Umapela sa korte si Kabataan Party List Bicol Regional Coordinator at Youth Act Now Against Tyranny (YANAT) Bicol Spokesperson Justine Mesias sa diumanoy ‘gawa-gawang” kaso laban sa kanya.
Naghain ng “motion to quash” o apela sa Branch 7 Regional Trial Court si Justine Mesias sa pamamagitan ng mga kinatawan niyang sina Atty. Bart Rayco ng National Union of Peoples Lawyers (NUPL) at Atty. Mae Diane Azores noong Enero 1, 2021.
“Inapela natin noong January 6 ngayong taon iyong kaso na inilabas sa akin na ‘illegal possession of firearms and ammunitions at illegal possession of explosives,” sabi ni Mesias sa DZUP Balita. “Ito po ay naging resulta nong illegal at walang basehan na raid na nangyari noong May 2 nong isang taon sa lumang tinitirhan ko.”
Ibinahagi din ni Mesias sa DZUP Balita ang pangyayaring naging basehan ng kanyang mga kaso.
“Ni-raid nila iyong lumang tinitirhan ko at tinamnan ng mga ebidensya. Hindi na po ito bago. Itong mga ganitong gawain ng PNP at ng administrasyong Duterte sa mga aktibista man yan o sa mga ordinaryong mamamayang Pilipino na naglalakas loob na maglabas ng kanilang mga saloobin.”
Para sa kanya, posibleng magtagal ang ganitong mga sitwasyon kung hindi ito mapipigilan.
“Kung hahayaan nating manatili si Duterte at ang kanyang mga alipores sa pwesto, ay magtatagal at magpapatuloy pa ang ganitong gawain nila.”
Ikinwento ni Mesias ang “red-tagging” na naranasan din niya bago ang nasabing raid.
“Bago pa man nangyari ang May 2 raid sa lumang tinintirhan ko ay ni-red tag na po ako ng ilang beses. Ang nangyari naman po sa akin ay lantaran ako na tinawag na NPA recruiter, NPA, terorista ng mismong facebook page ng Masbate City police station at Tabako City Police Station. Nasa Facebook page mismo nila iyong publication material kung saan mukha at pangalan ko mismo ang nakalagay at may text na NPA recruiter daw ako na mariin ko nman pong pinasisinungalingan at pinabubulaanan dahil hindi po ito totoo.”
Inihayag din niya ang mga epekto ng “red-tagging” sa kanyang personal na buhay.
“Sa personal na buhay siyempre may mga considerations sa security hindi lang ng aking sarili kundi ng aking pamilya. So kinailangan kong humiwalay sa aking pamilya pansamantala para na rin sa security nila. Mahirap po ito emotionally dahil kumbaga nahiwalay ako sa aking pamilya na pinaghuhugutan ko rin ng lakas.”
Maging ang kanyang buhay-estudyante, sabi ni Mesias ay naapektuhan.
“Bilang mga estudyante naman kinailangan kong magfile ng leave of absence or LOA para matugunan iyong gawa-gawang kaso sa akin para na rin sa security ko,” bahagi niya sa DZUP balita. “Dahil bago pa man ito mangyari, dahil nga sa pandemya, online classes, mabigat na rin ang epekto ng online classes sa mga estudyanteng katulad ko emotionally, physically, mentally. Kaya naman mas lumala pa ito. Mas lumala iyong toll nito sa aking emotional, physical at mental health. Kaya naman nagdesisyon ako na magfile ng Leave of Absence. Para na rin sa aking kalusugan, in general’s health and wellness ko kung baga.”
Naniniwala si Mesias na may kaakibat na peligro ang “red-tagging”.
“Nagbui-build-up siya into something worst,” paliwanag ni Mesias. “In my case iyon nga po iyong gawa-gawang kaso. For many activists at ordinary citizens ay nauuwi sa pagpaslang. Pinapatay na lang ng basta-basta ng AFP, PNP. At pinaparatangang NPA, NPA recruiter, NPA sympathizer na obvious naman na hindi totoo at obvious na black propaganda para lang matabunan iyong kasalanan nila at kriminal na gawain nila.”
Sa panayam ng DZUP Balita, inihayag ng grupong Kabataan Party List ang kanilang suporta kay Justine Mesias.
“Ginigipit ng gobyerno ang mga gaya ni Justine dahil namumuno sila sa mga kapwa kabataan para isulong ang ligtas na balik-eskwela, sapat na ayuda at trabaho, makataong tugon sa pandemya, at iba pang panawagang hindi nasasagot ng gobyerno hanggang ngayon. Takot ang gobyerno natin sa mga kabataang nagsasalita at kumikilos kaya nagsasampa sila ng gawa-gawang kaso para mapatahimik tayo at matanggalan ng boses.”
Kasama sa pahayag ng grupo ang mensahe nila sa mga Pilipino at maging kay Pangulong Rodrigo Duterte.
“Sa mga kapwa Pilipino, huwag tayong magpadaig sa takot o hayaan na lang ang tila walang hanggang pagtitiis habang nagpapayaman sa gitna ng pandemya ang mga opisyal natin.”
“Sa administrasyong Duterte, hindi kayo habambuhay sa puder. Humanda kayo dahil papanagutin kayo ng mamamayan sa inyong mga kasalanan sa bayan.”
Inilahad pa ng Kabataan PL na hindi sila titigil sa pakikipaglaban.
“Walang banta o atake ang makakapigil sa kabataang Pilipino na lumaban para makawala sa abuso at tiraniya ni Duterte. Hangga’t lumalala ang krisis sa kalusugan at ekonomya, marami pang mga kabataan gaya ni Justine ang maglalakas-loob na tumindig upang ipaglaban ang tunay na makatao’t makabayang pagbabago at wakasan ang bulok na pamumuno ni Duterte.” DZUP