Isang bagong variant ng SARS-CoV-2 coronavirus ang nakita sa bansang France nitong buwan ng Disyembre.
Ayon sa ulat ng IHU Mediterranee Hospital, nakita ito sa isang manlalakbay na bumalik sa nasabing bansa mula sa Cameroon na nakahawa ng 12 katao sa Southern France.
Sa isang preprint study, tinawag ang bagong mutant na B.1.640.2 na mayroon namang 46 mutations at nakita rin dito ang dalawa nang kilala sa spike protein mutation na N501Y at E484K.
Hindi naman tiyak kung ang nasabing bagong variant ng virus ay mas nakahahawa kumpara sa orihinal na SARS-CoV-2 virus dahil sa kakulangan ng datos at tinatamaan nito.
Paliwanag naman ng World Health Organization (WHO) na kanilang binabantayan ang nasabing variant at hindi dapat mangamba sa pagkalat nito.
Sabi ni Adbi Mahmud, isang WHO incident manager para sa COVID-19, ang nasabing variant ay natutukan na ng WHO simula noong Nobyembre at hindi naman ito nagpakita ng pagkalat sa loob ng nakalipas na dalawang buwan.
Ang B.1.640.2 variant ay unang nakita nitong Oktubre at na-upload ang impormasyon sa Gisaid, isang database para sa disease variant.
Kauna-unahang kaso ng “flurona,” nakita sa Israel
Samantala, sa Israel, isang 31 year old na buntis ang nahawa ng COVID-19 at seasonal influenza ng sabay na panahon.
Ito ang kauna-unahang tala sa buong mundo ng “flurona,” pinagsamang pangalan ng flu at corona.
Ayon sa ulat ng Hamodia, ang nasabing buntis ay hindi pa bakunado kontra COVID-19 o ng Flu.
Sinabi naman sa isang pahayag na nasa magandang kondisyon na at nakalabas na ng pagamutan ang nasabing pasyente.
“This is the first mother to be diagnosed with influenza and corona in Beilinson. We treated her with a drug combination that targets both corona and flu,” pahayag ni Arnon Wiznitzern ng Beilinson Hospital Women’s Department.
Omicron, simula ng pagtatapos ng pandemya – OCTA
Sa Pilipinas, sinabi ng OCTA Research na ang Omicron Variant ay maaaring “the beginning of the end” ng pandemya.
Pinaliwanag ni Fr. Nicanor Austriaco ng OCTA na ayon sa pag-aaral ang omicron ay isang “natural vaccine.”
Sabi ni Austriaco na isa ring molecular biologist na ang mga nahawaan ng nasabing variant na gumaling ay makakakuha ng antibodies na magpo-protekta hindi lang sa omicron pati na rin sa Delta, Gamma, Beta, Alpha at D614G variant.
“So as the virus rapidly increases, it’s going to try to spread to everyone, and it’s going to try to find as many of our kababayans vulnerable. It is spreading so rapidly, what you will expect is it will run out the food sooner, we have to realize that Omicron is the beginning of the end of the pandemic because omicron is going to provide the kind of population immunity that should stabilize our societies and should allow us to reopen,” sabi pa ni Austriaco. DZUP