Ang “Bakunahan sa Diliman” ay inilunsad ng UP Diliman kasama ang lokal na pamahalaan ng Quezon City noong Abril para sa mga rehistrado at kumpirmadong tauhan ng UP Diliman, at mga residente ng Barangay UP Campus at Quezon City.
Naging maganda ang tugon ng mga mamamayan sa ‘Bakunahan sa Diliman’ at nagkaroon ng pagbabakuna sa mga bata at boosters kaya ang tatlong buwang orihinal na plano ng pagbibigay bakuna ay umabot ng halos walong buwan. Ito ay ayon kay UP Diliman Vice Chancellor for Community Affairs Aleli B. Bawagan sa kanyang talumpati sa pagtatapos ng nasabing proyekto.
Sa pahayag ni VC Bawagan sa DZUP Balita, sinabi niyang nakapagpangasiwa ang ‘Bakunahan sa Diliman’ ng higit 37,000 na bakuna.
“As of Dec 15, nakapag-administer tayo ng 37,072 doses – 16,254 na first dose 15,786 na second dose, at 5,032 booster.“
Sa isinumiteng Vaccination Data ng opisina ng UP Diliman Vice Chancellor, 346 ang nabakunahan noong Abril; 2,063 noong Mayo; 4,018 noong Hunyo; 6,118 noong Hulyo; 8,372 noong Agosto; 7,238 noong Setyembre; at 1,435 noong Oktubre; 3,865 noong Nobyembre; at 3,617 noong Disyembre 15, 2021.
Ayon pa kay Bawagan kahit hindi miyembro ng Unibersidad ng Pilipinas, nabigyan din ng serbisyo ng ‘Bakunahan sa Diliman’.
“Nagbakuna tayo ng mga individuals sa labas ng barangay ng UP campus at kahit hindi empleyado ng UP.”
Iba-iba rin ang mga bakunang naibigay sa loob mula Abril hanggang Disyembre.
“We administered Sinovac, Astra Zeneca, Gamaleya, Moderna.”
Dagdag ni Vice Chancellor, sa kabila ng tagumpay ng proyekto, hindi naiwasan ang ilang naging problema sa pangangasiwa ng nasabing proyekto.
‘There were always challenges in the program – related to coordination with barangays, sometimes not enough volunteers were available, no-shows from those who registered.’
Sa ngayon, ay nasa University Health Service (UHS) sa UP Diliman ang bakunahan.
‘Nagsara na ang CHK Bakunahan noong Disyembre 15; nilipat natin ito sa UHS; may ilang volunteers na nagpapatuloy magrender ng service.’
Ibinahagi ni VC na nagkaroon ng bakunahan kahapon, Enero a-kwatro.
“May bakunahan today sa UHS, for second dose; at 250 boosters; mag request pa sa QC Health Dept if they will still give us doses for boosters.”
At para sa tanong na kung ano ang inaasahan nila ngayong taon, ang sagot ni Bawagan:
“This year, we expect to finish the second doses and boosters based on a few more available doses.”
Nag-iwan din siya ng mensahe para sa mga hindi pa Pilipinong hanggang ngayon ay wala pang bakuna kontra COVID-19.
“Habang tumataas ang covid cases ngayon, dagdag proteksyon nating lahat laban sa matinding symptoms ng covid ang bakuna; napatunayan na ito ng mga datos ng mga nagkasakit ngayon—mas marami sa mga naospital ay ang mga hindi bakunado.” DZUP