Kilalá ang Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman sa maraming bagay tulad ng kaalaman, inobasyon, kritikal na pag-iisip, at pakikibaka. Kanlungan din ang UP Diliman ng sining at kultura. Sa iba’t ibang sulok ng 493-hectare na Unibersidad, masisilayan ang mga likhang sining na bukás para sa lahat ng mga nagnanais tumanaw, matuto, o magnilay.
Mahaba ang kasaysayan ng pagtataguyod ng sining sa UP. Mulâ nang itatag itó ng American colonial government noong 1908 hanggang sa kasalukuyan, isa ang UP—partikular ang UP Diliman—sa nangungunang institusyon sa bansa na hindi lámang nagsusulong ng pagtuturo ng sining kundi nagbibigay rin ng plataporma sa mga artista upang makapaglikha at makapagbahagi. Sa katunayan, ayon sa pinakahuling talâ ng UP, limampung mga Pambansang Alagad ng Sining o National Artist ang gáling sa UP. Karamihan sa kanila, mulâ UP Diliman.
Sa iba’t ibang sulok at bahagi ng Pamantasan, masisilayan ang samot-saring likhang sining na bukás para sa lahat ng nagnanais tumanaw, matuto, o magnilay.
Mulâ sa mga gawa ng bantog na UP alumni tulad ng UP Gateway ni National Artist Napoleon Abueva at Oblation statue ni National Artist Guillermo Tolentino—na bumabatì sa mga pumapasok ng campus—hanggang sa mga museong laman ang sari-saring obra at mga graffiti ng artist-activists sa iláng pader sa kahabaan ng Katipunan Avenue, taglay ng mga pampublikong obrang itó ang mga kuwento ng husay at dangal, gayundin ang bitbit nitong mga panawagan.
Bílang bahagi ng pagdiriwang ng Diliman Arts and Culture Festival 2024 at sa tulong ng grant na ibinigay ng UP Diliman Office for Initiatives in Culture and the Arts (OICA), gumawa ng serye ng mga multimedia content na pinamagatang Liwanag ng Diliman ang campus radio na DZUP patungkol sa repleksiyon nitó sa temang “Pamamalagi at Pamamahagi” na nakatuon sa paggunita sa ika-75 taon ng paglilipat ng Oblation sa Diliman, Quezon City mulâ Ermita, Manila.
Tampok sa unang episode ng Liwanag ng Diliman na pinamagatang “PaLiwanag: Sining sa Diliman” ang Unibersidad bílang isang pugad ng sining. Tinalakay ng mga eksperto gáling Department of Art Studies ng UP Diliman College of Arts and Letters kung paanong nakakapagmulat, nakakapagpakilos, at nakakaginhawa ang sining. Kasáma sa mga nakapanayam ng DZUP para rito siná Assistant Professor Mark Louie Lugue, Associate Professor Tessa Maria Guazon PhD, at Professor Flaudette May Datuin PhD.
Abangan ang pilot episode ng OICA-funded program na itó sa Hulyo 17, 2024 sa DZUP Facebook page at YouTube channel. — kasama ang ulat ni Almira Mendoza