Nanawagan ang Kabataan Partylist na bigyang prayoridad at bigyang aksyon ang daing ng sektor ng edukasyon sa mga lugar na napinsala ng Bagyong Odette sa pagpapatuloy ng pandemya.
Sa press conference ngayong araw, sinabi ni Kabataan Partylist Representative Sarah Elago na kanyang isusulong sa pagbubukas ng sesyon sa mababang kapulungan ang mga panawagan sa mga naging konsultahan.
“Isang buwan na mula ng tumama ang Bagyong Odette, matindi ang pinsala, marami ang nawalan ng tahanan at wala pa ring maayos na utilidad sa tubig, kuryente, komunikasyon at koneksyon sa internet,” sabi ni Elago sa pulong-balitaan.
Aniya, lubos na naapektuhan ang sektor ng edukasyon na matagal na rin daw nakararanas ng pinsalang krisis buhat ng magka-pandemya.
“Kailangan ang mga inklusibo at makataong hakbang upang agarang tulungan ang mga estudyante, guro, mga kawani sa edukasyon at mga apektadong komunidad na makapag-focus sa kaligtasan, kalusugan, kapakanan at pagbangon mula sa sakuna at pandemya.”
Panawagan ng Kabataan
Ayon pa kay Representative Elago, isusulong niya sa kongreso ang “End the Semester Now in Colleges and Universities in Odette-hit areas.”
“Ilang malaking pamantasan at kolehiyo na ang nagpatupad nito bilang konsiderasyon sa kalagayan ng mga stakeholders nito.”
Kasama rin ang panawagan para sa implementasyon ng No Fail Policy at No Forced Drop Policy.
“Matagal na pong nakapanukala sa kongreso ang 10k student aid para sa estudyante sa lahat ng antas gayundin ang pagkakansela ng interes sa mga student loans at dagdag na assistance para sa mga gadgets.”
Bukod dito, isinusulong din ang implementasyon ng Comprehensive Rebuilding and Rehabilitation, Disaster Risk Reduction and Management, Climate Action, Pandemic Response and Recovery Measures at Declaration of Two-week Essential Health Breaks in Areas Under Alert Level 3.
Prayoridad din ni Elago ang panukala sa pagpasa ng “Ayuda Bill” at ang UP-DND Accord.
“Ngayong Enero, nag-isang taon na rin nung unilateral abrogation ng UP-DND Accord, nananawagan tayo na ilabas na sa plenaryo ang UP-DND Accord Bill, pakinggan ang panawagan na tumindig para sa kalayaang akademiko at demokratikong karapatan hindi lang sa UP, hindi lang sa PUP na may parehong accords kundi sa lahat ng education institution.”
Panig ng student-leader
Ayon naman kay Johann Cordeno VP for Internal Affairs ng Cebu Doctors University College of Nursing Student Body, sa kabila ng naging pinsala ng Bagyong Odette sa kanilang lugar, may mga ilang school administration ang patuloy na nagpatupad ng deadline at reschedule sa mga pagsusulit na dapat ay kinansela na.
“This is but example of an oppressive policy that schools continue to impose under students and even before the onslaught of Typhoon Odette there are other policies that have been really concerning such as asserting disconnection policy whereby student held accountable for their own disconnection if you have disconnected from exam then you are not allowed to retake that since you’ll be shouldering that in your own,” sabi ni Cordeno.
Kulang din aniya ang face-to-face classes sa health aligned-courses.
Suportado naman ng UP Diliman University Student Council (USC) ang mga inilatag na panawagan ni Representative Elago.
Sinabi ni Jonas Abadilla, Chairperson ng USC na hindi lamang apektado ng COVID-19 ang UP Diliman, apektado rin ang ilang campuses nito.
“Hindi lamang po naaapektuhan ng COVID-19 ang UP-Diliman, kundi kasama po rito ang mga campuses kagaya lamang po ng UP-Cebu, UP-Mindanao at UP-Visayas sa parteng south ng bansa natin kung saan natamaan din sila ng Bagyong Odette,” sabi ni Abadilla.
Ipinunto pa ni Abadilla na sa ngayon ay hindi pa rin nakababangon ang mga dahil sa kawalan ng basic student services tulad ng maayos na internet connection.
“Kaya naman patuloy po na nagre-request ang UP Diliman University Student Council na patuloy na itigil na ang semestre at pagbibigay ng mga requirements ng mga Faculty.” DZUP