Isinagawa noong Mayo 31 ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman Sentro ng Wikang Filipino (SWF) ang isang pagtitipon ng mga punò ng iba-ibang SWF sa buong UP System bílang bahagi ng paggunita sa ika-35 anibersaryo ng Palisi sa Wika ng UP.
Dinaluhan ang naging púlong ng mga kinatawan mulâ sa UP Baguio, UP Manila, UP Los Baños, UP Open University, UP Visayas, UP Tacloban College, at UP Mindanao.
Dumalo rin sa nasabing aktibidad ang Dap-ay Filipino na tumatayông tagapayo ng UP Diliman SWF. Binubuo ito ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, Department of Linguistics, at College of Education Language Area.
Nakisáma rin dito siná UP Vice President for Academic Affairs Leo Cubillan at UP Diliman Vice Chancellor for Research and Development Carl Michael Odulio, na kumatawan kay UP Diliman Chancellor Edgardo Carlo Vistan II.
Nagsilbing pangunahing tagapagsalita sa idinaos na talakayan si dáting UP Diliman SWF Director Professor Emeritus Rosario Torres-Yu.
Nagbalik-tanaw si Torres-Yu sa mga kinaharap na hámon ng iba’t ibang yunit ng SWF sa buong UP System pagdating sa implementasyon ng UP Palisi sa Wika at iba pa.
Sa kaniyang presentasyon sa aktibidad, ibinida ni UP Diliman SWF Direktor Jayson Petras ang iláng naging proyekto ng SWF sa mga nakalipas na taon, gaya ng Aklatang-Bayan, Gawad-Saliksik Wika, Gawad Teksbuk, at Gawad SWF.
“Sa usapin ng polisiya sa wika sa UP Diliman, mayroon namang suporta mula sa Opisina ng Tsanselor, nakikita namin iyong suporta sa mga proyekto. Wala kaming hininging budget na na-disapprove.”
Para sa UP Diliman SWF, naging pagkakataon ito “upang magbalik-tanaw sa kasaysayan ng SWF simula nang maitatag ito, masuri ang sitwasyong pangwika at kalagayan ng SWF sa bawat yunit, at makabuo ng mga resolusyon at plano para sa higit pang pagpapalakas ng mga SWF at ng wikang Filipino sa Sistemang UP.”