3 should begin on 31 January 2022.”
Ayon pa sa CHED, alinsunod ito sa Inter-agency Task Force (IATF) Resolution Number 148-G na ina-prubahan ang phased implementation ng limited face-to-face classes sa lahat ng programa ng HEIs sa ilalim ng Alert Level System for COVID-19 Response.
Sinabi pa nila na ang nasabing desisyon ay alinsunod din sa Section II-A ng CHED DOH Joint Memorandum Circular (JMC) No. 2021-004 o ang guideline para sa implementasyon ng nasabing programa.
Dinagdag pa ng CHED na ang nasabing mga pagbabago ay ginawa dahil na rin sa rekomendasyon ng Department of Health (DOH)- Public Health Service Team.
Sa guidelines ng Komisyon, tanging fully vaccinated na mag-aaral, guro at kawani nito ang pinapayagang dumalo sa pagbabalik ng limited face-to-face classes sa bansa. DZUP