Kinilala ng Kabataan Party List (KPL) ang pinalawig na “expanded face-to-face classes” para sa mga lugar na nasa ilalim ng alert level 1 at alert level 2 sa kanilang press statement kahapon January 19, 2022.
Tinawag ng grupo na “long overdue” ang hakbang ng rehimeng Duterte na pasimulan na ang ligtas at unti-unting pagbubukas ng klase, sa mga lugar na may mababang panganib mula sa COVID-19.
“Stakeholders’ empowerment and inclusion” ang nakikitang susi ng KPL para pasiglahin ang partisipasyon ng komunidad. Ito din ang paraan para masiguro ang ligtas na pagbubukas muli ng mga paaralan at pagpapatuloy ng edukasyon sa bansa. Dapat din, ayon sa kanila, na magkaroon ng “education relief packages” gaya ng ayuda para sa mga guro at estudyante na naapektuhan ng bagyong Odette.
Nararapat din para sa kanila na magkaroon ng karagdagang subsidiya para sa pagsasagawa ng mga istratehiyang makakatulong sa pag-iwas sa pagkalat ng COVID-19. Gaya na lang ng pasilidad sa paghuhugas ng kamay. Ito ay para hikayatin ang mga estudyante, mga guro, at mga tauhan sa mga paaralan na sumali sa nasabing programa.
Ayon pa sa Kabataan Party List, ilang mungkahi na sumusuporta sa nasabing programa ang kanilang naibigay. Kasama dito ang “Safe Reopening of Schools bill at Education Aid bill”. Ilang resolusyon din ang kanilang isinagawa para sa mga panawagan na magbigay aksyon sa mga hiling ng mga estudyante para palawigin ang bakuna kontra COVID-19. DZUP