Tuwing nalalapit ang pasko, ipinagdiriwang ng University of the Philippines ang taunang Lantern Parade, kung saan nagsasama-sama ang buong pamayanan ng unibersidad.

Taun-taon ay pumaparada ang mga naglalakihan at bonggang mga parol sa loob ng UP campus, sinusundan ng mga magarbong pagtatanghal at nagtatapos sa makulay na “fireworks.”

Pero dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19 sa buong mundo, kung saan bawal muna ang malakihang pagtitipon-tipon, pangalawang taon na ngayong 2021 na walang aktwal na parada ng mga parol sa loob ng UP campus.

Hindi naman ito hadlang para hindi magpatuloy ang pagbibigay ng kasiyahan at pag-asa ng tradisyunal na “UP Lantern Parade” para sa buong komunidad. Kaya kahapon, December 21, 2021, natunghayan sa social media ang birtwal na selebrasyon ng “UP Lantern Parade” UP Diliman. Tinawag itong “Ugnayan at Pagpupugay.”

Sa pambungad na pananalita, malugod na pinaliwanag ni Chancellor Fidel Nemenzo ang kahalagahan ng mga parol para sa mga Isko at Iska at sa buong komunidad ng UP.

‘Alam ko pong mahirap magdiwang sa gitna ng pandemya. Lalo pa sa gitna ng trahedya. Pero naisip naming ituloy ang virtual lantern parade dahil nais nating maging simbulo ng pag-asa at pagkakaisa ang bawat parol na nagawa’

Binanggit din ni Chancellor Nemenzo na ang mga parol ay simbulo ng pagtutulungan at pagbibigay pag-asa para sa isa’t-isa.

‘Mahirap ang pinagdaanan nating lahat sa taong ito. Nariyan ang pandemya, pati ang sunod-sunod na trahedya. Pero maluwag na at wag nating kalilimutan na may liwanag sa gitna ng dilim. Tulad ng mga parol na inyong nilikha, sana lahat tayo ay maging instrumento ng pagkakaisa. Sana lahat tayo ay maging tanglaw ng pag-asa.

Bago nagsimula ang programa, inalala at pinasalamatan ng UP Diliman ang mga miyembro nitong pumanaw ngayong taon. Binigyang pugay ang kanilang mga di malilimutang kontribusyon sa komunidad.

Ipinagmalaki ni Vice Chancellor Louise Sonido ang mga pagtatanghal at aktibidad na binuo ng kanilang grupo para maihatid ang birtwal na parada ng parol ngayong taon.

Ang virtual lanterns na ito ay produkto ng kolaborasyon at pinag-sanisanib na sikap, sigla at pagmamahal ng mga kawani, faculty at estudyante. Tunay, pinakamabuluhan ang sining tuwing ito ay daluyan ng kolektibong lakas at lunas.

Ang mga parol, para kay VC Sonido, ay pagkilala rin sa walang pagod na pagtulong ng mga frontliners at essential workers ng UP Diliman.

Ang proyektong ito ay handog din namin sa mga frontliners at essential workers ng UP Diliman. Mula simula ng pandemya, patuloy na naglingkod …. para sa kapakanan ng komunidad sa UP.

Matapos ang pagpapalabas ng ilang pagtatanghal, masayang inanunsyo ni Vice Chancellor Aleli Bawagan ang mga birtwal na parol na pinaka-nagnining sa live streaming.

Winners of the virtual Lantern Parade 2021. Courtesy OVCSA.

Sa Academic Units, hinirang na 1st prize ang parol mula sa College of Arts and Letters, 2nd prize ang College of Home Economics, 3rd prize ang parol ng Asian Center, at honorable mention ang parol ng College of Social Science and Philosophy.

Nanalo din sa College of Fine Arts Contingents ang “Ilaw ng Pag-asa” ng VC 26X bilang 1st prize, ang “Ipagpatuloy ang Liwanag ng Pag-asa: Kwento ng Community Pantry” ng VC FA 14 Block W bilang 2nd prize, ang “A Year in Automata” ng FA 14 Materials class sections UID1 at UID2 bilang 3rd prize, at ang “Frontliners Araw-araw” ng VC 26Y bilang Honorable Mention.

Birtwal na ipinahatid ni UP President Danilo Concepcion ang kanyang pagbati para sa pagtatapos ng taon, kasabay nito ang malugod na pagbabahagi kung paano nakatulong ng lubos ang UP Community hindi lang sa mga miyembro nito, kundi sa buong bansa.

Binabati ko ang mga minamahal kong kasama sa UP DIlilman ng isang masayang pagdiriwang ng patatapos ng taon at kapaskuhang puno ng buhay at pag-asa. Nararapat lamang na tayo’y magalak. Ngayong taon, hindi lamang natin napatunayan ang ating katatagan. Buong ningning nagawa nating tulungan ang ating bansa na harapin ang pandemya at maligtas ang ating mga kababayan. Literal na sinipat at hinimay ng ating mga eksperto ang ating kalaban. Ginabayan ang mga namumuno sa pamamalakad nang may pagtinging sakop ang kalusugan at kabuhayan.

Nagpasalamat din si President Concepcion at nagpaalalang ipagpatuloy ang pag-agapay sa isa’t-isa.

Ang paglingap natin sa isa’t-isa ay di magmamaliw. Bagkus pinatatatag tayo bawat araw na tayo’y hindi nagpapagapo. Salamat sa isa nanamang taon sa inyong piling at pagsasama. Mabuhay ang UP nating mahal. Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon mga ka-UP!

Sa huli, ibinahagi ni VC Sonido ang kanyang pag-asa at pananabik para sa susunod na parada ng mga parol.

“Sana sa susunod na Lantern Parade, only if it’s safe … may we find ways again to come together and celebrate. Manood na ng mga parol ng live at makanood ng fireworks at siyempre kung pwede lang finally ay mayakap ang isa’t-isa sa pagsalubong ng bagong taon.’ Matindi ang pinagdaanan natin ngayong taon, at tinitignan natin na matindi pa rin ang haharapin natin sa susunod na taon. Be strong at patuloy na umasa, patuloy na umalab. Lalaban tayo ng sama-sama. Hindi kayo nag-iisa. Muli’t-muli, magkikita tayo at titindig tayo muli ng magkakasama sa mga susunod na taon. Merry Christmas!DZUP