Nabigo ang gobyerno ng Pilipinas na mabakunahan ang 54 milyong Pilipino bago matapos ang taong 2021. Ito ay sa kabila ng pagbaba ng target mula sa 70 porsyentong original na target nito o 77 milyon para makamit ang ‘herd immunity’ ng bansa.
Mula sa datos ng National COVID-19 Vaccination Dashboard noong Sabado, January 1,2022, umabot sa 49,765,213 na indibidwal ang nakatanggap ng kumpletong bakuna noong Dec.31, 2021.
Para kay National Task Force Against COVID-19 (NTF) chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr. kung tutuusin ay nakamit na ang target na bilang ng bakunahan. Pinaliwanag niya ito sa kanyang pahayag sa PTV 4, dalawang araw nang nakakalipas.
“Na-breach na po natin iyong 50 million,” sabi ng Galvez. “Iyong 54 million, kung itra-translate po natin yan, parang na-delay lang tayo ng one week or two weeks sa ating vaccination.”
Ayon pa kay Galvez, ang delay sa bakunahan ay epekto ng Bagyong Odette o ‘Rai’ na sumalanta sa malaking bahagi ng Visayas at Mindanao.
“Because nakita natin, nagkaroon tayo ng tinatawag nating certain event na iyong Bagyong Odette ay talagang malaki. Anim na region ang tinamaan. Kung sana hindi tinamaan iyon, baka nakaya po natin iyong 54 million,” dagdag pa niya.
Dagdag pa ng Vaccine Czar, kaya pa ring makumpleto ang target na 54 million sa unang buwan lang ng 2022.
“Pero iyong 54 million po na yan, 4 million, one week po kaya po naming sa first quarter po iyan. Within first quarter ng first month,” sabi niya. “Kahit first week ng January o second week ng January makukuha po natin iyan.”
Masaya ding ibinalita ni Galvez ang ang takbo ng bakunahan para sa mga kabataan.
“Natutuwa po kami na iyong mga kabataan, mahigit na 8 million na po ang nababakunahan at mayroong 5.2 million na po ang naka second dose. And tutuloy po tayo na nag-nenegotiate po tayo sa Pfizer na mapa-aga iyong 15 million na inoffer natin para naman sa 5-11,” sinabi niya. “And hopefully dumating iyong second week or third week ng January. Magsisimula po tayo kaagad once na nakuha natin iyon.”
Sa pinakahuling report ng Department of Health sa kanilang social media accounts, umakyat nanaman sa 4,600 ang kaso ng COVID-19 sa bansa matapos ang selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon. Kaya ine-engganyo ng Kagawaran ng Kalusugan ang pagbabakuna at pagsunod sa health protocols. DZUP