Dismayado ang Departamento ng Kasaysayan ng University of the Philippines sa naging hakbang ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na palitan ang disenyo ng isang libong piso.
Sa kanilang opisyal na pahayag, sinabi ng departamento na dapat ay nagkaroon muna ng pampublikong konsultasyon ang BSP bago tinanggal ang mga mukha ng ating World War II heroes—Jose Abad Santos, Josefa Llanes-Escoda at General Vicente Lim sa bagong edisyon ng nasabing banknote.
Kanila ring iginiit na dapat ay na-konsulta rin ang National Historical Commission sa nabanggit na usapin.
“The removal of the images of these three heroes from new design of the 1,000 peso bill is a slap on the face of our heroes, it appears that by this act the BSP is not only disregarding the Filipino symbol of its quest for nationhood and what it means through our heroes; the BSP is also trivializing this symbol,” bahagi ng pahayag ng UP Departamento ng Kasaysayan.
Nitong December 11, 2021, naglabas ang BSP ng bago nitong disenyo para sa nasabing banknote na inaprubahan naman ng Monetary Board at Office of the President.
Ito ang una sa mga bagong serye ng Philippine Currency na nakatuon sa mga halaman at hayop ng bansa at inaasahan itong lalabas sa April 2022.
Samantala, sinuportahan naman ng University of the Philippines-Diliman Executive Committee (EC) ang pahayag ng UP Departamento ng Kasaysayan.
Kabilang sa EC ay sina UP Diliman Chancellor Fidel Nemenzo bilang Chair, mga vice-chancellors, deans at director ng colleges at schools, university registrar at tatlong miyembro na halal ng University Council.
Tatlong Magigiting na Bayani
Kilala si Abad Santos, Llanes-Escoda at General Lim sa kanilang ginawang kabayanihan at kadakilaan sa panahon ng mga Hapon.
Naluklok si Abad Santos bilang Punong Mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman na siya ring nagsilbing acting president ng Commonwealth ng Pilipinas.
Nagsilbi rin siyang acting Commander-in-Chief ng Armed Forces of the Philippines sa ngalan ni noo’y Pangulong Manuel L. Quezon.
Pinaslang si Abad Santos ng pwersa ng Hapon dahil sa pagtanggi nito na makipagtulungan sa panahon ng kanilang pananakop.
Itinatag naman ni Llanes-Escoda ang Girl Scout of the Philippines, siya rin ay aktibong sa panahong iyon bilang tagapagdala ng mga inumin at makakain sa mga prisoners of war na siya namang dahilan upang arestuhin at pasalangin siya ng mga ito.
Samatalang si Lim ay siyang kauna-unahang Pilipinong nakapagtapos sa United States Military Academy sa West Point. Siya rin ay naging Commanding General ng 41st Infantry Division ng Philippine Army. Nag-organisa rin ito ng ilang grupo hanggang sa maaresto at paslangin din ng mga Hapon.
“Abad Santos, Llanes-Escoda and Lim, to this day, are graveless. Perhaps, this signifies that they belong not to their graves but to the entire country,” sabi pa ng UP Departamento ng Kasaysayan.
Panawagan ng UP
“We earnestly call on the Bangko Sentral ng Pilipinas to retain the images of our three heroes in the 1,000 peso bill, most especially in the new polymer bill.” Panawagan nila.
Kanila ring sinabi na habang ang ating pambansang awit ay patuloy na tumutugtog sa mga pinaka-karaniwang opisyal na okasyon, dapat na magkaroon ng pantay na pagpupugay at mabigyan ng karapat-dapat na simbolo sa ating bansa ang ating mga bayani. DZUP