Sa tulong ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman Office for Initiatives in Culture and the Arts (OICA), bumuo ng dokumentaryo ang DZUP tungkol sa kung paano hinubog ng makasaysayang Diliman Commune ang utak, puso, at diskarte ng campus press sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) bílang boses ng kabataan pagdating sa mga isyu na may kinalaman sa lipunan.
Pinamagatan ang nasabing dokyu na “Diwa ng Diliman Commune sa Campus Press Noon at Ngayon.”
Binalikan dito ang mga pangyayari sa Diliman Commune na naganap noong Pebrero 1-9, 1971 sa UP Diliman campus.
Sa Diliman Commune, naglunsad ng kilos protesta ang mga iskolar ng bayan. Bílang pakikiisa sa welga ng mga tsuper laban sa pagtaas ng presyo ng langis, nagsagawa ng pagkilos ang mga estudyante. Naglagay silá ng barikada sa University Avenue upang pigilang pumasok ang pulisya at militar sa loob ng kampus. Nauwi itó sa mararahas na engkuwentro ng dalawang panig.
Ginamit ng mga nagbarikada ang mga silya, mesa, at pisara para harangan ang mga armadong pulis na gustong pumasok ng UP campus.
Sa pamamagitan ng mga panayam sa mga editor-in-chief ng mga pahayagang Philippine Collegian, Sinag, Tinig ng Plaridel, at Umalohokan ng UP National College of Public Administration and Governance, at Executive Vice Chairperson ng systemwide alliance na UP Solidaridad, pinag-usapan kung paanong patuloy na naiimpluwensiyahan ng Diliman Commune ang mga student journalist.
Makalipas ang higit sa limang dekada, sinabi niláng buháy pa rin ang diwa ng Diliman Commune sa paraan ng kanilang pagsusulat at pag-uulat.
Ikatlo at huling episode na ng “Liwanag ng Diliman” project ng DZUP ang “Diwa ng Diliman Commune sa Campus Press Noon at Ngayon.” Bahagi itó ng selebrasyon ng UP Diliman Culture and Arts Festival 2024 na pinapangunahan ng UP Diliman OICA.
Mapapanood itó sa DZUP Facebook page at YouTube channel, at dzup.org sa July 31, Miyerkoles. — kasáma ang ulat ni Ivy Montellano