Nakapagtala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC ng higit sa 225 milyong pisong halaga ng pinsala sa mga imprastraktura at higit 118 milyon piso sa sektor ng agrikultura dahil sa hagupit ni Bagyong Odette.
Sa isinagawang briefing ng ahensya, dahil sa pag-alis sa teritoryo ng bansa ni Odette, naging tuloy-tuloy na ang ginawang mga malawakang response para makapagbigay ng tulong sa mga naapektuhan ng bagyo.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, bukod sa mga pinsala limampu’t walo na ang napaulat na namatay pero apat na dito ang kanilang nakumpirma.
“We are still in the process of receiving verified reports of these casualties,” paliwanag ni Timbal sa briefing.
Sinabi pa ni Timbal na labing-walo naman ang napaulat na nawawala habang higit sa isandaan ang nasugatan pero kanila pa itong inaalam sa mga lokal na pamahalaan.
“Hindi po natin dinis-discount yung number po na yon lalo na na po yung mga naririnig natin na supposedly coming from the PNP, but ah nagtitiwala po tayo na sa oras na yon ay patuloy na inimbestigahan at para ma-kumpirma ng ating mga kasamahan sa kapulisan.”
Umabot naman sa higit tatlong daang libong katao ang kanilang nailiakas sa kanilang isinagawang malakihang evacuation noon pang December 10.
Apatnapu’t isang daan at apat na mga tulay naman ang naapektuhan at hindi madaanan habang apat na paliparan at higit isandaang pantalan din ang binayo ni Odette.
Aabot naman sa higit dalawandaang siyudad at munisipalidad ang nakaranas ng kawalan ng kuryente pero dalawampu’t-isa dito ay naibalik na.
Nagbabala rin ang ahensya sa mga nais mag-samantala sa sitwasyon.
“We would like to give warning to our country men po na pag ganitong panahon meron din pong nananamantala at kunwari magsasagawa po ng mga relief donation drives pero hindi po natin matukoy kung saan napupunta ang mga salapi na ating dino-donate, atin pong pag-ingatan ito at tayo po ay magbigay ng ating donasyon sa mga pinagkakatiwalaan nating ahensya at organisayon., pagpapatuloy ni Timbal.
Ipinaabot din nila na bukas na ang donation hotlines ng NDRRMC sa mga nais magpadala ng tulong sa mga nasalanta ng kalamidad.
“The NDRRMC open its donation hotline as well as the donation focal person para po i-facilitate ito pong ating pagbibigay tulong sa ating mga kababayan we are also welcome the activities being done with the private sector.” DZUP