Suportado ni Dating Bayan-Muna Representative Neri Colmenares ang panawagan ng mga guro at mag-aaral na magkaroon ng libreng rapid antigen test bilang paghahanda sa nalalapit na pilot implementation ng face-to-face classes sa bansa.
Sinabi ni Colmenares, Chairperson ng Makabayan at alumni ng UP College of Law, na kailangan na magkaroon ng mas mahigpit na mga hakbang ang Department of Health (DOH) at ang Department of Education (DepEd) para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa loob ng silid-aralan.
Ipinunto rin niya na bukod sa paggamit ng facemasks at wash facilities, makakatulong aniya ang pagkakaroon ng mass testing sa lahat ng kasali sa nasabing pilot run at partikular niyang hinalimbawa ang mga paaralan sa bansang Singapore, Thailand at Japan na nagsasagawa nito.
Pinag-ukulan din niya ng pansin ang pagbibigay ng swab testing sa mga turista ng Department of Toursim o (DOT), “Kung kaya magbigay ng subsidiyo ang Departent of Tourism para sa swab testing ng turista, mas lalong dapat magkaroon ng libreng testing para sa mga kalahok sa pilot testing ng face-to-face classes. Hindi pa dapat bigyan din natin sila ng parehong halaga?” ani Colmenares.
Magsisimula ang pilot run ng face to face classes sa isandaang pampublikong paaralan sa November 15.
Samantala, dahil maari na ang 50 percent limited face-to-face classes sa lahat ng degree programs sa kolehiyo sa ilalim ng Alert Level 2, panawagan din ni Colmenares na magkaroon ng mass testing sa mga nasa kolehiyo.
Ito ay para aniya sa mga hindi pa bakunado kontra COVID-19 na makasali sa nasabing programa dahil para lamang ito sa mga nabakunahan na sa mag-aaral at estudyante sa nasabing lebel.
Pero ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, kailangan na pumayag ng mga LGU at magkaroon ng retrofiting sa mga gagamiting silid-aralan para sa nasabing pagbabalik klase ng mga kolehiyo. DZUP